ANG digmaan sa Gitnang Silangan ay nagpataas sa presyo ng krudong langis sa halos limang linggong palitan ng bombahan sa pagitan ng Estados Unidos at Israel, sa isang panig, at ng Iran, sa kabilang panig. Ang pagbulusok ng presyo ng krudong langis ay bunga ng pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz kung saan dumaraan ang halos 20% ng inaangkat na krudong langis ng buong mundo mula sa mga bansa sa Gitnang Silangan. Hindi lamang lumiit ang daloy ng suplay ng krudong langis ngunit pahirapan pa sa mga umaangkat na bansa sa paghahanap ng alternatibong ruta sa Persian Gulf patungo sa ibang lugar. Ang dalawang salik na ito ang nagpabulusok sa presyo ng langis sa buong mundo.
Maraming pagsusuri ang naisulat na tungkol sa epekto ng pagtaas ng presyo ng krudong langis sa ekonomiya kasama na ang pagbaba ng pagluluwas at pag-aangkat. Dahil ang krudong langis ay pangunahing sangkap sa produksiyon bumaba ang antas ng produksiyon at ang katuwang na empleyo bunga ng kakapusan sa krudong langis dulot ng krisis sa Gitnang Silangan. Ngunit ang pinakalantad na epekto ay ang mabilis na pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang mga epektong ito ay nararanasan ng halos lahat ng mga bansa sa buong mundo dahil halos lahat ng mga ekonomiya sa mundo ay mahigpit na umaasa at pinatatakbo ng krudong langis. Isa pang dahilan ay bunga ng isang pamantayan lamang ang pinagbabatayan ng presyo ng krudong langis sa bilihang internasyonal.
Ngunit maraming nagtatanong kung bakit pati ang presyo ng mga pondong pananalapi ay naapektuhan din ng krisis sa Gitnang Silangan gayong hindi naman nangangailangan ng krudong langis ang mga stock, bond, dayuhang salapi at iba pang yamang pananalapi. Kahit na nga ang presyo ng mga stock ay nagbababaan lalo na sa mga mauunlad na bansa at papaunlad na ekonomiya. Ganoon din ang nangyari sa presyo ng mga bonds at dayuhang salapi.
Ang pinakaugat na dahilan ay ang epekto ng krisis sa paghawak o demand sa iba’t ibang uri ng yamang pananalapi. Ang presyo ng mga istak ng mga korporasyon ay nagpapabaan at naging matamlay ang paghawak ng mga istak na inisyu ng mga korporasyon. Sa panahon ng krisis, inaasahang bababa ang tubo ng mga korporasyon bunga sa pagbaba ng demand sa mga produkto at serbisyong pinoprodyus nila. Kaya’t ang matamlay na kalagayan sa produksiyon at demand sa maraming kompanya ay nagpapababa sa paghawak ng mga mamumuhunan sa mga istak ng maraming korporasyon.
Ganoon din ang nangyayari sa demand sa mga bond na inisyu ng mga korporasyon at pamahalaan upang mangutang mula sa publiko. Sa kapaligiran ng krisis sa Gitnang Silangan mapanganib ang paghawak ng bond dahil may pangambang hindi mababayaran ng mga institusyon ang kanilang mga obligasyon na nakatala sa mga bond. Sa pagnanais ng mga humahawak ng mga bond na inisyu mga institusyon na maseguro ang katatagan ng kanilang pananalapi ibinebenta nila ang mga ito. Dahil walang gustong humawak ng mga bond at sa dami ng inisyung bond napipilitang ibenta ang mga bond sa murang presyo. Ito ay isinasagawa upang maenganyo ang mga mamumuhunan na humawak ng mga bond. Ipinahihiwatig nito na tataas ang interest rate upang maging kompetitibo ang mga bagong bond at upang hikayatin ang mamumuhuan na humawak ng mga bond. Kaya’t napabalita na nagtataasan ang mga yield ng mga bond.
Sa larangan ng dayuhang salapi, maraming salapi ang nakararanas ng depresasyon bunga ng paglilipat sa mga bilihan ng pondo sa mga mauunlad na bansa tulad ng Estados Unidos dahil sa pangambang mapanganib ang paghawak ng sariling salapi at sa halip ay humawak ng US dolyar dahil itinuturing itong isang ligtas na salapi sa panahon ng krisis. Ang mga salapi ng mga malalaki at mauunlad ng ekonomiya ay nakararanas ng apresasyon samantala depresasyon naman ang nararanasan ng mga papaunlad na ekonomiya tulad ng Pilipinas.
Kung titignan ang epekto ng pagtataasan ng interest rate sa mga bond,maraming ekonomiya sa Europa, Africa at maliliit na ekonomiya sa Gitnang Silangan at Timog Asya ang nahihirapang ipatupad ang mga proyekto ng pamahalaan dahil sa malaking gastos na gugugulin nila sa panghihiram ng pondo bunga ng tumataas na interest rate. Idagdag pa rito ang kanikanilang salapi ay nakararanas ng depresasyon dahil sa kakulangan nila ng pondo at reserba ng dayuhang salapi upang palitan ang malawakang paglabas ng dayuhang salapi dahil mas ligtas ang paghawak ng mga matatatag na dayuhang salapi sa panahon ng krisis.
Ngunit may mga ekonomiyang hindi naaapektuhan sa pagtaas ng interest rate at depresasyon dahil may sapat na panagga sila na tutugon sa mga pagbabago sa bilihan sa pondo. Kasama rito ang mga ekonomiyang mauunlad na may malalawak na bilihan ng mga pondo at mga ekonomiyang nagluluwas ng mga langis mula sa Gitnang Silangan at ilang bansa sa Latin Amerika.
Samakatuwid, ang paghahanda sa panahon ng krisis ay ang paglalaan ng malawakang pondo tulad ng sarplas sa budget ng pamahalaan at reserba ng mga dayuhang salapi sa Balance of Payments (BOP)).

