28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Giyera, gera: nagbabagong pagbabalita ng digma

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

GIYERA, GERA. Dalawang anyo ng isang salita.

Mula sa salitang GUERRA, sa wikang Kastila o Espanyol. Nangangahulugang armadong labanan ng mga bansa o ng malalaking pwersa, singkahulugan ng digma, digmaan.

Sa KWF Diksiyonaryo online, walang entri na GERA. Ang mayroon lamang ay GIYERA at nakatalang variant ang GERA. Samantala sa printed version na Diksyunaryo ng Wikang Filipino Sentinyal Edisyon (1998), ang entri ay GERA, GYERA – magkasunod bilang isang entri. Nauuna ang GERA na nangangahulugang mas preperensya ang GERA. Ngunit nagbago ang ganitong pananaw sa online and updated edition ng nasabing diksyunaryo.

Ang totoo, GIYERA ang mas matandang anyo ng salita. Nang hiramin ang GUERRA, hindi ito naging GERA, batay sa bigkas ng salita sa pinaghiramang wika. Naging GI.YE.RA ito, may tunog na /i/ na nakapagitan sa /g/ at /e/.

Nakabuo  ako ng haka kung bakit ito naganap. Hindi kilala ng ating mga ninuno ang sunurang tunog ng /g/ at /e/; nang maghanap ako sa mga diksyunaryo ng mga salita na ang panimulang pantig ay GE, wala akong nakita. Marahil, ito ay dahil tatlo (3) lamang ang orihinal na patinig sa wikang Tagalog – A, I, U. Nadagdag na lamang ang E at O sa paglipas ng panahon dahil sa panghihiram ng mga salita.


Matagal nang ginagamit ang GIYERA sa mga pasalitang usapan. Ginamit din ang salitang ito sa mga balita at panitikan ng rebeldeng grupo, sa kanilang mga tula at kwento na bumuo ng alternatibong panitikan at tinawag ding underground literature. Pero sa mga aklat ng kasaysayan, ang World War I & II ay hindi kailanman tinawag na Pandaigdigang Giyera I at II kundi Pandaigdigang Digmaan I & II.

Nang nakalipas na ilang taon, lumitaw ang GERA, na batay na ang bigkas sa orihinal na salita. Parang mas SOSYAL ang dating. Naiiba kasi sa nakagawian. Na para bang ang dating GIYERA ay anyong mali, o nilapatangan ang orihinal. Ibinalik sa orihinal ang GIYERA at GERA na ang isinusulong ng ilan. Ang ipinagtataka ko, bakit ang makamasang grupong Makabayan bloc pa ang nagsusulong ng sosyal na GERA gayong maraming taon na nilang ginagamit ang GIYERA.

Gayon man, mas marami pa rin ang gumagamit ng GIYERA kaysa GERA sa pasalita man o pasulat na pag-uulat.

Narinig ko noon, sa mga kwento ng aking mga magulang, ang salitang GERILYA. Mula sa GUERRA at kung susuriin ang pagkakabuo ng salita ay may hulaping ILLA/-O na sa Kastila ay nangangahulugang “maliit.” Sila ang maliliit na grupo ng ating mga kababayan na nagpatuloy ng paglaban sa pwersang Hapon nang abandonahin ng Amerika ang Pilipinas. Kahit GERILYA ang naririnig ko noon, may gumagamit din ng GERILYERO, na katulad din ng GERILYA ang kahulugan. Sa isang diksyunaryong Spanish-English/English-Spanish na sinangguni ko, walang entri na GUERRILLA pero may GUERRILLERO. Sa isa pa ring katulad na diskyunaryo, na mas bago (2006 ang petsa) walang GUERRILLERO pero may GUERRILLA. At nagbago na rin pala ang bigkas – ang tunog ng LL ay YA na, kaya GERIYA ang bigkas. Kaya pala ang isang kaibigan kong Pilipina dati pero matagal na sa Amerika ay nagsabing PA-E-YA ang dati nating kilalang pagkain na PAELLA (bigkas natin dati ay PA-EL-YA).

- Advertisement -

 

Noong bata pa ako, ang aming apelidong ESGUERRA ay binibigkas na ES-GYE-RA. Parang GIYERA na nilagyan lang ng ES sa unahan. Gayon ang bigkas na nakagisnan ko sa aking mga magulang. Pero nang magkaroon na kami ng kursong Spanish noong ikaapat na taon ng hayskul (katumbas ng Grade 10 ngayon), natutuhan namin na GERA pala ang tamang bigkas. Substandard pala ang bigkas na GYERA. Nakakahiya pala ang dating bigkas. Kaya ang ES-GYE-RA ay naging ES-GE-RA para umangkop sa bigkas-Kastila, bigkas ng orihinal na salita. Pero ang tatay ko, na isinilang na ES-GYE-RA ay siguradong namatay na ES-GYE-RA pa rin, nang hindi na naiwasto ang pasaway na dila.

 

Kung tutuusin, ano naman ang masama o mali na panatilihin ang nakagisnan. Kung ayaw natin sa historical revisionism, na binabago ang tunay na pangyayari sa kasaysayan, bakit naman natin hahayaan ang linguistic revisionism, na binabago ang mga dating anyo ng ating mga salitang hiram, ayon sa kalikasan ng sarili nating wika?

 

Ganyan naman talaga ang kalikasan ng panghihiram ng salita. Ang hinihiram na mga salita ay  iniaangkop ng nanghihiram na wika sa sariling sistema ng palatunugan kaya nababago ang bigkas at baybay ng mga hiram na salita. Kung minsan, pati kahulugan ay nababago rin. Nagaganap ito sa lahat ng wika sa mundo, hindi lamang sa Tagalog.

- Advertisement -

Kaya nga ang CEBOLLAS mula sa Kastila ay naging SIBUYAS, ang VENTANA ay naging BINTANA na may impit na tunog sa huling A, gayong wala naman itong impit na tunog sa orihinal na salita. Marami pang ibang mga halimbawa. Kaya bakit pilit pang ibabalik sa orihinal na RETRATO ang matagal nang ginagamit na LITRATO, hindi lamang ng mga Tagalog? At titigil na ba rito? Bakit hindi rin ibalik sa PARED ang PADER? Ang KABAYO sa CABALLO, atbp?

Kusa namang nagbabago ang bigkas at anyo ng mga hiram na salita, kung kailan ibigin ng masang tagapagsalita nito. Hindi kailangang isabatas pa.

Noong 1950s, nang ipakilala sa Pilipinas ang pulbos na sabong panlaba, ang TIDE na ang bigkas ay TAYD, maraming matanda na binigkas itong TA-ED. Hindi kasi kilala ng matandang dila ang diptonggo (AY) na may kasunod pang katinig (D). Ang tunog na AY ay karaniwang nasa hulihan ng salita (mga halimbawa: buhAY, suhAY, tangkAY, nanAY, atbp. Kaya binigkas ang TIDE na TA-ED dahil ito ang pinakamalapit na bigkas ng tunog ng orihinal. Ganyan din ang nangyari nang unang hiramin ang mga salitang PLANTSA (na naging PALANSA), ROSARYO (na naging DUSARYO), TREN (na naging TEREN), PRITO (naging PIRITO), atbp. Pero ngayong sanay na ang dila ng mas batang henerasyon sa mga tunog ng mga dayuhang wika, nahihiram na ang mga salita nang halos kapareho ng orihinal ang tunog.

Mga pagbabago sa pagbabalita

Ngayong nahaharap tayo sa maraming krisis na hatid ng giyerang US-Israel laban sa Iran, tingnan naman natin kung paano nagbabalita ang mga diyaryo at telebisyon. Tiningnan ko ang ilang isyu ng mga diyaryong online tulad ng Pinoy Peryodiko, Abante Tonite, Pilipino Star, Remate at Balita. Halos pare-pareho ang estilo ng nasabing mga diyaryong online. Napakaraming hiram na salita. Narito ang mga halimbawa:

  1. Gasolina, diesel bet irasyon para humaba supply
  2. Ang profiteering at hoarding ay plainly illegal and immoral
  3. price manipulation
  4. basic necessity and prime commodity
  5. largest platform
  6. conflict framing
  7. digital news consumption
  8. iwasan na maparalisa ang agri, negosyo, transport sa oil crisis
  9. energy sector, non-hostile status ng Pilipinas
  10. whimsical arrogance ni Trump
  11. maritime aggression at deployment ng mga barko
  12. air strikes, missile capabilities, missile program
  13. troll network, troll farms
  14. quiet diplomacy

Sa pagbanggit sa tao at kanyang posisyon, ganito naman ang anyo:

  1. Si Iranian Ambassador to the Philippines Yousef Esmaeilzadeh
  2. Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson
  3. Senate Committee in Agriculture and Food Chairman Kiko Pangilinan
  4. DFA Chief Maria Theresa Lazaro

Dati, inuuna ang pangalan bago ang posisyon: Si Yousef Esmaeilzadeh, embahador ng Iran sa Pilipinas, Tagapangulong Kiko Pangilinan ng Komite sa Agrikultura at Pagkain sa Senado, Puno ng Kagawaran ng mga Ugnayang Panlabas na si Maria Theresa Lazaro.

Ngayon, tuloy-tuloy na ang posisyon at pangalan, tulad din sa Ingles. Hango naman kasi sa Ingles ang mga balita, na dati ay pinagkakaabalahan pang isalin sa Filipino. Mas mabilis, hassle-free na nga naman kung hihiramin na lang nang buo ang mga praseng nasa Ingles. Ang mga pangalan ng mga ahensya ng pamahalaan ay nabigyan na ng katumbas sa wikang Filipino ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) pero abala pang halungkatin ang listahan ng mga ito kaya hindi na isinasalin pa. Total, mas kilala naman ang mga tanggapang ito sa pangalan at acronym sa Ingles, tulad na lamang ng DepED. May makakakilala ba kung tawagin itong Kagawaran ng Edukasyon o KE?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -