29.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Imee: Wag naman kalimutan ang krudo para sa mga magsasaka

- Advertisement -
- Advertisement -

KASABAY ng kasagsagan ng anihan ngayong Marso, nagbabala si Senadora Imee Marcos sa posibleng epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga magsasaka, lalo na matapos ang mga ulat na may ilang gasolinahan sa mga probinsya na umano’y nagbabawal sa kanilang makabili dahil sa pangamba sa hoarding.

“Parang nakakalimutan ang mga magsasaka sa gitna ng krisis sa langis. Ngayong anihan, hirap na ngang makabili ang ating mga mambubukid dahil sa matataas na presyo, pinagbabawalan pa silang magpuno ng mga lalagyang galon sa mga gasolinahan. Sa halip na tulungan, lalo pa silang pinahihirapan kung kailan pinaka-kailangan nila ang suporta,” banat ng senadora.

Iginiit ni Marcos na hindi dapat maipit ang sektor ng agrikultura sa mga restriksiyong maaaring makasagabal sa produksyon ng pagkain.

“Kung walang diesel ang magsasaka, titigil ang patubig, hindi aandar ang traktora, at maaantala ang anihan. Kapag bumagal ang produksyon sa bukid, hindi lang magsasaka ang talo—buong bansa ang tatamaan dahil pagkain ng bawat Pilipino ang nakataya.”

Dagdag pa niya, habang tumataas ang gastos sa abono, binhi, at krudo, patuloy namang bumabagsak ang farmgate price ng palay na nabibili lamang ngayon sa P16-23 kada kilo. Ayon sa senador, ang ganitong sitwasyon ay lalong nagpapahirap sa kalagayan ng ating magsasaka.

“Sa bukid, doble ang dagok: mahal ang gastos, pero mura ang bili sa ani. Kung pati diesel ipagkakait pa, paano pa uusad ang produksyon ng pagkain?” ani Marcos.

Sa ngayon, pumapalo ang presyo ng diesel sa P80–86 kada litro. Sa Nueva Ecija, nasa P81–88 kada litro; sa Cebu, P84-89; sa Zambales, P81-83; at sa Camarines Sur, P72–76 kada litro.

Bilang agarang hakbang, hinimok ni Marcos ang pamahalaan na ipatupad agad ang fuel subsidy para sa mga magsasaka. Ayon sa kanya, umaabot sa halos 65 litro ng diesel ang kailangan sa bawat ektarya ng palayan para sa patubig, traktora, at pagpapatuyo ng ani.

Nanawagan din siya sa mga gasolinahan na tiyaking may sapat na suplay ng diesel para sa lehitimong gamit sa agrikultura upang hindi maantala ang produksyon ng pagkain.

Iminungkahi rin ng senadora ang pansamantalang pagtanggal ng 12% value-added tax (VAT) sa gasolina para sa mga magsasaka at iba pang maliliit na sektor upang agad na maramdaman ang ginhawa sa gastos sa krudo.

“Kung may dapat unahin sa krisis sa langis, ang mga nagtitiyak ng pagkain sa mesa ng bawat Pilipino. Tulungan ang mga magsasaka—huwag naman silang gulangan,” diin ni Marcos.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -