KINILALA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pagsisikap ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa pagpapahusay at episyenteng serbisyo ng pamahalaan, kasabay ng patuloy na pagbaba ng mga pagkaantala sa burukrasya dulot ng mga inisyatiba sa pagpapasimple ng proseso sa pamamagitan ng digitalisasyon at mas mahigpit na pagsunod sa Citizens’ Charter, ayon sa isang opisyal.
Ayon kay Secretary Ernesto Perez, pinuri ng Pangulo ang papel ng ahensya sa pagresolba ng mga reklamo at sa pagpapabilis ng mga proseso sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, kung saan naitala ang malaking pagbaba ng mga kaso ng red tape.
Idinagdag ni Perez na karamihan sa mga reklamo ay agad na naaksyunan kapag naipasa na sa kaukulang ahensya.
“Malaki ang ibinaba, at mismong si Pangulong Ferdinand Marcos, sa kanyang mensahe sa ARTA sa ating accomplishment report, kinilala ang malaking papel na ginagampanan ng ARTA sa pagpapabuti ng episyensya ng serbisyo,” ani Perez sa isang press briefing sa Malacañang. “Ang mga kasong isinampa sa amin, mahigit 90 porsyento ay nareresolba.”
Ayon pa sa pinuno ng ARTA, ang Land Transportation Office (LTO) ang kasalukuyang may pinakamaraming reklamo, habang ang Food and Drug Administration (FDA) ay nagpakita ng pagbuti, mula sa pagiging nangunguna ay bumaba na sa ikatlong puwesto.
Ipinaliwanag ni Perez na ang mataas na bilang ng reklamo ay kadalasang kaugnay ng dami ng transaksyong hinahawakan ng mga ahensyang ito, at hindi lamang indikasyon ng kakulangan sa sistema.
Binigyang-diin niya na ang digitalisasyon at pagpapasimple ng mga proseso ay nagpadali sa pag-access ng publiko sa mga serbisyo ng pamahalaan, na sinusuportahan ng regular na inspeksyon at mahigpit na pagsunod sa mga rekisito ng Citizens’ Charter.
“Ang ginagawa natin sa pamamagitan ng digitalization at streamlined processes ay para mas mapadali ang pagkuha ng serbisyo ng gobyerno, kasama ang regular na orientation, briefing, at on-the-spot at regular inspections upang matiyak na sumusunod ang mga ahensya sa batas, lalo na sa mga rekisito ng citizen charter,” ani Perez.
Sinabi rin ng ARTA chief na nagpahayag ng positibong pananaw ang mga dayuhang mamumuhunan at mga embahador sa mga reporma sa ilalim ng administrasyong Marcos, partikular sa pagsisikap na pasimplehin ang mga proseso at palakasin ang transparency.
Kabilang sa mga bagong inisyatiba ang pagbuo ng “Tala,” isang artificial intelligence system na layong magbigay ng real-time na impormasyon hinggil sa mga serbisyo at proyekto ng gobyerno sa pamamagitan ng isang integrated public portal.
Ayon kay Perez, ang mga karaniwang isyu ng mga dayuhang mamumuhunan, lalo na sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ay tinutugunan na sa pamamagitan ng mas mahigpit na koordinasyon at mas maagap na pamumuno.
Upang lalo pang mapabuti ang pagnenegosyo, itinutulak ng ARTA ang ganap na pagpapatupad ng electronic business one-stop shops sa lahat ng local government units at ang paglulunsad ng central business portal upang mapabilis ang pagkuha ng permits at lisensya.
Ayon kay Perez, ang mga repormang ito, kasama ang mga susunod pang inisyatiba tulad ng business registry forum, ay naglalayong makahikayat ng mas maraming pamumuhunan, makalikha ng trabaho, at mapanatili ang paglago ng ekonomiya. | PND



