SA isang matibay na hakbang upang tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan at maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa, iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas ng P17.27 bilyon upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa.
Alinsunod sa direktibang ito, inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Rolando “Rolly” Toledo noong April 13, 2026, ang pagpapalabas ng Php 17.27 bilyon sa Department of Education (DepEd).
Ang nasabing pondo, na inilabas sa pamamagitan ng Special Allotment Release Order (SARO), ay gagamitin para sa pagtatayo ng 4,960 silid-aralan sa buong bansa, kabilang ang paglalaan ng mga kinakailangang school furniture at fixtures na magbibigay ng agarang ginhawa sa mga siksikang paaralan at underserved na mga komunidad.
Kukunin ang halaga sa P85.40 bilyong Basic Education Facilities (BEF) Fund sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act (GAA). Ang pagpapalabas ng pondo na ito ay isang matibay na hakbang tungo sa pagpuno sa kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa at sa pagtiyak na ang bawat mag-aaral na Pilipino ay may access sa ligtas, maayos, at marangal na kapaligiran sa pagkatuto.
Binigyang-diin ni DBM Secretary Rolly Toledo na ang inisyatibong ito ay hindi lamang tungkol sa imprastraktura, kundi sa pagtiyak ng kinabukasan ng bansa sa pamamagitan ng edukasyon.
“Sa utos ng Pangulo, pinapabilis natin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan dahil hindi dapat naghihintay ang pangarap ng kabataan. Hindi dapat nasisikip, napapabayaan, o napag-iiwanan ang kanilang pag-aaral,” ani Secretary Toledo.
“Sa bawat silid-aralan na itinatayo natin, may batang nabibigyan ng mas maayos na kinabukasan. Hindi lang ito pader at bubong—ito ay pag-asa, pagkakataon, at unang hakbang tungo sa mas magandang buhay,” dagdag pa niya.
Pinatitibay din ng release na ito ang Nationwide Classroom Building Program ng Pangulo, na nagtataguyod ng mahalagang partnership sa pagitan ng DepEd at local government units (LGUs) upang mapabilis ang pagtatayo, rehabilitasyon, at pagkukumpuni ng mga silid-aralan sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng whole-of-government at whole-of-nation approach, layunin ng Administrasyon na matiyak na walang mag-aaral ang maiiwan dahil sa distansya, kahirapan, at kakulangan ng mga silid-aralan.



