26.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Iran kontra Amerika: Ubusan ng lahi

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

LALONG dapat pag-ingatan ngayon ang Amerika. Nagmistula na itong halimaw na nasiksik na sa pader at wala nang mauurungan pa. At walang patawad ang pagtingin dito ng Iran, na hindi lang sinalanta sa imprastruktura sa unang ratsada ng panalakay ng Amerika noong Pebrero 28 kundi kumitil pa ng buhay ng maraming Iranian, kabilang ang daang bilang ng mga istudyanteng batang babae.

Bigung-bigo ang Amerika sa malinaw na intensyon nitong pasukuin ang Iran sa loob ng isang linggo lamang ng labanan.

Tumanggi na ang Iran sa anumang negosasyon para sa tigil-putukan.

Nilinaw ni Iran Foreign Minister Abbas Araghchi na titigil lamang ang digmaan tanging sa katiyakan na ang naunang mga pananalakay ng Amerika ay hindi na mauulit pa kailan pa man.

Napakalaki ng implikasyon ng mga pananalitang ito.


Patungkol sa Amerika, tukoy dito ang mga naging gawi nito sa mga nilikhang giyera mula pa nang pasimulan na nito ang pangmundong kolonisasyon noong 1898 hanggang sa kasalukuyang panahon na ang pinaiiral na ay mga makabagong pamamaraan ng neokolonyalismo. Nabubuhay ang pangmundong kapangyarihan ng Amerika sa ekonomiyang petro dolyar.

Ang pangmundong kalakalan ay nakatali sa dolyar, na ginagarantiyahan naman ng pangmundong kontrol sa langis.

Noong 1971, bumagsak àng ginto bilang sukatan ng halaga, na sa ganung pagbagsak ay tatangayin nito pabulusok ang dolyar na ang halaga ay nakatali sa ginto. Noong 1974, nakipagkasundo ang Amerika sa Saudi Arabia na tanging dolyar ang tatanggaping kabayaran sa langis ng bansa. Sunuran naman ang iba pang kasapi ng Organization of Oil Exporting Countries (OPEC), at sa ganun nabuhay ang ekonomiyang petro dolyar, na mangyari pa ay pinamamanginoonan ng Amerika.

Naging patakaran na ng Estados Unidos na siguruhin na ang pangmundong suplay ng langis ay kontrolado niya.

- Advertisement -

Pansinin na ang mga bansang prodyuser ng langis sa Gitnang Silangan ay pawang mga tahanan ng mga base militar ng Estados Unidos: Saudi Arabia, United Arab Emirates, Bahrain, Qatar, Kuwait.

Pamagat ko nga ng isang kolum ko sa The Manila Times: Oil, oil, oil – US Defeat.  Doon pa lang,  basa ko na ang malalim na implikasyon ng mga pananalita ni Iran Foreign Minister Araghchi: wala nang puwang ang negosasyon sapagkat ang giyera sa Iran ay giyerang ubusan na ng lahi.

Magwawakas lamang ang giyera sa Gitnang Silangan kung gupo na ang Amerika.

Sa ngayon, hilong talilong si US President Donald Trump sa pangungumbinsi sa mga kaalyado na magpadala ng mga warship sa Strait of Hormuz upang agawin ang kontrol dito mula sa Iran.  Subalit maging ang mga pinakamalapit na kaalyado ng Amerika ay tumanggi.

Simulan mo sa NATO sa Europa, tumanggi ang Britain, France at Germany, pawang gumagad sa nauna nang paninindigan ni Presidente Pedro Sanchez ng Espanya na huwag ipagamit ang base militar ng Amerika sa Espanya sa giyera sa Iran.

Sa Indo Pasipiko naman, ganun din katigas ang pagtanggi ng dati’y mga sunud-sunurang kaalyadong Australia, Japan, at South Korea.  Laban sa Iran, tanging ang Amerika at Israel – i.e. Trump at Nathanyahu – na lamang ang talagang nagkakampihan.

- Advertisement -

Sa standard na mga pamantayan, ang asta ng dalawa ay mga huling pagpapasag na lamang ng isang halimaw na nasa bingit ng kamatayan.

Mangyari pa, bugso ng ugaling kahambugan, tuloy pa rin si Trump sa pamamarali na nagwawagi ang Amerika, wasak na ang missiles system ng Iran. Komento ng isang eksperto, kung wasak na, papaano nakakapagpaulan pa ng bomba ang Iran?  Sa isang video, kitang-kita ang pagsabog ng missile sa Tel Aviv.  Ayon sa pinakahuling balita, napuruhan na ng Iran ang underground bunker ng Tel Aviv na siyang tahanan ng Intelligence center ng Israel.

Sa ngayon, inirereklamo na ng mga responsableng sektor ng Amerika ang napakalaking gastos ng digmaan. Sa unang linggo, umabot na sa $5 bilyon. Humingi na si Trump sa Kongreso ng $50 bilyon pa.  Saan pa kaya gagastahin ang napakalaking halagang iyun kung talo na ang Iran.  Higit na kapanipaniwala ang mariing pagtanggi ng Iran sa negosasyon.

Ayon kay Karaghchi, isusulong ng Iran ang digmaan sa lohikong hantungan.  Basahin iyan: Sa pagkawasak ng Amerika.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -