31.4 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 10, 2026

Ang nanganganib na wikang Tagalog

- Advertisement -
- Advertisement -

(Unang bahagi)

NANGANGANIB na wika ba ang Tagalog?

Hindi ba’t wala nang Tagalog ngayon, sasabihin ng iba. Naging wikang Filipino na ang dating Tagalog. Hindi na ginagamit ang tawag na iyan, idadagdag pa siguro nila.

Sa kabilang banda, may naniniwala namang dalawang magkaibang wika ang Tagalog at ang Filipino. Filipino ang pambansang wika, gaya ng itinatadhana ng Konstitusyong 1987. Ito ang wikang ginagamit sa National Capital Region (NCR), at alam gamitin ng nakararaming populasyon maging sa iba’t ibang panig ng bansa, ang wikang pinayayabong ng nag-iisang tanggapang pangwika ng Pilipinas, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Samantala, ang Tagalog ay isa sa mga wikang rehiyonal, tulad ng Ilokano, Cebuano, Pangasinan, Hiligaynon, Samar-Leyte, Bikolano, Tausug, Maranao at iba pa. Tagalog ang unang wika sa mga probinsyang tinatawag na Katagalugan, gaya ng Bulacan, Nueva Ecija, Cavite, Laguna, Batangas, Quezon.


Ang KWF ay binubuo ng mga komisyoner na kumakatawan sa iba’t ibang wika. May komisyoner para sa mga wikang Ilokano, Samar-Leyte, Pangasinan, Bikol; mayroon din para sa Tagalog. Pero bakit kaya walang komisyoner para sa wikang Filipino?

Sa kasalukuyan, pinamumunuan ang KWF ng kinatawan ng wikangTagalog, bagama’t hindi siya Tagalog, at nagpapakilalang Tagapangulo ng KWF gayong ayon sa mga malabiga’t tsismosa ay wala namang appointment bilang Tagapangulo mula sa Malakanyang. Kung tutuusin, mahalaga pa ba naman ang appointment kung nagagampanan namang mahusay ang tungkulin ayon sa itinatadhana ng batas. At sa totoo lang, may advantage ang kasalukuyang Tagapangulo, dahil hindi lamang siya Certified Public Accountant (CPA) kundi isa ring abogado. Maluwalhating pasado sa dalawang mabigat na pagsusulit ng pamahalaan.

Ipinagpapatuloy ni Atty. Marites Taran ang nasimulan nang pamamahala ng isang abogado sa tanggapang pangwika. Ang unang compañero na naging tagapangulo ng KWF ay si Dr. Ponciano B. P. Pineda (SLN), na mahigit 20 taong namuno sa Surian ng Wikang Pambansa (SWP)hanggang sa ito’y maging KWF.

Paratang noon ng isang propesora ng linggwistika sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman, hindi raw natutupad ang mandato ng ahensyang pangwika dahil ang namumuno ay isang abogado. Diyata naman! Hindi ba’t dumaraan sa butas ng karayom ang mga umeeksamen sa bar, hindi tsamba lamang ang pagpasa diyan!

- Advertisement -

Ngayong kapwa na yumao ang propesora ng linggwistika at ang dating tagapangulo ng KWF, siguro’y sa langit na lamang nila ipinagpapatuloy ang nauntol na balitaktakan.

Kaunting history lamang iyan. Hindi iyan ang ating paksa.

Ano ba ang nanganganib na wika?

Naglatag ng klasipikasyon ng mga wika ang UNESCO ayon sa antas ng pag-iral ng mga ito. May mga wikang ligtas, mayroon namang endangered. Sa ating bansa, tinumbasan ang  ENDANGERED ng NANGANGANIB sa Filipino. Ibig sabihin, baka mawala o maglaho na ang mga wikang nasa panganib.

Narito ang klasipikasyon ng UNESCO:

Maaaring nanganganib (Vulnerable) – sinasalita pa ng mga bata pero sa ilang dominyo o larangan ng gamit ng wika na lamang (halimbawa, sa tahanan)

- Advertisement -

Tiyak na nanganganib (Definitely endangered) – hindi na sinasalita o pinag-aaralan/ginagamit sa bahay bilang unang wika

Matinding nanganganib (Severely endangered) – ginagamit lamang ng mga lolo’t lola at iba pang matatanda; naiintindihan pa ng mga magulang pero hindi nila kinakausap ang mga anak sa wikang ito at hindi rin ginagamit kapag nag-uusap sila

Lubusang nanganganib (Critically endangered) – ang pinakabatang tagapagsalita nito ay mga lolo’t lola at bihira nila itong gamitin

Patay na (Extinct) – wala nang nagsasalita ng wikang ito

Ligtas (Safe) – hindi nanganganib. Sinasalita ng lahat ng henerasyon; hindi napuputol ang pagpapasa nito sa susunod na henerasyon

Ayon sa ETHNOLOGUE 2022 – sa 175 katutubong mga wika sa Pilipinas, 35 ang itinuturing na nanganganib, (31 threatened, 4 shifting, 11 ang malapit nang mawala,  5 ang naghihingalo, 5 ang halos naglaho na, 1 dormant) at 2 ang patay na.

Samantala, kinikilala ng KWF na 135 ang kabuuang bilang ng mga wika sa Pilipinas. Tatlumpu’t siyam (39) sa mga ito ang nanganganib, kabilang ang Kabuyanen, Arta, Binatak, at Malaweg.

Bakit may nanganganib na mga wika?

Maraming dahilan kung bakit namamatay o nanganganib maglaho ang isang wika. Isa rito ay migrasyon o pandarayuhan. Maraming kabataan ang umaalis sa tinubuang lugar para humanap ng mas magandang pagkakakitaan. Ang naiiwan na lamang ay matatanda at kapag namatay na ang mga wika, kasama na rin nilang mamamatay ang kanilang wika. Kadalasan, nakakalimot na sa unang wika ang mga taong lumisan, kung bumalik man ay maaaring ibang wika na rin ang alam nilang gamitin.

Isa pang dahilan ay diskriminasyon. Nangyayari ito lalo na sa maliliit na populasyon, na kapag lumabas ng kanilang komunidad ay pinagtatawanan at nilalait kapag nagsalita sa sarili nilang wika, o kung pagaril magsalita ng namamayaning wika sa mas malaking lugar. Natututo silang ikahiya at lubusang kalimutan ang kanilang mga unang wika upang maging mas mabilis ang pakikipamuhay nila sa ibang lugar.

Ang isa ring dahilan ay panlulupig. Kapag naalipin ng ibang bansa ang isa pang bansa, karaniwang ipinapataw ng nanalong bansa ang kanilang wika at kultura sa bayang nalupig. Magpasalamat tayo at hindi iginiit ng ating mga panginoong Kastila ang kanilang wika sa atin. Mga Amerikano ang nagsagawa nito sa ating bansa, na nagbunga ng mahabang mga taon ng pagkaalipin, hindi lamang ng katawan, kundi maging ng utak.

Nanganganib ba ang wikang Tagalog?

Nanganganib ba ang wikang Tagalog? Kung nanganganib, ano ang antas ng pagiging nanganganib nito? Ano ang dahilan kung bakit ito nanganganib?

Sasagutin natin ang tanong sa susunod.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -