PINAIGTING ng pamahalaan ng Pilipinas ang kampanya upang wakasan ang child labor, sa pagkilala na ito ay isang paglabag sa karapatan ng mga bata at alinsunod sa pandaigdigang pagsisikap na matiyak na walang bata ang mapipilitang isakripisyo ang kanilang kinabukasan para lamang mabuhay.

Para sa maraming pamilyang Pilipino, ang kahirapan ay madalas na may kaakibat na mabibigat na desisyon, na kung minsan ay naisasakripisyo ang karapatan ng bata na maglaro, matuto, lumaki at mangarap. Gayunpaman, sa iba’t ibang komunidad sa buong bansa, isang tahimik na pagbabago ang nagaganap.
Sa pamamagitan ng pinatatag na aksyon ng pamahalaan at sa pakikipagtulungan ng buong lipunan, bumaba ang bilang ng mga batang manggagawa sa 509,000 noong 2024 mula sa 828,000 noong 2022, na sumasalamin sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng isang “child-labor-free Philippines” sa taong 2028.
Pagtulong sa pamilya, pangangalaga sa mga bata at sa kanilang kinabukasan
Sa nakalipas na tatlong taon, ang Kagawaran, kasama ang mga katuwang nito, ay matagumpay na nailayo ang 232,966 binabantayang bata mula sa pagtatrabaho.
Sa taong 2025 pa lamang, nakapagbigay na ang Kagawaran ng mga kinakailangang serbisyo sa 17,935 na na-profile na batang manggagawa, habang 88,653 naman ang nai-refer sa mga katuwang na ahensya para sa kaukulang interbensyon.
Sa ilalim ng Project Angel Tree, mula noong 2022, mahigit 59,000 kabataan ang napagkalooban ng pagkain, damit, hygiene kits, at mga kagamitang pang-edukasyon mula sa mga donor, na tinatawag ding mga “angel.”
Sa pamamagitan naman ng inter-agency quick action and rescue program ng pamahalaan, kabuuang 105 batang manggagawa ang nailigtas mula sa mapagsamantalang kalagayan simula noong 2022.
Dahil kahirapan ang pangunahing sanhi ng child labor, nagkaloob ang DOLE ng tulong-pangkabuhayan sa mga magulang o tagapangalaga ng mga na-profile na batang manggagawa mula 2022 hanggang 2025., kung saan mahigit 47,000 ang nakatanggap ng kabuhayan starter kits sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program. Sa pamamagitan ng kabuhayang ibinigay sa mga magulang, layunin ng DOLE na suportahan o palakasin ang kita ng pamilya at matiyak na hindi na babalik ang kanilang mga anak sa mapanganib na trabaho.
Sa kaso ni Marites Roque, ang kanyang asawa na isang mangingisda ay nakatanggap ng bangkang-de-motor bilang tulong-pangkabuhayan. Ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa Kagawaran, dahil nakatulong ito upang magkaroon ang kanyang pamilya ng sapat na kita at mapag-aral ang kanilang anak na si Kimkim—isang dating batang manggagawa—at ang kanyang mga kapatid. Nakapagtayo rin sila ng sari-sari store na nagbibigay ng karagdagang kita sa pamilya. Dahil dito, si Kimkim ay nasa Grade 11 na ngayon, at ang lahat ng kanyang limang kapatid ay nakakapag-aral na at hindi na kinakailangang magtrabaho para suportahan ang kanilang tahanan.
Mas matatag na programa laban sa child labor
Upang suriin ang mga kasalukuyang estratehiya at mapanatili ang tagumpay ng kolektibong aksyon ng bansa laban sa child labor, nirepaso at nirebisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng mga katuwang nito ang mga estratehiya noong Marso 9- 11 upang maabot ang mas marami pang komunidad at maiwasan ang sapilitang pagtatrabaho ng mga bata..
Nakasentro ang pagsusuri sa Philippine Program Against Child Labor (PPACL) 2023–2028, ang whole-of-nation approach ng pamahalaan upang wakasan ang child labor, na tinitiyak na ang mga tulong sa pamamagitan ng programa, gaya ng pangkabuhayan para sa mga magulang, akses sa edukasyon, at proteksyong panlipunan, ay nakakarating sa mga pamilyang higit na nangangailangan nito.
Binigyang-diin ni Labor Assistant Secretary Amuerfina Reyes na ang pagtugon sa child labor ay nangangailangan ng patuloy na pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor, lalo na’t ang nagbabagong hamon sa ekonomiya ay patuloy na nagtutulak sa mga bata na magtrabaho.
“Hindi kaya ng isang tao, hindi kaya ng isang organisasyon, hindi kaya ng isang sektor. Mangyayari lamang ito kung tayong lahat ay magtutulungan nang buong tapat,” pahayag ni Assistant Secretary Reyes sa mga kinatawan mula sa mga pambansang ahensya, Regional Councils Against Child Labor, civil society, akademya, social partners, at International Labor Organization (ILO), na nagtipon upang suriin at tukuyin ang mga hamon sa komunidad at ayusin ang mga solusyon para sa susunod na yugto ng implementasyon.
Kasunod nito, nagsagawa ang DOLE ng hiwalay na assessment at planning exercise noong Marso 12-13 upang lalo pang patatagin ang Child Labor Prevention and Elimination Program. Sa aktibidad na ito, itinakda ang mga kailangang badyet, mga target, at mga pangunahing hakbang para sa taong 2026, habang binibigyang-diin ang mga best practices na maaaring ipatupad sa buong bansa.

Hinihikayat ang publiko na iulat ang mga kaso ng child labor sa MAKABATA Helpline 1383, habang pinalalakas ng pamahalaan ang mga pagsisikap upang matiyak na ang bawat batang Pilipino ay nasa paaralan, ligtas, at nabibigyan ng patas na pagkakataon para sa mas magandang kinabukasan.



