32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Di kayang magwagi ng Amerika sa Iran

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang Bahagi

KUNG ibabatay sa kasaysayan, malayong matalo ng Amerika ang Iran sa nagaganap na giyera ngayon sa Gitnang Silangan.

Noong July 26, 1945, pinirmahan ng Estados Unidos, Gran Brittanya at China ang Potsdam Declaration na humihinging isuko ng Japan ang lahat ng pwersa nito nang walang kondisyon.

Walang pasubali, sumuko o tanggapin ang “agaran at walang katulad na pagkawasak”.   Bago pa ito, nang sinundang Marso 9-10, 1945, pinakawalan na ni Presidente Harry  Truman ng Amerika ang Operation Meetinghouse, pinagmukhang impiyerno ang Tokyo sa pamamagitan ng pagpapaulan ng libu-libong bombang apoy na sumunog sa buong siyudad at kumitil sa buhay ng daang libung Hapones.

Sa kabila ng kalunos-lunos na sinapit, nanindigan pa rin ang Japan na huwag sumuko.   Dito na inapura ng Amerika ang Trinity Test, ang huling bahagi ng lihim na Manhattan Project na pinasimulan ng Estados Unidos noon pang 1942 para sa pagbubuo ng Atomic Bomb. Mapupuna na ang Manhattan Project ay bunsod ng napakamapangwasak na Pearl Harbor Attack, ang matagumpay  ang pananalakay ng daan-daang pambombang eroplano ng Japan noong Disyembre 7, 1941 sa  United States Navy sa Pearl Harbor, Hawaii. Winasak ng pananalakay ang buong US Pacific Fleet at kumitil sa mahigit na 2000 Amerikanong  sundalong navy.  Kung ang Amerika ay nagtataglay na ng napakamapangwasak na Atomic Bomb noon pang 1941, hindi ito magdadalawang-isip pa na isabog ang buong lupit nito sa Japan nang panahon ding iyun bilang ganti.


Kinailangan ang siyam na buwan na walang humpay na pananaliksik, pag-aaral at mga pagsubok para sa pagbubuo ng Atomic bomb na humantong nga sa matagumpay na pagsubok sa kaunaunahang Atomic bomb, ang Trinity Test sa disyerto na kung tawagin ay Jornada del Muerto sa New Mexico noong July 16, 1945.

Kung taglay na ng Amerika ang Atomic bomb noon pang isagawa ng Japan ang Pearl Harbor attack,  hindi ba dapat nang isinabog niya ito sa mga Hapones agad bilang ganti?  Hindi, e, kinailangan pa ang paglipas ng apat na taon bago ang ganti – nang isabog nila ang Atomic bomb sa Hiroshima noong Agosto 6, 1946 at sa Nagasaki Agosto 9.

Nandito tayo ngayon sa giyera sa Gitnang Silangan sa pagitan ng tambalang Estados Unidos-Israel at Iran. Makaraan ang napakamapaminsalang pambobomba ng tambalan sa Iran na nagbunga ng malaking pagkawasak sa impraistruktura sa depensa at pagkasawi ng marami sa pamunuan ng Islamic na bansa sa pangunguna na ng Supreme Leader Ayatollah Al Khamenei, nagpakawala ng napakaraming drone at missile ang Iran na puminsala sa Tel Aviv at mga base militar ng Amerika sa  Gitnang Silangan tulad ng Qatar, United Arab Emirates, Saudi Arabia at Bahrain. Di katulad ng agad na pagsuko ng Japan makaraan ang pambombang Atomica, higit pang nagpakita ng tapang ang Iran, bumanat ng malawakang ganti sa Amerika at mga kaalyado nito.

Ano ang ipinakikita ng Iran?

- Advertisement -

Na meron siyang pangontra-banat sa Amerika sukdulang tapatan na ng pisikal ang anumang kalidad ng pananalakay ang maaaring gawin ng Amerika.

Sa katunayan, inilahad ni Iran Foreign Minister Abbas Araghchi na ang mga unang iniratsada ng Iran na drones at missiles ay mga lumang stockpiles, edad sampung taon. Ang mga makabago’t mahirap ma-inetercept ay pawang mga nangakatago sa mga lihim na sisidlan sa ilalim ng lupa, gagamitin kung ubos na ang mga lumang stock at para sa mas natatanging mga pangangailangan, halimbawa kung dapat na ngang igupo ang Amerika.  Napakarelaks ng istilo ni Araghchi  sa pagpapaliwanag nito. Hindi mo kakikitaan ng anumang bahid ng pangamba o katatakutan, na siyang madalas ipahiwatig ni Trump sa tuwing magtutungayaw na talo na ang Iran.

Halimbawa, ang ganitong paghahambog ni Trump: “We are fighting on multiple fronts right now…We do not run. We do not hide. We finish the job… America is the strongest it has ever been… Iran is defeated… Their military gone. Their nuclear program destroyed… (Nakikipaghamok kami sa maramihang larangan sa kasalukuyan… Hindi kami tumatakbo. Hindi kami nagtatago. Tinatapos namin ang trabaho. At nagwawagi sa lahat ng mga larangang ito. Pinakamalakas sa ngayon ang Amerika sa paraang hindi pa niya nararanasan… Talo na ang Iran… Ang kanilang militari, naglaho na. Ang kanilang programang nukleyar, wasak).”  Wee, nga?

E, bakit hindi mo magawang buksan ang Strait of Hormuz? Sinarhan ng Iran ang daanan ng  20% ng pangmundong langis sa mga tanker ng Estados Unidos at mga kaalyado nito. Halos magmakaawa nang nanawagan si Trump sa NATO at mga kaalyado nito sa Asya-Pasipiko na magpadala ng mga warship upang agawin mula sa Iran ang kontrol sa Hormuz Strait.

Ni ang NATO o mga kaalyado sa Pasipiko ay hindi nakinig sa panikluhod ni Trump.

Masahol pa, direkta nang tinarget ng Iran ng missiles ang USS Abraham Lincoln nang tangkain nitong lumapit sa Hormuz Strait.  Sa ngayon, maliwanag sa mga palatandaan na kontrolado ng Iran ang sitwasyon.

- Advertisement -

Sa mga pinakahuling kaganapan, pinayagan na ng Iran ang mga tanker ng alinmang bansa na maglayag sa Hormuz Strait sa dalawang kondisyon: Una, na ang mga tanker na ito ay hindi pag-aari ng Amerika at mga kaalyado nito; at pangalawa, na ang mga kargang langis ng mga  tanker ay binayaran hindi sa dolyar kundi sa yuan ng China.  Paano ngayon maipagyayabang ni Trump na sa giyera sa Iran, nagwawagi ang Amerika?  Hindi lang sa armas nananaig ang Iran. Sa kabuhayan pa rin?  May karugtong sa Miyerkules.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -