
IKINABAHALA ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang napaulat na pagbagsak ng bahagi ng kisame sa Arrival Extension Area ng NAIA Terminal 1 , kung saan pitong katao ang nagtamo ng injuries.
Kaya bilang chairperson ng Senate Committee on Public Services, agad na nakipag-ugnayan si Sen. Raffy at ang kanyang Senate Office kay Department of Transportation (DOTr) Sec. Giovanni Lopez para kumustahin ang kalagayan ng mga biktima at alamin kung sila ba ay nabigyan ng tamang assistance.
Ayon kay Sec. Lopez, mabilis raw na narespondihan ng Emergency Response Team ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) ang pitong biktima na may kumpirmadong injuries at nadala agad sa ospital ang mga kailangang madala dito. Pawang mga sasalubong sana sila sa ilang pasahero.
Sinagot din daw ng NNIC ang lahat ng kanilang medical expenses pero hinihintay pa raw ng DOTr ang kumpletong update at report mula sa NNIC ukol sa mga biktima.
Gayunpaman, ang isa sa pitong biktima raw ay nagtamo ng forehead injuries at nagpalipat sa Makati Medical Center habang ang iba naman ay nasa mabuti nang kalagayan.
Sinabi ni Sen. Raffy na sa mga ganitong pangyayari, mahalaga ang agarang aksyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga biktima, gayundin ang tulong na ipagkakaloob sa kanila.
At bagamat sinabi ni Lopez na balik na sa normal operation ang NAIA T1, pinaalalahanan ni Sen. Raffy ang DOTr gayundin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na maging proactive pa rin at tiyakin na sumusunod sa mga itinakdang safety standards ang mga imprastruktura at pasilidad sa lahat ng mga paliparan sa bansa.
Sinabi naman ni Sec. Lopez na mahigpit na pinaiimbestigahan ang pangyayari at agad siyang magbibigay ng update sa Office ni Sen. Raffy kapag mayroon nang resulta ang imbestigasyon at iba pang mahahalagang updates.



