32.6 C
Manila
Huwebes, Hulyo 2, 2026

Manggagawa

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAMING Filipino ang simpleng manggagawa na sumusweldo ng minimum wage. Ang average nilang kita ay P 8,302 kada buwan ayon sa ILOSTAT ng International Labour Organization. Marami sa kanila ang kontraktuwal.

Tuwing ikalimang buwan, paso na uli ang kontrata at nag-aabang sila ng renewal o lay-off. Hindi pinapaabot sa anim na buwan ang kontrata dahil kung gayon ay magiging permanente sila sa trabaho.

Tinatawag silang “endo” o end of contract. Ganyan ang kalakaran sa service, manufacturing industry at sa halos lahat ng industriya. May mga employment agency na humahawak ng kontrata ng mga manggagawa bilang security guard, janitor, cleaner, service crew, rider, saleslady, logistics worker, driver, warehouse stockmen, production worker, assembler, cashier, bagger, merchandiser, fast food crew, dishwasher, room attendant, at marami pang iba na dine-deploy sa mga pribadong institusyon at malalaking kompanya.

May mga nagtatrabaho sa entertainment industry, sa mga comedy bar, at parlor. Ang iba nama’y nasa media, hospital at healthcare, airline, shipping, akademya, at mga opisina sa business district ng Manila, Makati, Cebu, Iloilo, Davao City, at iba pa. Tanda ng isang mahirap na bansa kung ang manggagawa’y ipinagkakatiwala sa kagustuhan at pamamahala ng mga kapitalista. Hindi masyadong nakikialam ang pamahalaan. Pabor sila sa investment. Tila ang pasaring: Suwerte dapat kayo, dahil kayo’y may trabaho! Maliit ang sahod at kulang ang mga benepisyo ng mga manggagawa. Pinakamasakit sa lahat ang pinagkakaitan sila ng permanenteng estado bilang manggagawa.

Sa mata ng nagmamay-ari ng kompanya, trabahador sila, pasahuran, isang malaking gastos sa balance sheet. Sa mata ng manggagawa, naghahanapbuhay sila. Sa mga kapitalista, naghahanap sila ng kita. Sa manggagawa, naghahanap sila ng paraan para mabuhay sila at ang kanilang mga pamilya. Lahat sila’y may mga pangarap sa buhay. Ang iba’y hindi nakakahanap dito, kaya nangingibang bansa para maging OFW.


Pinagtapos ako ng aking mga magulang na parehong manggagawa. Ang aking ina ay naging gasoline girl noong kabataan niya, naging mananahi, factory worker, at kalaunan naging ‘bisor sa isang garment factory sa Caloocan. Samantala, ang aking ama ay naging konduktor, kargador, at forwarder sa isang shipping company. Pareho silang napermanente sa trabaho kahit hindi parehong tapos sa pag-aaral ang aking ina at ama. Kung nagawa noon na walang endo, bakit hindi magawa ngayon?

Ang pangarap nila’y makatapos kami ng pag-aaral. Lagpasan namin ang naabot nila, ang lagi nilang pangaral. Anim kaming magkakapatid. Apat ang nakatapos sa amin. Ang dalawa’y nakaabot naman sa hayskul. Sabi nga nila’y kapag may nakatapos sa isang pamilya, asahan na aangat ang pamilya. Totoo iyon. Kaya mahalaga ang edukasyon. Tapos kaming lahat sa publikong elementarya. Kaming anim ay nakatapos sa pribadong hayskul sa tulong ng masisipag na manggagawa naming mga magulang. Dalawa kami ng kuya ko na mga iskolar ng William Lines, Inc., kung saan nagtatrabaho ang aking ama.

Naaalala ko pa na tuwing summer, may outing na inoorganisa ang kompanya para sa lahat ng pamilya ng mga manggagawa. Laging may uwing isda, manok, delata ang aking ama mula sa kooperatiba ng kumpanya. Ang aking ina naman ang sumasalo sa karagdagang gastusin ng aking pag-aaral sa San Beda College kapag may project, field trip, mga librong bibilihin at iba pa. Nangungutang siya sa boss niyang Chinese.

Hindi sila nagdadalawang-isip na pahiramin ang aking ina. Madalas nga’y hindi na sila nagpapabayad. Kaya sa apat na taon kong pag-aaral sa kolehiyo, iskolar din ako ng mababait na among Chinese ng aking ina sa isang garment factory sa Caloocan City.

- Advertisement -

Totoo ring may ilang nagmamay-ari ng kompanya na isinasaalang-alang ang pamilya ng kanilang mga manggagawa. Malaki ang pasasalamat ko sa full scholarship ng William Lines, Inc. na pagmamay-ari noon ni William Chiongbian at sa tulong pinansyal nina Mrs. at Mr. Ong ng garment factory. Hindi ko maaabot ang kalagayan ko ngayon kung hindi dahil sa kanila at sa aking ina at amang nangarap na alisin kami sa kahirapan.

Sa ngayong kalakaran ng endo, papaano maabot ng mahihirap na manggagawa ang lumaya sa kahirapan? Lagi silang nasa pangamba na baka kapag natapos na ang kontrata, wala nang renewal mula sa employment agency. Paano maipagpapatuloy ang pag-aaral ng mga batang nais ding lumaya sa kahirapan? Ang iba’y nauuwi na ring maghanapbuhay kahit bata pa dahil kailangang mabuhay at hindi na umasa sa mga magulang nila.

Napanood ko kagabi ang play ng PETA, ang Endo na dinirehe ni Melvin Lee at play adaptation ni Liza Magtoto mula sa orihinal nitong pelikulang Cinemalaya na dinirehe ni Jade Francis Franco. Sa teatro, mararamdaman mo ang samutsaring diskarte at survival skills ng mga manggagawa upang mabuhay at tugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Si Tanya (Rissey Reyes-Robinson) na tapos ng nursing ay nasabak sa iba’t ibang trabaho. Si Leo (Esteban Mara) naman ay di nakatapos ng pag-aaral at napasabak din sa maraming trabaho tulad ng pagiging rider, sales clerk, delivery man, masahista. Si Candy (Iana Bernardez), na dating kasintahan ni Leo, ay naging vlogger at social media influencer.

Umiikot ang tagpo sa iba’t ibang mukha ng kanilang trabaho at kawalan ng trabaho. Pinakasentro ang krisis ng mga karakter tungkol sa kanilang mga pangarap at ang pagkabuhol-buhol ng kanilang tunggalian sa pag-ibig at pagpili. Ang play ay microcosm ng nangyayaring pakikipagsapalaran ng mga endo. Hindi nito inugat kung bakit may endo. Hindi nito ibinukas kung paano ito wawakasan. Subalit sa huli ay may pagbitaw si Leo. Simbolikal ang pagbitaw nilang mga endo. Nais niyang lumaya. Nais nilang lumaya.  Lumaya sa pagkakaalipin sa kahirapan at sa pang-araw-araw na sistema ng kawalang-pag-asa sa Pilipinas ang naiwang makahulugang mensahe sa isip ko.

Paano kaya kung ang mga manggagawa’y bumitaw lahat? Sabi nga ni Karl Marx: Mga manggagawa sa buong mundo, magkaisa! Walang mawawala sa inyo kundi ang inyong tanikala!

Paano kung sa isang araw, tumigil ang lahat sa pagtatrabaho? Hindi dahil holiday dahil sa Mayo Uno. O isang linggong pagbitaw? O sa isang taon? O habambuhay? Ito marahil ang “great disruption” sa lipunan.

- Advertisement -

Sana dumating ang panahon na ang lahat ng manggagawa’y mangangarap hindi lamang para mabuhay kundi para mabuhay nang masagana at maginhawa sa loob ng bansa. Sa ating pamahalaan at mga negosyante, wakasan na ang kontraktuwalisasyon ng manggagawa! Matagal nang nakabinbin sa Kongreso ang batas para mangyari ito. Sa simula’t simula, bago sila naging mga manggagawa, lahat sila’y mga tao na may mga pangarap at kabutihang hangad sa ating lipunan. Magkaroon tayo ng malasakit sa kanila. Lahat sila’y mga tao. Hindi endo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -