32.3 C
Manila
Huwebes, Hunyo 11, 2026

Mahigit 1,300 TNVS drivers sa Metro Manila nabiyayaan ng cash aid

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHIGIT 1,300 rehistradong Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers ang tumanggap ng tig-P5,000 bilang bahagi ng patuloy na tulong ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon na apektado ng krisis sa enerhiya dulot ng sigalot sa Middle East.

Isinagawa ang pamamahagi ng cash relief assistance sa ilalim ng programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ginanap ang aktibidad sa QC Elevated Promenade sa kahabaan ng Elliptical Road, Barangay Central, Quezon City, kung saan karamihan sa mga benepisyaryo ay mula sa National Capital Region (NCR) at mga karatig-lugar.

Layunin ng programa na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang gastusin sa sektor ng transportasyon.

Ito’y alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lalo pang nagpapatibay sa mga programa ng pamahalaan upang makapagbigay ng agarang suporta sa mga apektadong drivers.

Kaugnay nito, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na sisimulan na rin ng ahensya ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng mga digital wallet, matapos matiyak ang seguridad at kaayusan ng e-wallet transfer system.

“Now na mataas na ang aming confidence at na-validate na namin sa first round, we will start doing e-wallet transfers sa mga susunod na rounds,” ani Gatchalian.

Binanggit din ni Gatchalian na umabot na sa halos isang milyong driver ang natulungan ng pamahalaan na may kabuuang pondong tinatayang nasa PhP5 bilyon.

Dagdag pa ng kalihim, target ng ahensya na makumpleto ang unang round ng pamamahagi ng ayuda bago matapos ang buwan.

Bukod dito, sinabi rin ni Gatchalian na pinag-aaralan na rin ang pagbibigay ng tulong sa iba pang vulnerable sectors upang matulungan silang makasabay sa epekto ng krisis sa langis.

“Pinag-aaralan namin ang iba pang vulnerable sectors dahil alam naman natin na may iba pang naapektuhan ng krisis na ito. Tinitingnan namin kung paano pa sila matutulungan,” dagdag ni Gatchalian. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -