KINASTIGO ni Sen. Raffy Tulfo ang Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa patuloy na paglaganap ng “5-5-5” Scheme, isang ilegal na practice na ginagawa ng ilang employers para maipagkait sa kanilang mga empleyado ang nararapat na benepisyo at seguridad sa trabaho.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development nitong Abril 22, sinabi ni Chairperson Sen. Tulfo na maraming sumbong na ang nakarating sa kanya ukol sa pagsasamantala sa mga manggagawa kung saan limang buwan lamang silang nagtratrabaho at tatapusin na ang kanilang kontrata upang hindi ma-regular at makakuha ng benepisyo. Pagkatapos nito ay saka sila ire-rehire.
“Talamak pa rin ang 5-5-5 scheme sa mga kumpanya, lalo na sa service at manufacturing industries. Ang siste, magha-hire sila ng empleyado at pagdating ng ika-limang buwan ay sisibakin ang mga ito at muling ire-rehire para hindi ma-regularize at magkaroon ng benepisyo,” ani Tulfo.
“Why are you allowing this to happen?,” he added.
Ayon kay DOLE Assistant Secretary Benedicto Bitonio Jr., may umiiral nang mga patakaran na nagbabawal sa ganitong uri ng praktis at nagsasagawa ang ahensya ng inspeksyon kapag may natatanggap na reklamo.
Gayunman, iginiit ni Tulfo na kulang pa rin ang implementasyon sa aktwal, lalo na’t nananatiling laganap ang naturang ilegal na gawain.
“Ang problema sa inyong mga taga-DOLE, kung mag-inspect man kayo, nakatakip ang mga mata ninyo at paglabas ng compound may bitbit na kayong envelope,” aniya.
Binanggit din niya na kadalasang sa management at human resources lamang nakikipag-ugnayan ang mga inspector, kaya’t hindi agad natutukoy ang mga paglabag.
“Ang nangyayari, kapag pumapasok kayo sa kumpanya, ang kinakausap niyo lang ay HR at management. Kaya kapag may violation, nakakalusot. Why not talk to the workers?” dagdag niya.
Hinimok ni Tulfo ang DOLE na papanagutin ang mga inspector na hindi seryoso sa kanilang tungkulin at ang mga nakikipagsabwatan upang itago ang ilegal na gawain ng mga employer.
“Gusto ko na may ma-sampolan—either sibak o kasuhan. Only then saka titino ang ilang inspectors. Sa ngayon kasi walang napapanagot, kaya tuloy-tuloy ang mga paglabag,” ani Tulfo.



