29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Mga senaryo sa pagbulwak ng presyo ng langis

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

BAKIT bumulwak ang presyo ng langis? Hanggang saan kaya ito aabot? Ano ang magiging epekto nito sa ekonomiya, sa inflation at paglikha ng trabaho?  Paano maiibsan ang mga masasamang epekto nito?

Dahil sa pagputok ng giyera sa Middle East, biglang bumulwak ang presyo ng krudo. Mula sa $69 kada bariles noong Pebrero, umakyat ito hanggang $100 kada bariles pagkatapos ng dalawang linggong bombahan ng dalawang panig sa giyera. Dahil 40% ng lahat ng exports ng langis sa buong mundo ay galing sa Middle East at dahil sa pagkasira ng mga refineries, at paghirap ng pagkarga ng langis mula sa Straits of Hormuz kung saan dumadaan ang 20% sa langis na ini-import ng buong mundo,  biglang tumaas ang presyo ng langis at mga commodities, lumagapak ang mga currency markets at stock markets, at natigil ang pagbaba ng interest rates. Dahil dito,  dumilim ulit ang kapaligiran ng sana ay bumubuti nang kalagayan ng world economy.

Mahirap tantiyahin kung kailan matatapos ang giyerang ito. Depende ito kung tapos na ang mga hangarin ng mga pinuno ng mga bansang kasali dito. Ang sabi ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos ay halos natapos na nito ang pakay ng mga pag-atake nito sa Iran. Ngunit kahit na napilay na ang political at military leadership ng Iran, patuloy pa rin itong nagpapalipad ng mga missiles sa Israel at mga kapitbansa nito at nagbabanta pa itong pasabugin ang lahat ng barko na naglalakbay sa Straits of Hormuz. Dahil sa pagkakapili ng ikalawang anak ni Khameini na lider ng Iran na kapalit ng namatay nitong ama, mukhang magtutuloy-tuloy ang bakbakan hanggang maubusan ang Iran ng missiles.

May mga senaryo na tinitingnan ang National Economic and Development Authority (NEDA) na ngayon ay tinatawag na Department of Development o DEPDev. Maaaring umakyat ang presyo ng krudo sa $140 kada bariles sa unang bugso. Ang unang senaryo ay aakyat ang presyo ng krudo sa average na $80 kada bariles hanggang Mayo. Ang ikalawa ay aakyat ang presyo ng krudo sa average na $80 hanggang Setyembre.

Sa unang senaryo, babagsak ang real GDP growth ng bansa ng 0.2 percentage point. Ang target ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ay 5% hanggang 6% kaya, bababa ito sa 4.8% hanggang 5.8%.


Sa ikalawang senaryo, babagsak ito ng 0.3 percentage point — sa  4.7% hanggang 5.7%.

Hindi naman ito nakababahala dahil mas mataas pa ito kaysa sa 4.4% na GDP growth noong 2025 nang pumutok ang iskandalo sa flood control projects at biglaang binawasan ang mga expenditures ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ngunit ano ang ibig sabihin nito sa kalagayan ng trabaho? Base sa regression analysis, mababawasan ang malilikhang trabaho ng 20,000 sa unang senaryo at 30,000 sa ikalawang senaryo. May epekto ito sa mga bagong pasok sa labor force lalo na ang mga mahina ang kwalipikasyon.

Sa pangkalahatan, maliit lang ang 20,000 o 30,000 na mawawala kumpara sa 49.5 milyon na inaasahang employed persons sa 2026 o bagong malilikhang trabaho na 440 libo sa 2026. Ang ibig sabihin nito ay mas malaki ang nawalang trabaho na 550 libo noong Enero dahil sa iskandalo ng flood control projects.

- Advertisement -

Mas nakababahala ang epekto nito sa inflation.

Sa unang scenario, inaasahan ng DEPDev na aakyat ito sa 4.5% hanggang 5.1% ngayong Marso, at 4.5% hanggang 4.8% sa Abril. Sa buong taon ng 2026, inaasahang mag-average ito sa 4.0% hanggang 4.2%.

Sa ikalawang scenario, aakyat naman ito sa 6.3% hanggang 7.5% ngayong Marso at 6.4% hanggang 7.5% sa Abril. Sa buong taon, maaring mag-average ito sa 4.5% hanggang 4.8%.

Mas mababa ang unang senaryo kumpara sa 5.8% na CPI inflation noong 2022 at 6% noong 2023. Tumaas sa panahong ito and presyo ng bigas dahil sa pandadigdig na tagtuyot. Medyo kapareho ng unang senaryo ang 4.4% noong 2021 nang nasira ang mga supply chain dahil sa Covid-19. Mas mataas naman ang CPI inflation kaysa sa ikalawang senaryo.

Ngunit ang pinakamasamang epekto ng inflation ay mga lower-income groups na paakyat-pababa sa poverty level. Tataas ang antas ng kagutuman. Bawat bahagdan na tataas ang food inflation, aakyat ang poverty incidence ng 0.55 bahagdan.  Sa bilang ng mga apektado , aabot ito ng 64,350 katao.

Gagawin ng pamahalaan ang lahat para maibsan ang epekto ng inflation sa mga mahihirap.

- Advertisement -

Una, babawasan o kaya aalisin ang ibang buwis sa oil pansamantala. Ang excise tax na umaabot sa P10 kada litro ang tinitingnan sa ngayon na pansamantalang iwe-waive ng pamahalaan. Hindi naman masyadong maapektuhan ang badyet dahil mababawi naman ang halagang nabawas o naalis sa mas mataas na koleksyon ng buwis kapag tumaas ang mga presyo.  Alalahanin na tataas ang koleksyon dito dahil ang presyo ang base ng mga buwis sa labas ng excise tax.  Bawat isang percentage point na pag-akyat ng presyo ay nangangahulugan ng P40 bilyon na paglobo ng mga buwis.

Ang problema sa pagbawas sa buwis ay mas malaki ang matatanggap na benepisyo ng mga mayayaman na may kotse at air conditioner sa kanilang mga bahay. Aabot sa 70% ang konsumo ng langis ng mga upper middle income at highest income groups. Mas maliit o 30% lang ang konsumo ng mga lowest income groups. Mas maigi pang kolektahin na lang ang buwis at ibigay na subsidiya sa mass transport at mga lowest income groups. Mas mabuti pang idagdag ito sa mga benepisyo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) at ayuda  ng mga driver ng jeep, tricycle, at pedicab.

Sa kabilang dako, naka-fix ang badyet na maaaring gastusin ng mga sangay ng pamahalaan. Mapipilitan silang gumawa ng mga adjustment para pagkasyahin ang naibigay na badyet sa kanila.

Ikalawa, mas malaki ang maitutulong kapag ipopokus ng pamahalaan  ang tulong sa mass transport system. Nagawa na ito noong nakaraan. Ang windfall na koleksyon sa VAT ay maaaring ibigay ng pamahalaan  ng subsidiya ang mga jeep at bus na siyang ginagamit ng karamihan sa mga mamamayan sa pagpasok sa trabaho.

Hindi na kailangang mag-aksaya ang pamahalaan sa mga nakakariwasa. Ang mga mayayamang may sariling sasakyan at kayang-kaya naman nilang bumili ng mga bagay na kailangan sa buhay kahit mas mataas ang presyo.

Ikatlo, dapat palalaguin ng pamahalaan ang gastusin sa imprastruktura at public-private partnerships (PPPs). Ang pag-recruit ng mga bagong empleado sa DPWH para mapabilis ulit ang paggasta ay malaki ang maitutulong sa muling paglago ng ekonomiya na nawindang sa iskandalo at giyera.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -