TOTOONG nakapanlulumo ang nagaganap ngayon sa Cuba. Ayon sa isang ulat, matapos kidnapin ng Amerika si Pangulo Nicolas Maduro ng Venezuela, agad ipinag-utos ni Presidente Donald Trump na lahat ng ayuda at langis mula sa Venezuela ay agad tigil na para sa Cuba. Kaya mga isang buwan pa bago ang pagputok ng giyera sa Iran na kagyat na humantong sa pandaigdigang krisis sa langis, nagdurusa na ang Cuba sa matinding kasalatan nito.
Halos Russia lamang ang nangahas na sumuway sa mandato ni Trump. Ang ibang mga supplier ng langis sa mundo ay napilitang sumunod sa utos ni Trump o kung hindi, tatamaan sila ng pruwebadong lupit ng mga taripang ihahagupit ni Trump.
Subalit noon pang Enero dumating ang langis mula sa Russia, kabuuang 730,000 bariles. Hindi na ito nasundan pa. Para sa populasyon na 10 milyon, totoong napakaliit niyun.
Kaya hindi pa man nagsisimula ang pinagsanib na pananalakay ng Amerika at Israel sa Iran, nagdanas na ang Cuba ng parusa na sa mga pananalita ni Trump ay isusnod pa lamang.
Kasalatan sa transportasyon, kawalan ng kuryente, pusikit na kadiliman sa gabi, pagkalansag ng mga industriya at halos ganap na pagtigil ng mga serbisyo publiko.
Saan ka nakakita ng sangkatauhan na mga nagsisiluto ng pagkain sa kalye dahil gamit ay mga kalan na pinagdidingas ng kahoy na panggatong.
Sa pagtantya ng isang manunulat, tanging dahil sa kakapusan sa langis, bagsak na ang ekonomiya ng Cuba.
Nitong nagdaang Marso, dalawang beses na nagdusa ang Cuba ng kawalan ng kuryente sa buong kapuluan. Sa mga pagkakataon na ang pagsasalat sa elektrisidad ay hindi sabay na panlahatan, nagtatagal pa rin ang mga ito ng napakahahabang mga oras.
Napakalungkot na bunga ng krisis na ito ay ang epekto sa kalusugang pampubliko. Ayon sa mga tala ng Lancet Health Journal, kapuna-puna ang malaking porsiyento ng dagdag sa bilang ng mga namamatay, umabot ng 546,000 sa huling ulat. Ang bilang na ito ay direktang iniuugnay sa mga sanction na pangkabuhayan na pataw ng Amerika. Kaya bagamat ang mga pataw na ito ay may katangiang ekonomiko o pangkabuhayan, malaking kabalintunaan na sa Cuba nagbunga ang mga ito ng kamatayan.
At ganap na nakaririmarim, sa malaking bilang ng mga namamatay ay pataas nang pataas ang bilang ng mga sanggol. Simple ang paliwanag ng isang doktor: pataas nang pataas dahil ang hospital staff ay hindi makapag-report sa trabaho upang intindihin ang mga sanggol – dahil walang mga bus; pataas nang pataas dahil ang mga tagapaglinis ay hindi makarating upang dis-enpektahan ang kapaligiran ng mga ina at mga sanggol, na mga dinadapuan ng nakamamatay na sepsis.
Wala tayong sapat na datos upang magsabi na ang mga namatay sa giyera sa Iran ay pumantay na sa bilang ng mga nasawi sa Cuba dulot ng krisis sa langis. Magkaganun man, nasa giyera na ang Iran, ang Cuba, ayon kay Trump, ay isusunod niya pa lamang. Ibayong dusa pa ang balak ipalasap ng Amerika sa Cuba.
Kung kaya naibunsod ang kolum na ito na pagtuunan ng pansin ang mga kaganapan sa Cuba. Ano na ang kinahinatnan ng dakilang panahon ni Fidel Castro? Noong siya ay halos diyusin ng pangmundong henerasyon ng mga kabataan. Cuba ang di-magibang tanggulan ng pandaigdigang sosyalismo. Ang rebolusyong Fidel Castro para sa pagpapabagsak sa regimen ni Fulgencio Batista ay siyang kahuli-hulihan sa layuning itatag ang diktadura ng proletaryado.
Nagliliwanag na simbolo ng pananagumpay ng uring manggagawa. Mantakin mong sukat na matatag ito mismong sa likod bakuran ng imperyalismong Amerikano!
Pumaimbulog ang imahe ni Castro bilang bayaning proletaryado. Kinahumalingan ng mga kabataan ang pagsusuot ng kamiseta na nagtatampok sa imahe ng El Comandante. Buong pagmamalaki, isa ako sa mga kabataang iyun. O, anong rangya ng Cuba sa panahong iyon.
Ang sarap balik-balikan. Kahit sa balintataw man lamang ay muling pag-alabin ang natibong pagkamuhi sa kapitalismo at mga di-mailahad subalit di malimutang mga pakikibaka tungo sa pagpapabagsak dito. Kaya nga sa kaibuturan ng mga pagpupunyagi para sa pagpapalaya ng lipunang Pilipino, naroroon lagi ang di-magibang inspirasyong kaloob ng Cuba: rebolusyong planado, mabilis, kaya panalo. Di tulad ng Sisonistang pangmatagalang digmaang bayan na pagkaraan ng napakahabang kalahating siglo, ang mga NPA ay wala pa ring humpay sa pagpursigi sa labanang walang katapusan. Sumasampalataya ako na ang diwang proletaryado ay hindi nahahadlangan ng mga pambansang hangganan. Kaya ganun na lamang ang aking pananalig na ang ehemplong isinakatuparan ni Fidel Castro sa Cuba ay magsisilbing huwaran ng Pangalawang Pagdating ng rebolusyong proletaryo sa Pilipinas.
Nang di kaginsa-ginsa’y sa pagtuntong mo sa edad otsenta y singko, gugulantangin ka ng balitang ang Cuba ay pabagsak na.
Oo nga’t ang Unyong Soviet ay iginupo ng glasnost perestroika noong 1991, subalit sa humaliling paggabay ng China na pursigido sa pagsulong sa adhikain para sa isang pangmundong komunidad na may pinagsasamahang kinabukasan, ang sosyalismo ay tiyak na patungo sa pandaigdigang pananagumpay. Bakit ang Cuba na isa sa mga naging haligi ng sosyalismo ay larawan ngayon ng ganap na kapariwaraan? Dito pumasok ang kahalagahan ng laban ng Iran sa tambalang Estados-Israel.
Halos nag-iisang binabalikat ng Iran ang ultimong pakikipagdigma para sa pagwasak sa Amerika. At sa kabila ng mga matitinding banat sa kanyang mga pasilidad industriyal, mga impraistruktura sa militar at depensa, at malaki nang pinsala sa sambayanang Iranian, tuloy-tuloy ang pagbakà sa mga kaaway na araw-araw ay ganap nang lumilinaw ang nakaambang pagkagupo.
Ang bawat kahambugan ni Trump hinggil sa umano’y di-magaping kakayahang militar ng Amerika ay mabilis nang nadudurog sa mga mata ng mundo. Kamakailan lamang, tampok ng mga balita na ang United States Army Chief of Staff na si General Randy George ay nagbitiw bilang protesta sa utos ni Trump ng ground invasion sa Iran.
“Utak baliw,” wika ng general. Magkagun man, larawan na ng di ba mapigil na pagkalupig ng Amerika sa digmaan sa Iran. Ang resignasyon ni Heneral George ay maliwanag na pasilip sa pagkadurog na ng morale (fighting spirit ika nga) ng militaring Amerikano. Kung wala nang ganang lumaban, saan pa patungo kundi ang matalo? Ganap na kabaligtaran. Ito ng mismong pagkatalong nilayong iparanas ng Amerika sa Iran kung kaya isinagawa nito kasama ng Israel ang mga pag-atake sa Iran noong Pebrero 28, 2026.
Tinawag na Operation Epic Fury, plinanong isang linggo lang ang itatagal nito. Ngayon, pumasok na sa Ikalawang buwan, panay na ang malakas na pasaring ni Trump para negosasyong pangkapayapaan. Todo tanggi naman ang Iran. Alam ng Iran ang taya sa labanan. Binabalikat niya ang mithing paglaya ng buong sandaigdigan sa aggresyon ng Amerika. Kung sa nakaraan, ang paglaya ay isang pangarap lamang, sa ngayon ito ay isa nang naggugumiit na katotohanan. Sa kalagayan ng Cuba, gising na ang buong mundo. Laban sa panalasa ng Amerika, maliligtas lamang ang mundo kung kikilalanin ng mga bansa ang kasabihan na “Ang sakit ng kalingkingan ay kirot ng buong katawan.”
Ang pagwakas sa matinding parusa na ng Amerika sa Cuba ngayon ay responsibilidad na binabalikat na ng Iran. Gaya ng winika ni Iran Foreign Minister Abbas Araghchi bilang sagot sa tanong kung anong tugon ng Tehran sa mga pagbabanta ng Washington, “Hindi ko inaakala na kailangang tumugon ang Iran. Ang komunidad internasyunal ang dapat na tumugon diyan.” Sa ngayon buong tapang at sigasig ang ginagawa ng Iran na halos mag-isang pagbuno sa mga pangmundong pananalakay ng Amerika.
Sa pahiwatig ng makata na si John Donne, “Walang sinuman ang isang isla na kumpleto sa kanyang kakanyahan. Kaya huwag kang magsugo upang alamin kung para kanino tumutunog ang kampana. Tumutunog ito para sayo.” Pasubali ni Araghchi, “Kailangang panindigan ng United Nations Security Council ang kanyang responsibilidad. O kung hindi, walang malalabi sa international law…” 30

