31.8 C
Manila
Biyernes, Hunyo 19, 2026

Talumpati ni Sen Risa Hontiveros sa Araw ng Paggawa sa Philippine Metalworkers’ Alliance

NAGING panauhing tagapagsalita si Senadora Risa Hontiveros sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayon, Mayo 1, 2026 sa Philippine Metalworkers’ Alliance sa Lipa City, Batangas.

“Sa mga lider manggagawa ng Philippine Metalworkers’ Alliance, sa mga unyong nandirito ngayon, at sa bawat manggagawa mula po sa ibang-ibang pabrika.

“Kung hindi pa po obvious, tuwang-tuwa po akong makita ang mga dati nang mga kaibigan sa PMA at gayon din ang mga manggagawang bagong kasama ngayong umaga. Isang mapagpalayang Araw ng Paggawa sa inyong lahat!

“Iba po ang bigat ng dating ng Labor Day ngayong taon dahil tayo ay humaharap sa mga epekto ng isang global crisis. Pero pinapaalala sa atin na sa ganitong mabigat na pagkakataon ay magkakasama pa rin tayo. Lumalaban para sa ating mga karapatan at may kapangyarihang baguhin ang sistema na magkasama.

“Humaharap po tayo sa pagtaas ng presyo ng lahat ng bilhin. Gas, pagkain, lalo na ang kuryente. Pero ang sweldo ng manggagawa ay naiiwan.

“Tama? Tama. Ikaw, kapatid, kabaro, magkano ang sarap mo ngayon? Kayo po? (Crowd: P650!) 

“Alam ko sa Southern Tagalog, medyo mataas pa yun. Mataas kuno. Kasi sabi ng mga regional wage board na yan, P508 daw hanggang P600.

“Pero sa P650, sa sahod ngayon, na ganyang range, magkano na lang ang nabibili sa ganyan? Kayo po? Ano na lang inaabot ng sahod niyo sa ngayon? (Crowd: Kulang!) Paano kulang? Halika. (Crowd: Kulang na kulang po, lalo po sa katulad kong tatlo ang anak.) Wow! O yan, mga nanay na may tatlo o higit pang anak. Kulang na kulang, sabi nating mga manggagawa.

“Kulang na kulang ang sahod na nakukuha sa ngayon. Hindi talaga pupwede magpatuloy ang ganitong sitwasyon. Kahit ako, bilang maybahay, napapansin ko rin po paano paliit ng paliit ang supot na bumabalik pagkagaling sa pamamalengke.

“Dama po nating lahat ang hirap ng panahon. Kapag kasi ang interes ng mga korporasyon at ang mga harang sa grid ay nagpipigil sa pagpasok ng mas murang renewable energy, ang manufacturing sector mismo ang nagdurusa.

“Ang interes ng tao dapat ang inuuna bago ang interes at bulsa ng mga korporasyon. Diba? Ang interes ng tao — pagkain, transportasyon, trabaho. Ang interes ng tao. Alam po natin, sa mahabang panahon, hindi ang interes ng tao ang nangingibabaw.

“Kahit pa nga kung tumaas na ang mga sahod, hindi pa sasapat yan kung mas mataas pa ang pagkain at ang pamasahe. Kailangan talagang magtakda ng social wage para tunay na maramdaman ang ginhawa. Itaguyod din at palakasin ang produksyon ng lokal na pataba para bumaba ang preso ng pagkain.

“Sa panahon ngayon, mga kasama, kailangan laging natin maalala — ang taunang paggunita natin ng Araw ng Paggawa ay tungkol sa kapangyarihan nating baguhin ang sistema. Alam na alam po yan ng PMA.

“Alam na alam po yan ng mga unyon at ng kilusang paggawa. Kapangyarihan nating baguhin ang sistema. Isang unyon na hindi lang lumalaban, kundi namumuno. Isang kumpanya na hindi lamang kumikita, pero nagtuturo. Isang gobyerno na hindi lamang nanunood, kundi nagpapatupad. Yan po ang mga kailangan natin.

“Ramdam ko kayo, naririnig ko kayo. Ang bawat pawis at hirap ng inyong trabaho, nararamdaman ho at naririnig yun. At kaya nandirito ako ngayon dahil mahalaga kayo sa akin.

“Opo! Dahil ang pakikisalamuha ko sa mga manggagawa, mula pa noong panahon na estudyante ako, ayos siyang kumubog sa aking pagkatao. Kayong mga manggagawa, kasama ang mga OFWs, ang siyang puso at diwa ng ating ekonomiya. Puso at diwa ng ating ekonomiya.

“Kung wala kayo, hindi aandar ang oras at walang pag-unlad. Kaya hindi ko kayo iiwan, mga kasama. Hindi ko kayo iniwan.

”Salamat po, kasama. Kaya huwag na huwag po natin bitawan ang pag-asa. Dahil habang patuloy tayong magkakasama, makakamit natin ang magandang kinabukasan.

“Mabuhay ang manggagawang Pilipino! Mabuhay ang iniibig nating si Inang Bayan! Tuloy ang laban para sa ating kinabukasan!”

- Advertisement -

- Advertisement -