26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Pangunahing sanhi ng mahinang industriya ng ICT sa Pilipinas

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA panahong ito ng digitalisasyon, napakahalaga ng industriya ang Information and Communications Technology (ICT) upang lalong mapabilis ang paglaking ekonomiko. Ang ICT na binubuo ng mga sektor ng telecommunication, paglikha ng mga software, e-commerce at hardware technology. Kasama rin dito ang pagbibigay ng mga serbisyo upang matulungan ang mga mamimimili, pagsusuri ng mga datos at artificial intelligence (AI). Ang ambag ng industriya sa pambansang produksiyon ay umaabot sa halos 8.5% ng GDP na halos kapantay ng kontribusyon ng agrikultura sa pambansang produksiyon.

Ang kasiglahan ng industriya ng ICT ay bunga ng malaking demand sa kanilang produkto at serbisyo lalo na sa sector nitong Information Technology-Business Process Managemant (IT-BPM). Ang sector na ito ay naglalaan at naglilipat ng teknolohiya at mga serbisyong pangnegosyo tulad ng  pagtulong sa mga mamimili, paglikha ng mga software, at pagsusuri ng datos. Ang industriya ng ICT ay pinalalago rin ng kasiglahan ng iba’t ibang  sektor sa industriya ng mga serbisyo tulad ng pagbabangko, serbisyong pananalapi, pagseseguro, media, pagtitingi at pangangalaga ng kalusugan dahil sa tindi ng paggamit ng mga ito ng teknolohiyang digital.

Samakatuwid, napakalawak ng paggamit ng mga produkto at serbisyo ng ICT sa iba’t ibang sektor ng ating ekonomiya. Kaya’t ang masigla at episyenteng industriya ng ICT ay mauuwi sa masigla at episyenteng mga sektor ng ekonomiya na nagbubunga sa lalong pagbilis sa paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas.

Sa kabila ng malawak na kontribusyon nito sa ekonomiya ang industriya ng ICT ay humaharap sa matitinding hamon na nagpapakitid sa mga serbisyong inilalaan at inililipat nito  sa iba’t ibang industriya sa ekonomiya. Kasama rito ang napakataas na internet cost at ang ang kakulangan ng imprastruktura upang ikapit ang kanayunan sa buhay digital.

Ang internet cost sa Pilipinas ay naglalaro sa pagitan ng USD 35 -USD 40 bawat buwan samantalang sa Singapore, Thailand at Vietnam ito ay mababa pa ito sa USD 10 bawat buwan.  Hindi lamang mahal ngunit mabagal din ang pagdownload. Sa Pilipinas umaabot lamang ang bilis sa 90- 140 Mbps samantalang ang Singapore ay nasa 300-380 Mbps at ang Vietnam at Thailand ay nasa 200 Mbps.


Ang dahilan ng mahal at mabagal na bilis ng internet ay ang mahinang pangangapital sa imprastruktura lalo sa mga kable sa fiber optics at mga network ng 5G.   Halos 0.44% lamang ng GDP ang inilaan ng Pilipinas sa pangangapital sa imprastruktura sa ICT na mas maliit kung ihahambing sa mahigit pa sa 1% ng GDP sa ibang bansa. Ikalawa ay ang pagiging kapuluan ng Pilipinas ay nagpapahirap din sa pag-uugnay ng mga napakaraming isla sa ating bansa upang malasap nila ang mga biyaya ng digitalisasyon. Dahil dito tumataas ang singil sa koneksyon sa internet.

Ano naman ang dahilan kung bakit napakaliit ng ating pangangapital sa imprastruktura ng ICT lalo na sa pagpapalawak ng mga kable ng mga fiber optic at mga network sa 5G? Maraming manunuri kasama na ang World Bank ay sinisisi ang duopolyo ng Globe Telecom at PLDT sa industriya ng ICT. Sa pagbibigay sa kanila ng prangkisa ng Kongreso para na rin silang mga likas na monopolyo sa bilihan. Dahil malakas ang kanilang kapangyarihan sa bilihan na mas kaunti lamang ang pinoprodyus nila upang mapataas ang kanilang presyo at mapataas ang kanilang tubo.  Samantala, ang pagiging vertically integrated ng mga kompanyang ay nagbibigay pa ng dagdag na kapangyarihan sa bilihan dahil sila ang nagmamay-ari o may control sa iba’t ibang baytang ng produksiyon mula sa mga kable ng fiber optic hanggang paglalaan at paglilipat ng mga serbisyo sa sari saring  mamimili.

Ang pagbibigay sa kanila ng prangkisa ay dahil kapos o limitado lamang ang frequency signal ng Pilipinas bunga ng dumaraming gumagamit nito. Dahil sa limitasyon ng frequency signal o spectrum crunch kinakailangang tipirin ito at gamitin nang wasto kaya ibinibigay lamang ito sa mga piling kompanya ng telecommunication. Ito ang pangunahing dahilan ng pagbibigay ng prangkisa.

Ngunit ang katangiang ito na spectrum crunch ay hindi lamang nararanasan ng Pilipinas ngunit ng ibang bansa rin. Nagbibigay din sila ng prangkisa ngunit hindi ito sa pamamagitan ng Kongreso kung di ng isang ahensya lamang ng pamahalaan. Dahil dito, mas madaling makakuha ng prangkisa sa ibang bansa. Bunga nito nagiging mas kompetitibo ang industriya ng ICT sa ibang bansa.

- Advertisement -

Samakatuwid, sa aking pananaw ang pangunahing sanhi ng mahinang industriya ng ICT ay bunga ng kawalan ng kompetistiyon dahil napakahirap makakuha ng prangkisa upang makapasok sa industriya ng ICT.  Dahil dito, ang mga naunang kompanyang nabigyan na ng prangkisa ay walang kakompetensya kaya’t isinasagawa nila ang vertical integration sa kanilang mga kompanya na nagpapalakas sa kanilang kapangyarihan sa bilihan.

Kung nais nating mapalawak ang kompetisyon sa industriya ng ICT at mapataas ang ambag nito sa ekonomiya dapat ilagay ang pagbibigay ng prangkisa sa mga ahensya na pamahalaan sa halip na sa Kongreso. Subalit ang pagbibigay ng prangkisa sa mga public utility sa ating bansa ay isinasagawa ng Kongreso ayon sa ating Konstitusyon.  Kaya’t mahirap ipatupad ang panukala hangga’t hindi binabago ang ating Konstitusyon.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -