NAPABALITA kamakailan na ibinaba ng Asian Development Bank (ADB) ang tantiya nitong paglaking ekonomiko ng Pilipinas mula 5.3% tungo sa mababang 4.4% sa taong kasalukuyan bunga ng krisis sa Gitnang Silangan.
Ang paglaki ng isang ekonomiya ay maaaring sukatin sa pamamagitan ng pagtaas sa Kabuoang Demand (AD) at sa pagtaas sa Kabuoang Suplay (AS). Ang kabuoang demand ay ang pinagsama samang demand sa mga huling produkto at serbisyo prinodyus ng isang ekonomiya. Ang demand sa mga hilaw na sangkap sa kabuoang produksyon ay hindi sinasama sa pagsukat ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa dahil ang mga ito ay kinakailangan pang iproseso upang maging huling produkto at serbisyo. Dahil dito ang kabuoang demand ay binubuo lamang ng pagkonsumo ng mga pamahayan, pagkonsumo ng pamahalaan, guguling pangangapital at netong eksport dahil ang mga ito ay iba’t ibang demand sa mga huling produkto na prinodyus ng ekonomiya.
Sa pananaw ng ADB ang kabuoang demand ay bababa sa taong ito. Ang pagkonsumo ng pamahayan ay tinatayang bababa bunga ng krisis dahil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng krudong langis at presyo ng mga produkto at serbisyo. Idagdag pa rito, maraming ring mga manggagawa na bumubuo na malaking bahagi ng pagkonsumo ng pamahayan ang tinatayang mawawalan ng trabaho bunga krisis. Ang pagbaba ng kanilang kita ay magpapababa rin sa kanilang pagkonsumo.
Samantala, ang pagkonsumo ng pamahalaan ay tinatayang bababa rin bunga ng mahinang koleksyon ng buwis dahil sa matamlay na ekonomiya. Isa pang dahilan ay ang pagtaas ng interest rate na nauuwi sa pahirapang pangungutang upang tustusan ang deficit ng pamahalaan. Kasama na rin sa pagbaba sa gugulin ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kaya’t napipilitang magtipid ang pamahalaan.
Ang pangangapital ay inaasahang bababa rin sa taong ito. Dahil sa matamlay na ekonomiya, magdadalawang isip ang mga negosyante na dagdagan ang kanilang kapital na hindi naman lubusang magagamit dahil sa mababang demand ng iba’t ibang sektor ng ekonomiya. Ikawala, ang pagtaas ng interest rate ay mag-uudyok sa mga nagmamay-ari ng negosyo na bawasan ang pangangapital dahil hindi makabuluhang dagdagan ang kanilang kapasidad dahil di kakayaning bayaran ng kompanya ang mataaas na interest sa harap ng mabagal na pagtaas ng kanilang kita.
Ang netong eksport ay diferensiya sa pagitan ng pagluluwas at pag-aangkat. Inaasahang ito ay liliit sa taong ito dahil sa matamlay na lagay ng ekonomiyang global. Kahit ang depresasyon ng PH piso ay hindi kayang pataasin ang ating eksport dahil pa rin sa malawakang pagtamlay ng mga ekonomiya sa buong mundo. Samantala, tataas ang halaga ng ating inaaangkat hindi dahil tumataas ang demand sa inaangkat ng Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa ngunit bunga ng matarik na pagtaas sa presyo ng inaangkat na krudong langis.
Samantala, ang kabuoang suplay ay ang pinagsama-samang idinagdag na halaga o kitang nilikha ng iba’t ibang ekonomikong sektor. Ang idinagdag na halaga o value added ay bahagi ng kabuoang gastos sa produksyon sa lahat ng mga produktibong sektor ng isang ekonomiya. Ang ginastos nila sa pasweldo ay tinanggap na kita ng mga manggagawa. Ang gastos sa interes ay tinanggap na kita ng mga nagpahiram ng pondo. Ang gastos sa renta ay tinanggap n akita ng mga nagmamay-ari ng lupa at gusali na ginamit sa produksiyon. Ang gastos sa tubo ay tinanggap na kita ng mga nagmamay-ari ng negosyo. Kaya’t ang idinagdag na halaga ay kabayaran sa paggamit ng mga produktibong sangkap sa proseso ng produksiyon. Ang kabilang bahagi ng ginastos sa produksiyon ay mga hilaw na sangkap na hindi naman nagpapabago tulad ng mga produktibong sangkap bagkus ay mga bahagi ng gastos sa mga babaguhing sangkap . Samakatuwid, ang kabuoang suplay ay binubuo lamang ng idinagdag na halaga ng agrikultura, industriya at mga serbisyo at hindi ang kanilang kabuoang halaga ng produksiyon.
Ang idinagdag na halaga ng agrikultura ay tinatayang bababa ngayong taon bunga ng El Nino na mauuwi sa pagkalanta ng mga halaman at pananim na pagkaing butil sanhi ng matinding init. Dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina, mahirap ilipat ang mga ani sa iba’t ibang lugar na nauuwi na matamlay na demand at pagbaba ng produksiyon sa hinaharap. Dahil sa tinatayang pagbaba ng produksiyon bababa rin ang demand sa lupang sasakahin, oras ng mga magsasaka, at iba pang produktibong sangkap. Kaya’t ang idinagdag na halaga ng agrikultura o ambag nito sa pambansang kita ay bababa.
Sa larangang ng mga industriya at mga serbisyo ang kanilang produksiyon ay bababa rin dahil sa pagtaas ng gastos sa mga hilaw na sangkap tulad ng gasolina. Dahil sa pagbaba ng mga produksiyon ng mga industriya at mga serbisyo, bababa rin ang kani-kanilang demand sa mga produktibong sangkap. Ito ang nagpapababa sa pambansang kita dahil ang kabuoang idinagdag na halaga ng mga sektor ng mga industriya at mga serbisyo ay magbababaan.
Samakatuwid, ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa pagtaas ng presyo at pagbaba ng kita ang dahilan kung bakit ibinaba ng ADB ang tantiya nito sa paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2026.

