26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Sen Kiko: Sinusuportahan ko ang panawagan na itaas ang sweldo ng mga manggagawa

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa buong mundo, pinahahalagahan ang mga manggagawang Pilipino — para sa ating husay, katapatan sa tungkulin, at pagkamasigasig. Pero dito sa tahanan ng ating lahi, madalas ay mababa ang tingin sa kanilang paggawa—makikita sa sahod na tila ipinagkakait ang karapatang mangarap.

Ngayon, dahil sa krisis sa Gitnang Silangan, habang tumataas ang presyo ng gasolina at nilalamon ng pagkain at pamasahe ang halos buong badyet ng isang pamilya, wala nang ihihigpit pa ang sinturon.

Noon pa man, idinadaan na lang sa diskarte o raket para maitawid ang araw-araw. Ngayon, lalong kulang na kulang na ang minimum wage para sa isang buong araw na pangangailangan ng buong pamilya.

Kaya sinusuportahan ko ang panawagan na itaas ang sweldo ng mga manggagawa.

Hindi kawanggawa ang itaas ang kanilang sahod, katarungan ito.

Hindi naman hinihingi ang higit sa nararapat. Yung sakto lang para sa pangangailangan – sakto na makatao at makatarungang bahagi sa halagang nilikha ng dugo’t pawis ng Pilipino.

Kapag kumikita ng sapat ang mga Pilipino sa Pilipinas, umiikot ito sa ekonomiya ng bansa: Nakakabili ng mas maraming pagkain, nakakabyahe ng may dignidad paroo’t parito sa trabaho, nakakabayad ng upa sa oras, at napapanatili sa paaralan ang mga anak.

Pero mas malaki at marami pa ang dapat gawin. Ang gobyerno at lahat ng tao sa gobyerno, may tungkuling lumikha ng mas marami at mas magandang trabaho para sa Pilipino dito sa Pilipinas. Gawing tunay na abot-kaya ang pagkain at transportasyon. Ayusin ang mga sirang sistema na umuubos sa kita. Siguruhing patas ang kita sa food supply chain—mula magsasaka at mangingisda hanggang mamimili. Paganansyahin ang mga magsasaka, mangingisda, at mga mamimili sa food supply chain. Paganahin para sa taumbayan ang mga sistema ng transportasyon at enerhiya at kalusugan.

Hindi na kailangang bigyan ng isda o turuang mangisda ang manggagawang Pilipino. Kailangan na lang nating pangalagaan ang yamang-dagat, alisin ang mga basura at balakid, at hayaang gawin ang alam nang gawin — ang magtrabaho ng tama at may dignidad.

Imagine kung dito sa Pilipinas, lahat ng Pilipino may mga pagkakataong umunlad dito sa bayan mismo natin. ‘Yan ang maipapamana natin – buhay ang ekonomiya, malusog at masaya ang lahat.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -