SA wakas, kinilala rin ng Malacañang na hindi ito ordinaryong taas-presyo ng krudo. Ang pagdeklara ng national energy emergency ay pag-amin na hindi ito “business as usual.”
Bagamat papunta sa tamang direksyon, malinaw rin na kukulangin ang EO kung wala namang sapat at agarang ayuda na mararamdaman ang ating mga kababayan.
Kaya kaisa ng pamahalaan, gagawin natin lahat ng paraan para mabawasan ang pasanin ng mamamayan.
Kaugnay niyan, dapat nang suportahan ng Malakanyang ang nakahain nang ₱52.8 billion supplemental budget bill para sa oil crisis response. Para yan sa assistance programs, gaya ng expanded transport subsidy sa mga tsuper, agricultural subsidy para sa magsasaka at mangingisda, at repatriation at reintegration para sa mapapauwing OFWs.
At kung seryoso ang pamahalaan sa laban kontra hoarding, profiteering, at supply manipulation, dapat may managot. Kung may nananamantala sa gitna ng krisis, dapat silang kasuhan at ikulong.
Partikular na dapat bantayan ang profiteering at manipulasyon sa presyo sa hanay ng power plant operators, lalo na ngayong naka-amba na ang taas singil sa kuryente.
Hindi sapat ang pag-amin na may krisis. Dapat itong sundan ng sama-samang pagkilos ng buong pamahalaan. Lahat ng ahensya, anuman ang mandato ay dapat mag-ambag.



