UNCLE, balita ko sa TV at radyo, lumalala raw ang giyera sa Iran. Ang dami kong naririnig na posibleng epekto sa atin dito. Nag-aalala ako, Uncle, lalo na sa mga OFW natin sa Middle East at sa magiging epekto nito sa presyo ng mga bilihin. Ano ba ang totoo? At paano tayo makakapaghanda?
Naku, Juan, tama ang iyong pag-aalala. Ang giyera sa malayo ay maaaring magkaroon ng direktang epekto sa ating pang-araw-araw na buhay, lalo na sa ating bulsa. Sa Pilipinas, kung saan milyon-milyon ang ating mga bayaning OFW na nagtatrabaho sa Middle East, ang anumang kaguluhan doon ay may malaking impact sa bawat pamilyang Pilipino.
Ang patuloy na pagtaas ng tensyon sa pagitan ng US, Israel, at Iran ay hindi lang simpleng balita sa TV. Ito ay isang ulap ng pangamba na bumabalot sa ating ekonomiya at sa personal na pananalapi ng bawat isa. Ang pangunahing epekto nito ay mararamdaman sa presyo ng langis, na siyang ugat ng maraming gastusin.
Ang ripple effect: Ano ang mga epekto nito?
- Pagtaas ng presyo ng petrolyo: Simula pa lang ng Marso, umakyat na ang presyo ng gasolina at diesel. Kung magpapatuloy ang giyera, asahan ang mas matinding pagtaas. Ito ang pinaka-direktang impact sa ating bulsa.
- Transportasyon at kuryente: Kapag mahal ang langis, mahal din ang pamasahe. Pinag-aaralan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng pasahe. At dahil mahal ang pagbiyahe ng mga produkto, tataas din ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin. Tataas din ang singil sa kuryente.
C.Paghina ng kakayahang makabili: Kung mas malaki ang gastos natin sa langis, transportasyon, at kuryente, mas kaunti ang matitira para sa iba pang pangangailangan at serbisyo. Ito ay magpapababa sa ating kakayahang bumili at posibleng makapagpabagal sa ekonomiya.
- Paghina ng piso: Malaki ang inaangkat na langis ng Pilipinas. Kapag tumataas ang presyo ng langis sa world market, mas maraming dolyar ang kailangan natin para bilhin ito. Nagdudulot ito ng paghina ng ating piso laban sa dolyar. Mula sa P57.55 noong Pebrero 27, humina ang piso sa P58.57 noong Marso 4. Kapag humina ang piso, mas nagiging mahal ang mga imported na produkto, at mas nagiging mahal din ang pagbabayad ng mga utang ng Pilipinas na ang denominasyon ay dolyar.
- Hirap sa investment: Ang pagtaas ng global uncertainty ay nakakaapekto sa financial markets. Bumaba ang Philippine Stock Exchange Index (PSEi) nang halos 5% mula Pebrero 27 hanggang Marso 4. Ang mga ganitong paggalaw ay nagpapahirap sa pagpaplano ng investment at naglalagay sa panganib sa ating ipon na nasa stocks o mutual funds. Maaari din itong magdulot ng pagtaas ng interes sa paghiram ng pera, dahil ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay maaaring maging maingat sa pagbaba ng interest rates para maibsan ang pagtaas ng presyo ng bilihin o inflation at ang pagbaba ng halaga ng piso laban sa fokyar o depreciation.
Ang kaba ng mga OFW at ng pamilya nila
Una ay ang paghinto ng deployment. Higit sa kalahati ng ating mga land-based OFW ay nasa Middle East. Noong 2025, umabot sa 1.113 milyon ang mga OFW na nagpunta doon. Ngayon, dahil sa giyera, itinigil na ang deployment ng mga OFW sa Middle East. Sa bawat linggo na tumatagal ang giyera, humigit-kumulang 21,400 OFWs (new hires at rehires) ang apektado, na hindi makapagtrabaho at makapagpadala ng pera. Ito ay libu-libong pamilya na ang mga pangarap ay napako.
Pangalawa ay ang pagbaba ng remittance. Ang Middle East ang pinanggagalingan ng 18% ng kabuuang remittances ng OFW, na umabot sa $6.481 bilyon noong 2025. Bagama’t historically matatag ang remittances, kung magpapatuloy at lalong lalala ang giyera, maaaring bumaba ang stock ng OFWs sa rehiyon dahil sa posibleng repatriation o pagpapauwi. Ito ay direktang makakaapekto sa mga pamilya na umaasa sa ipinapadalang pera.
Pangatlo ay ang safety at job security. Higit sa lahat, ang pangunahing kaba ay para sa kaligtasan ng ating mga OFW sa rehiyon. Ang UAE, Saudi Arabia, Qatar, at Kuwait, na siyang top destinations ng OFWs, ay kabilang sa mga bansang may US bases at posibleng maging target. Ang pangamba sa seguridad ay nagdudulot ng matinding mental at emosyonal na stress hindi lang sa mga OFW kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas.
At ang panghuli ay ang long-term economic risks. Ayon sa ilang pananaliksik, ang isang matagal na digmaan ay maaaring magdulot ng matindi at pangmatagalang pagbagsak ng ekonomiya. Maaaring bumaba ang consumption at investment, na lalong magpapabagal sa paglago ng ating ekonomiya.
Ano ang magagawa natin? Paano maghanda?
Walang kontrol ang Pilipinas sa digmaan, ngunit maaari tayong maghanda at mapahina ang tindi ng bagsak ng epekto nito.
Sa pamahalaan, maingat na pamamahala sa suplay ng langis at presyo, posibleng sa pamamagitan ng staggered fuel price hikes. O di kaya’y pagdisenyo ng mga tulong para sa mga lubhang apektadong grupo tulad ng mga public transport driver at apektadong OFW.
Kailangan din ang mabuting pamamahala sa inaasahang pagtaas ng presyo upang hindi lalo pang lumala ang inflation.
Para sa pamilyang Pilipino at mga OFW, kailangan na higpitan ang budget at maging matipid. Higit kailanman, kailangan nating maging maingat sa paggastos. Unahin ang pangangailangan at iwasan ang luho. Puwede ring maghanap ng mga paraan para makatipid sa kuryente at transportasyon. Palakasin din ang Emergency Fund. Kung mayroon na, dagdagan. Kung wala pa, magsimulang mag-ipon para sa emergency. Ito ang magsisilbing unan sa oras ng kagipitan.
Maganda din na magkaroon ng regular na pakikipag-ugnayan sa inyong mahal sa buhay sa Middle East. Pag-usapan ang kanilang sitwasyon, kaligtasan, at financial plans. Magkasamang gumawa ng contingency plan kung sakaling kailangan nilang umuwi.
Kung kayo ay umaasa sa remittances, pagplanuhan itong mabuti. Siguraduhing may ipon para sa hindi inaasahang pagkaantala ng pagpapadala.
Kung may kaunting ipon, pag-aralan ang iba’t ibang uri ng investment upang hindi lang sa bangko nakadepende ang pera. Ngunit maging maingat sa gitna ng uncertainty sa merkadong pinansiyal.
Kung ang sitwasyon ay magpapatuloy, maaaring kailanganin ng mga OFW na galugarin ang ibang bansa bilang alternatibong destinasyon.
Juan, ang giyera sa Iran ay isang “external shock” na wala tayong kontrol. Ngunit sa pagiging handa, pagtutulungan, at pagiging matalino sa ating pananalapi, malalampasan natin ang hamong ito. Ang pagkakaisa at malasakit sa ating mga OFW ang magiging sandata natin sa harap ng krisis. Ang krisis na Ito magpapatibay ng kahlagahan ng disiplina sa pagbubudget, pag-iipon, pagiinvest at ang pagkakaroon ng financial goals at plano sa pamumuhay.

