HABANG pinatataas ng sigalot sa Gitnang Silangan ang mga presyo ng petrolyo at pagkain, at habang ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Semana Santa, isang panahon ng pagninilay at pagsasakripisyo, binalaan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan nitong Biyernes ang mga mangangalakal at retailer laban sa pagsasamantala sa krisis na tiyak na haharap sa mga kasong kriminal ang mga manloloko at hoarder.
Sinabi niya na ang panahon sa paggunita sa sakripisyo ni Kristo ay dapat magtulak sa atin sa malasakit, hindi oportunismo.
“Walang tamang panahon ang pananamantala, walang tamang panahon para gawing negosyo ang pagdurusa ng taumbayan, pero lalo na ngayong nasa krisis tayo,” sabi ni Pangilinan. “If you sell basic goods at grossly excessive prices, the law is very clear, that is profiteering and you can go to jail for it.”
Binigyang-diin ni Pangilinan na “plainly illegal and immoral” ang profiteering at hoarding, lalo na’t nahihirapan ang maraming pamilya sa pagtaas ng gastos. Binanggit niya ang Price Act (Republic Act No. 7581, na sinususugan ng RA 10623), na nagbabawal sa pagmamanipula ng presyo at ang hindi makatarungang pag-iimbak at pag-alis ng pangunahing bilihin at pangangailangan sa merkado.
“May batas tayong malinaw. Kung sakim ka sa gitna ng krisis, handa ang gobyerno na habulin ka,” sabi niya.
“The Price Act gives the government the power to act swiftly against those who hoard stocks or arbitrarily hike prices of rice, vegetables, meat, fish, and other basic necessities,” dagdag niya.
Sa batas, ang profiteering ay nangangahulugan ng pagbebenta ng mga kalakal sa “labis-labis” na mga presyo nang walang katwiran, habang ang hoarding ay ang pag-iimbak o pagtanggi na magbenta para tumaas ang mga presyo.
“These are criminal offenses. Profiteering and hoarding can mean imprisonment of several years and hefty fines, on top of closure of your business and cancellation of permits,” sabi niya. “Hindi ito simpleng slap on the wrist. Kung manloloko ka sa presyo, huwag mong asahang palalampasin lang.”
Sinabi ni Pangilinan na mahigpit na sinusubaybayan ng mga awtoridad ang mga merkado: “Our economic managers and enforcement teams are watching the markets closely.”
“DTI is keeping an eye on supermarkets and groceries, while DA is monitoring prices of rice, vegetables, meat, fish and other agricultural products in wet markets,” dagdag niya.
Hinimok ng chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform ang mabilisang aksyon: “I expect DA and DTI not just to monitor, but to act. Kapag may matibay na ebidensya ng profiteering at hoarding, kasuhan agad.”
Nanawagan din si Pangilinan sa mga mamimili na iulat ang mga paglabag sa batas at nagpasalamat sa matatapat na negosyo. “Sa mga negosyanteng patas mag-presyo, saludo kami sa inyo,” aniya.



