IBINUNYAG ni Senador Imee Marcos na halos 30% ang ibinagsak ng millgate price ng asukal na lalong naglagay sa alanganin sa kita ng mga magsasaka. Ito ay dahil na rin sa desisyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na magpasok ng imported na asukal kahit may sapat namang suplay ang bansa.
“May ani naman at ‘di kulang ang suplay, pero nag-import pa rin ang SRA? Aba, sino na naman ang nakinabang dito?” tanong ni Marcos.
Ayon pa sa ilang magsasaka sa Negros Island Region (NIR), mas binibili ngayon ang imported na asukal dahil higit na mababa ang presyo nito kumpara sa lokal. Miski sa mismong millgate pa lang, ramdam na ang pagbagsak ng presyo. Hindi bumibili ang mga trader kaya napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang ani sa mas mababang halaga.
Natatayang noong Oktubre 2024 ay nasa P2,801 pa ang millgate price ng asukal, bumagsak ito sa P2500 noong Agosto 2025; P2350 noong Oktubre 2025 hanggang sa kasalukuyang P2267 ngayong Abril.
Sa gitna ng krisis, patuloy na nananawagan si Marcos sa agarang aksyon mula sa gobyerno para masalba ang kabuhayan ng mga magsasaka. Umabot na nga sa puntong P200 hanggang P400 ang lugi ng magsasaka sa kada bag ng asukal. Todo bagsak na ang presyo ng mga magsasaka pero hindi naman bumababa ang retail price sa merkado.
“Bilhin na dapat ng gobyerno ang ani ngayon katulad ng sistema ng National Food Authority (NFA) sa bigas para mapanatili ang presyo at maiwasan ang oversupply,” dagdag ng senador.
“Tantanan na dapat ‘yang padalos-dalos na importasyon na walang basehan at direksyon. Ngayong panahon ng krisis, dapat mga magsasaka natin ang inuuna, hindi ang imported!”, pagtatapos ni Marcos.



