26.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Gatchalian sa ERC: Pigilan ang posibleng pagtalon ng presyo ng kuryente

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na limitahan ang anumang potensyal na matinding pagtaas sa presyo ng kuryente upang makatulong sa pagpapagaan ng pasaning pinansyal ng mga mamimili sa gitna ng mabilis na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Tinanong  ni Gatchalian si ERC Chairman Saturnino Juan tungkol sa posibleng pagtaas ng singil sa kuryente, lalo na’t nakadepende nang malaki ang bansa sa coal at apektado rin ng presyo ng natural gas. Bilang tugon, sinabi ni Juan na maaaring tumaas ang presyo ng P2 hanggang P4 kada kilowatt-hour.

“Bad timing kung isasabay ang pagtaas ng kuryente sa mataas na presyo ng langis. May kapangyarihan ang komisyon na ipatupad ito nang hulugan o staggered basis dahil magiging double whammy ito sa ating mga consumers. Ang hiling namin sa ERC ay huwag payagan ang one-time, big-time na pagtaas sa singil ng kuryente, dahil marami talaga ang mahihirapan,” ani Gatchalian, habang binibigyang-diin na ang industriya ng kuryente ay isang sektor na may regulasyon.

Sa panig naman nito, sinabi ng ERC na pinag-aaralan na nila kung maaaring bumuo ng proseso kung saan oobligahin ang mga distribution utility na isumite muna ang kanilang mga kalkulasyon sa Komisyon buwan-buwan bago magpatupad ng anumang pagtaas o adjustment sa singil. Sa pamamagitan nito, mas masusuri at mapapamahalaan ng ERC ang magiging epekto sa bawat distribution utility.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -