26.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Pagpupugay at pamamaalam sa isang modelong dalubguro, pinuno at ina ng pamantasan

- Advertisement -
- Advertisement -

NASA unang taon pa lamang ako sa kolehiyo bilang mag-aaral nang makilala ko si Dr. Josefina Tayag (o Ma’am Jojo para sa marami) bilang dekana ng Kolehiyo ng Agham at Sining sa UP Manila. Madalas ko siyang makitang maglibot sa kampus upang tiyakin na maayos ang takbo ng lahat. Naalala ko na estudyante pa lamang ako noon nang nagbakasakaling humiram ng thermos mula sa kaniyang opisina para sa isang proyekto na isinagawa ng organisasyong kinabibilangan ko. Nakatutuwa na kahit biglaan lamang ang pakiusap ay nagpaunlak si Dean Tayag. Iyon ang una kong personal na interaksyon sa kanya.

Mahusay at mapagkalingang academic leader
Si Dr. Jojo Tayag ay isang kilalang dalubguro ng agham pampolitika sa Departamento ng Agham Panlipunan at nagsilbi rin siya bilang tagapangulo nito. Ginampanan din niya ang pagiging direktor ng Information, Publication and Public Affairs Office (IPPAO) kung saan aktibong naglathala sa ilalim ng kanyang pamunuan ng mga akda at ukol sa mga adbokasiya ng kaguruan.

Hinirang din siyang vice chancellor for Academic Affairs (VCAA) sa panahon ni Chancellor Ramon Arcadio at pinatutunayan lamang nito ang husay niya sa larangan ng academic leadership. Natatandaan ko pa na sa kanyang termino rin bilang bise-tsanselor naigawad ang aking pinaka-aasam na tenure at habang-buhay ko itong ipagpapasalamat at tatanawing utang na loob.

Bilang bise-tsanselor ng pamantasan, hindi ko makakalimutan ang pagpapaalala niya sa mga dalubguro na maging mapagmalasakit at mapag-aruga lalo na sa mga mag-aaral. Nagpapahiwatig ito ng kanyang pagiging isang mapagkalingang academic leader para sa lahat ng sektor.

Tagapagtaguyod ng health social sciences
Kilala si Dr. Tayag sa larangan ng health social sciences kung saan pinagtatambal niya ang kanyang kasanayan sa agham panlipunan sa pag-aaral at pananaliksik ng karamdaman, kalusugan at mga sistemang pangkalusugan. Naging pangulo rin siya ng Philippine Health Social Sciences Association (PHSSA) at aktibong nagsulong ng health social sciences bilang alternatibong pananaw sa larangan at lipunan.


Naging pagnugot din si Dr. Tayag ng mga aklat at isa rito ang Bringing Health to Rural Communities: Innovations of the UP Manila School of Health Sciences. May naging malaking ambag ang akdang ito sa pagsusulong ng community medicine sa bansa. Mapalad akong mabigyan niya ng autographed copy ng mismong publikasyong ito.

Natatanging dalubguro at kaibigan
Bago ako magturo sa UP Manila ay nakasama ko siya bilang kapwa dalubguro sa St. Scholastica’s College (SSC). Dito ako simulang mas mapalapit sa kanya. Una ko itong naramdaman noong sabay kaming naglakad at nakapagkuwentuhan papunta sa canteen ng SSC para mananghalian. Doon ko rin unang naramdaman ang pagsisimula ng aming magiging matagal na pagkakaibigan.

Minsan din akong naisama ni Dr. Tayag sa isang prayer meeting na kinabibilangan ng iba pang mga taga-UP Manila. Sa pamamagitan nito ay nakilala ko ang kanyang malalim na pananampalataya at humanga rin ako sa ipinakita niyang respeto sa paniniwala ng iba. Kinalaunan, nakasama rin namin si Dr. Tayag sa isang maliit na online ecumenical prayer group noong kasagsagan ng pandemya na nagpatibay sa aming pananampalataya sa gitna ng kawalang katiyakan.

Itinuturing ko ring isang pribilehiyo na maimbitahang dumalo sa kanyang ika-60 kaarawan. Masayang makita, makilala at makasalamuha ang mga taong nakapalibot at nagmamahal sa kanya. Naalala ko na minsan niyang sinabi na mas gugustuhin niyang marinig nang personal ang mga magagandang salita ukol sa kanya kaysa huli na ang lahat.  Napaisip ako na totoo namang hindi natin naipapahayag nang lubos ang ating pagpapahalaga sa kapwa habang may pagkakataon pa kaya may katwiran ang kanyang pananaw na ito.

- Advertisement -

Epitome of academic humility
Sa kabila ng lawak at lalim ng kanyang kaalaman ay nananatili pa rin siyang isang masinsing notetaker tuwing dumadalo ng mga sampaksaan at talakayan. Lagi siyang may bitbit na ballpen at bondpaper para magtala ng mga mahahalagang impormasyon na para bang isang mag-aaral na sabik sa bagong kaalaman. Nagpapahiwatig ito ng kanyang kababaang loob at pagpapahalaga sa karunungan at kakayahan ng iba. Para sa akin, si Ma’am Jojo ay epitome of academic humility.

Mas lalo akong humanga sa kababaang loob ni Dr. Tayag nang papurihan ko siya ukol sa kanyang isinagawang pag-aaral ukol sa hilot (o bone-setting). Ginawa ko itong sanggunian sa aking pananaliksik noon ukol sa folk healing at ipinahayag ko sa kanya ang aking paghanga sa lawak ng saklaw at lalim ng kaniyang pagtalakay pero nananatili siyang mapagkumbaba at hindi makasarili. Nagretiro sa pinakamataas na ranggong Professor 12 si Dr. Tayag pero sa kabila nito ay hinding hindi mo siya kakikitaan ng pagmamataas at pagmamalaki.

Responsableng tagapayo
Masigasig din na thesis adviser si Dr. Tayag at inspirasyon ito sa akin bilang isa ring tagapayo sa pananaliksik. Kapwa siya naging research adviser sa UP Manila at UP Open University. Humahanga ako sa kanyang sikhay sa pagpapatnubay. Naalala kong bitbit pa niya ang makapal na printed copies ng pananaliksik ng kanyang mga mag-aaral upang magbigay ng kaukulang komento kahit nasa isang strategic planning kami ng departamento. Sinasamantala niya ang mga bakanteng oras sa mga dinadaluhang pulong upang magampanan pa rin ang kanyang papel bilang guro at tagapayo.

Sa mahabang panahon ng kanyang pagtuturo at dami ng kanyang mga naging mag-aaral ay nagkakamali minsan si Dr. Tayag na maipakilala ako bilang dati niyang estudyante.  Sa katotohanan ay hindi ko pa siya naging guro sa anumang asignatura. Pero aaminin kong natutuwa (at kinikilig) akong mapagkamalang dati niyang
mag-aaral. Bakit nga naman hindi kung totoong napakarami kong natutunan sa kanya simula’t sapul lalo na ukol sa pedagohiya, pamamahala, pakikibaka, pakikipagkapwa at iba pang larangan ng buhay.

Inspirasyon sa larangan
Napakalaking tulong din sa aking disertasyon sa doktorado ang akda niyang Values and Ideology: The Need for Value Change kung saan tinalakay niya ang ideolohiya sa parehong maximal at minimal sense nito. Nagkataon pang isang artikulo na may mga bahaging sinipi ko si Dr. Tayag ang takdang babasahin sa aming klase sa Development Theories nitong nakaraang linggo lamang. Nakalulungkot na sa halip na talakayin lamang ang perspektibo at paninindigan ni Ma’am Jojo ay kailangan ko ring sabihin sa klase ang kanyang pagyao kamakailan.

Naaalala ko pa na nagkasabay kaming bumisita sa burol ni Dr. Lourdes  Abadingo noong nakaraang taon.  Nakapanlulumong isipin na makalipas ng isang taon ng pamamayapa ni Dr. Abadingo ay sinundan naman ito ng pamamaalam ni Dr. Tayag. Pareho namin silang itinuturing na ina sa pamantasan at kaagapay sa larga at laban sa buhay.

- Advertisement -

Pamamaalam at pangungulila
Nakakapanabik ang pagdadala ni Ma’am Jojo sa departamento ng ulam na food heritage ng kanilang probinsya at maituturing na kanya ring signature dish. Nakakapanabik lalo ang tagpo na magiliw kaming nagkukuwentuhan habang nakahawak siya sa aking braso. Sadyang may hatid na saya at lambing ang kanyang pagpapahayag na nakakapagpanatag ng diwa at kalooban.  Kapag nagkakatagpo kami ni Ma’am Jojo ay mas gusto ko lang tumunghay at makinig sa kanyang mga kuwento at mamangha at matuto mula rito.

Mananatiling buhay ang mga masasayang alaala sa piling ni Ma’am Jojo. Subalit may iniiwang sakit sa damdamin na hindi na namin siya makikita at makakasama. Nakaukit sa aming mga puso’t isipan ang mga makabuluhang tagpo kasama si Ma’am Jojo at dito kami huhugot ng lakas at inspirasyon upang ituloy ang kanyang mga nasimulan at pinagpunyagian para sa pamantasan at mas malawak na lipunan. Maraming maraming salamat, Inay Jojo, at mahal na mahal ka po namin.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -