SINALUBONG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang panibagong batch ng mga repatriated na overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Gitnang Silangan, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng gobyerno na maibalik sa Pilipinas ang mga Pilipinong apektado ng kasalukuyang tensyon sa rehiyon.

Sa kabuuan, 343 na repatriates — binubuo ng 317 OFWs at 26 na dependents mula Kuwait, Bahrain, Qatar, at Saudi Arabia — ang dumating sa Villamor Air Base sa Lungsod ng Pasay bandang alas-6:30 ng umaga sakay ng chartered flight.
Personal na nakipag-usap si Pangulong Marcos sa mga umuwing OFWs at kanilang pamilya at pinangasiwaan ang pamamahagi ng tulong at serbisyo, kabilang ang pinansyal na ayuda, medikal na suporta, at psychosocial counseling.
Kasama ng Pangulo ang ilang miyembro ng Gabinete, kabilang sina Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, at OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan.
Ayon kay Secretary Cacdac sa isang panayam, 234 OFWs ang nagmula sa Kuwait, Qatar, at Bahrain, habang ang natitirang 109 ay diretsong ni-repatriate mula sa Saudi Arabia.
Nagpasalamat si Cacdac sa pamahalaan ng Saudi Arabia sa pagpapadali ng transit ng mga Pilipino mula sa mga karatig-bansa, na nagsilbing pangunahing hub para sa evacuation efforts.
“Sarado ang airspace sa Bahrain at limitado o restricted ang airspace sa Kuwait at Qatar. Kaya isang land-crossing effort ang ginawa. Karaniwan, umaabot ng pito hanggang walong oras bago makarating sa Riyadh, Saudi Arabia,” ani Cacdac.
Kasama ng mga umuwing OFWs si OWWA Administrator Caunan, na ayon kay Cacdac, namuno sa on-ground operations sa Riyadh upang tulungan ang mga Pilipinong dumarating mula sa land crossings.
Ani Cacdac, naghahanda ang gobyerno na i-repatriate ang humigit-kumulang 1,200 pang Pilipino sa mga susunod na araw, kung saan dalawang karagdagang chartered flights ang inaasahang manggagaling mula sa United Arab Emirates, na tahanan ng humigit-kumulang isang milyong OFWs.
Pagdating sa bansa, makakatanggap ang mga repatriates ng pinansyal na tulong at reintegration services, kabilang ang livelihood assistance at tulong sa paghahanap ng trabaho.
Ayon sa DMW, ipapakita nila ang mga available na job orders sa OFWs, habang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay magbibigay din ng lokal na oportunidad sa trabaho.
Dagdag pa rito, magbibigay ang gobyerno ng hotel accommodation at domestic flight tickets para sa mga uuwi sa Visayas at Mindanao, at libre ring bus transportation para sa mga biyaheng nasa Luzon.
Saksi si Pangulong Marcos sa send-off ng mga OFWs na uuwi sa Visayas at Mindanao, kung saan naglaan ang OWWA ng mga bus upang ihatid ang mga ito sa kanilang mga tinukoy na hotel habang naghihintay ng kanilang mga flight tickets.
Makakatanggap din ang mga OFWs ng karagdagang suporta mula sa iba’t ibang ahensya, kabilang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Tourism (DOT), at Department of Agriculture (DA). Magbibigay din ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng libreng reskilling at retooling programs.
Mahigit 1,400 OFWs at 334 dependents na ang nai-repatriate mula Marso 5 hanggang 17. Ang ikatlong government-chartered flight, na dumating noong Marso 18, ay nagdala ng 153 OFWs, 114 dependents, at 50 stranded Filipinos.
Dati nang binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng “bayanihan” sa gitna ng mga hamon dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan at tiniyak sa mga Pilipino na handa ang gobyerno na magbigay ng suporta at tulong. | PND



