26.6 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Dinumog ang ‘All-Filipino Book Festival’ sa Megamall

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGING makulay ang pagdaraos ng Philippine Book Festival noong Marso 12-15, 2026. Dinayo ito di lamang ng book creators, book readers, kundi pati mga celebrities. Ang aktres na si Maricel Laxa-Pangilinan ay naglunsad ng kanyang ika-limang aklat pambata na pinamagatang ‘Ang Mommy Kong Octopus’ (iginuhit ni Juno Abreu at inilathala ng OMF Literature-Hiyas). Biniro ko pa siya na kung isinama niya ang kanyang anak na si Donny Pangilinan sa book signing, pihadong ang kanyang aklat ang pinaka-bestseller sa lahat.

Kasama ni Dr. Luis Gatmaitan ang aktres at fellow children’s book author na si Maricel Laxa-Pangilinan

Naikuwento niya na ang kanyang personal na karanasan bilang hands-on mom ang nagbunsod sa kanya upang sulatin ang kuwento. Aniya, “kapag Nanay ka, para kang octopus na may walong galamay upang madaluhan ang pangangailangan ng mga anak.”

Natatandaan ko na kahit na may asawa na noon si Maricel ay kumuha pa rin ito ng Masteral studies on Family Life and Child Development (FLCD) sa UP Diliman. Doon ko unang nakilala ang aktres nang mataong naging resource speaker ako sa isang seminar nila tungkol sa pagsulat ng kuwentong pambata. Noon pa man ay nagpakita na si Maricel ng interes sa panitikang pambata. Ang mga naunang aklat niya ay tumalakay din sa kanyang mga personal na karanasan sa pamilya gaya nang ipinanganak niyang may kondisyon sa puso isa niyang anak.

Dumaan sa Adarna House booth sa PBF ang aktor na si Tom Rodriguez. Naging storyteller si Rodriguez sa book launch ng aklat pambata ni Nelson Canlas, isang broadcast journalist.

Dumaan din sa booth ng Adarna House ang actor na si Tom Rodriguez habang kami ni Dani Go (ilustrador) ay pumipirma para sa aming nobelang pambatang ‘Ang sekretong Alyas ni Lola Nene.’ Nalaman namin na mahilig pala siya sa pagguhit at interesado ring makagawa ng aklat pambata pagdating ng araw. Tinanong niya si Dani Go sa kanyang ginamit na medium at paraan ng pagguhit habang binubuklat ang mga pahina ng aming aklat. Naroon si Tom Rodriguez para maging storyteller ng aklat pambatang sinulat ng broadcast journalist na si Nelson Canlas. Sinamahan ni Charisse Aquino-Tugade, NBDB executive director, si Tom Rodriguez sa pag-ikot sa book festival. Nakita kong nagpapirma pa siya ng kopya ng aklat kay Mannix Abrera nang mapadaan naman ito sa comics booth ni Abrera.

Siya mismo ang namili ng aklat na ito, ayon sa kanyang ina. Ang batang reader na ito ay 11 taong gulang.

Ang broadcast journalist na si Atom Araullo ng GMA ay nagkaroon din ng book signing sa tinawag na ‘Lugar Lagdaan’ sa loob ng Megatrade Hall. Ito’y para sa kanyang aklat ng kalipunan ng sanaysay na ‘A View from the Grounds’ na inilathala ng UP Press. Gaya ng inaasahan, dinagsa ng mga book lovers ang naturang ‘lagdaan’ (na siyempre pa ay may kasamang selfie shot kay Atom). Matatandaang si Atom ay nagwagi ng Unang Gantimpala sa Essay in English sa 2022 Palanca Awards. Isa si Atom sa mga broadcast journalists na naglalathala ng aklat.

Kasama ang mga book authors na tagapagsulong ng food writing sa bansa: Ige Ramos at Felice Prudente Sta. Maria

Napadaan din ako sa booth kung saan nakadispley ang mga nobelang sinulat ni Jonaxx (pen name ng isang sikat na manunulat sa dyanra ng romance). Nakita ko siyang pinipilahan ng mga kabataan upang papirmahan ang binili nilang aklat at magpakuha na rin ng larawan sa kanya. Hindi dapat kalimutang ang maraming nobela ngayon na may appeal sa kabataan ay nanggaling sa Wattpad. Si Jonaxx ay si Jonah Panen Pacala, tubong Cagayan De Oro sa Mindanao, at may higit 10 milyong followers sa Wattpad. Tinatawag din siya ng marami na ‘Wattpad Empress’ at ‘Queen of Romance.’ Kabilang sa mga popular niyang akda ang ‘Baka Sakali’ Trilogy.

Nakigalak sa ‘all-Filipino’ book festival ang Swiss author/translator na si Annette Hug

Nakasalubong ko rin doon si Annette Hug, ang Swiss author/translator, na mahusay magsalita sa wikang Filipino. Masasabi kong isa siyang ‘Pinoy at heart.’ Siya ang awtor ng aklat na ‘Wilhelm Tell in Manila’ na available din sa wikang Korean at French. Siya ang nagsalin sa wikang German ng aklat ng koleksyon ng mga tulang nakasulat sa Filipino ni Luna Sicat-Cleto: ang ‘Bago Mo Ako Ipalaot.’ Si Luna Sicat ay anak ng mga dakilang manunulat na sina Rogelio Sicat at Ellen Sicat. Noong 2024, nagtungo si Luna sa Germany at Switzerland kasama si Annette Hug upang ilunsad ang naturang aklat sa German-speaking audience. Si Luna Sicat-Cleto ay isa rin sa mga manunulat na nagwagi ng National Book Award para kanyang libro ngayong taong ito. At oo, ginanap ang awarding ceremonies ng 43rd National Book Awards sa mismong Philippine Book Festival na dinaluhan ng mga literary luminaries at publishing professionals.

Isa rin sa nakilala ko sa PBF si Elaine Joy Edaya Degale, isang filmmaker at book lover mula sa Mindanao, na napagkamalan kong foreigner dahil sa kanyang look. Bagama’t lumaki sa ibang bansa, siya ngayon ay naninirahan sa isang lugar sa Mindanao kung saan ay itinayo niya ang Operation Ink Café na nagsisilbi ring literacy hub para sa mga kabataan. Ayon sa kanya, bukas ang kanyang café sa sinumang nais magbasa ng aklat doon; libre ito (at kung sinusuwerte, minsa’y libre na rin ang kape). Kaya talaga namang namili siya ng mga aklat sa PBF para mas maraming libro pa ang maging available dito. Labis daw siyang natuwa sa kanyang nasaksihan at nakasalamuha sa PBF, “hindi talaga ako maka-move on from the super fulfilling encounter with Manila’s literary crowd.”

Natuwa akong makita na may masidhi siyang malasakit sa ating mga kababayan kahit hindi naman siya dito lumaki sa bansa. Ipinakilala ko siya agad kay Charisse Tugade, na bukod sa tagapagsulong ng PBF ay kasa-kasama ni NCCA Commissioner Carlo Ebeo sa pagtatayo ng mga ‘Book Nooks’ sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Natuwa rin si Tugade nang marinig ang kuwento ni Degale. Malay natin, maging site din ng panibagong Book Nook ng NBDB ang kanyang lugar sa Mindanao?

Nagwagi ng National Book Award (for Spirituality) ang aklat na ‘Discipleship for Today’s Filipino’ na inakda nina Rico Villanueva at Jayeel Cornelio (inilathala ng OMF Literature)

Nakita ko rin si Claudia Kaiser, ang vice president for Business Development ng Frankfurt Book Fair. Siya man, kasama ang iba pang opisyal ng Frankfurt Buchmesse, ay humanga sa ating paraan ng pagdaraos ng book festival. Matatandaan na ang Pilipinas ang itinampok na Guest of Honor sa Frankfurt Book Fair noong 2025. Naalala ko rin na noong nakaraang PBF sa SM Megamall noong 2025, inanyayahan ng NBDB na maging panauhin ang kilalang awtor/translator na si Lawrence Schimmel, isang Amerikanong manunulat na naninirahan sa Spain na nagkamit na ng maraming pagkilala sa kanyang mga nailathalang aklat. Ayon sa kanya, natutuwa siya sa kanyang nasaksihan sa ating unique na paraan nang pagdaraos ng book festival.

Ang ikaapat na edisyon ng Philippine Book Festival ay may temang “Gubat ng Karunungan.” Tinipon nito ang lahat ng awtor, ilustrador, at publisher sa apat na larangan: KidLit (para sa panitikang pambata gaya ng board books, picture books, at chapter books); Booktopia (para sa contemporary fiction, non-fiction, poetry, romance, fantasy, novels, atbp); Komiks (para sa mga likhang-komiks at iba pang graphic literature); at Aral Aklat (para sa mga teksbuk, batayang aklat, study guides, at educational resources sa lahat ng level ng learning sa eskuwelahan).

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -