29.5 C
Manila
Huwebes, Hulyo 2, 2026

Pumapasok na ba sa panahon ng stagflation ang ekonomiya ng Pilipinas?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG isang linggo ay inilabas ng Philippines Statistics Authority (PSA) ang pahayag tungkol sa performance ng ekonomiya ng Pilipinas sa unang kwarter (Q1) ng 2026. Ayon sa nilalaman ng pahayag, tumatamlay ang lagay ng ating ekonomiya dahil lumaki lamang ang GDP noong Q1 ng 2026 sa bilis na 2.8% na mas mababa 5.4% na naitala sa parehong panahon noong 2025. Mababa rin ito sa 3% na paglaki noong Q4 ng 2025. Ang naitalang paglaki ng GDP noong Q1 2026 ay ang pinakamababang paglaki na naitala mula pa noong Q1 2021.

Tulad nang natalakay natin sa mga nakaraang kolum ang paglaki ng isang ekonomiya ay masusuri sa pananaw ng pangkalahatang suplay at pangkalahatang demand. Sa pananaw ng pangkalahatang suplay, sa antas ng produksiyon o dagdag na halaga ng mga industriya, ang sektor ng mga serbisyo ay nagtala lamang ng positibong paglaki na 4.5 porsiyento. Kahit na ang sektor ay lumaki, ang naitalang porsiyentong paglaki ay higit na mababa sa matataas na porsiyento ng paglaki sa mga nakaraaang kwarter at taon. Samantala, ang kontribusyon ng sektor ng agricultura ay lumiit ng 0.2% kung ihahambing sa parehong panahon noong 2025. Lumiit din nang halos 0.1% ang ambag ng sektor ng mga industriya. Ang pangunahing sektor na nagpalaki ng ekonomiya ay kalakalan (4.6%), mga serbisyong pananalapi (3.4%) at ang pampublikong pamamahala (8.6%).

Samantala, sa pangkalahatang demand, ang pagkonsumo ay tumaas lamang ng 3%, habang ang gugulin ng pamahalaan ay nagtala ng 4.8% na paglaki at ang eksports ay lumaki ng 7.8 porsiyento. Kahit positibo ang paglaki ng tatlong pangunahing demand ang pangangapital ay bumaba ng 3.3 porsiyento. Kung napakabilis ng paglaki ng ating eksports dapat matagpan na nito ang pagbagsak ng ating pangangapital. Kahit napakataas ng paglaki ng ating eksport mabilis ding tumaas ang ating imports na naitala sa 6.1% na nagpapababa sa netong eksports sa 1.7% na lamang. Ang netong eksports ang isinanasama natin sa pagsukat ng GDP at hindi lamang ang eksport. Ang pagbagal ng paglaki ng ating ekonomiya ay pinalala ng pagtaas ng presyo krudong langis bunga ng krisis as Gitnang Silangan, pagpasok ng El Niño at depresasyon ng PH piso bunga ng lumalakas na US dolyar. Ang kombinasyon ng tatlong ito ay nagpataas sa inflation rate na umabot sa  7.2% noong Abril.

Sa ganitong takbo ng ekonomiya ako’y nangangamba na pumapasok ang ekonomiya ng Pilipinas sa stagflation. Ang stagflation ay isang sitwasyong nakararanas ang ekonomiya ng sabayang pagbagal ng paglaki o stagnation at ang mabilis na pagtaas ng mga presyo o inflation. Sa pananaw ng pangkalaahatang demand at pangkalahatang suplay dapat hindi ito mangyari dahil ang stagnation ay lumalabas lamang kapag may kakulangan sa pangkalahatang demand kung ihahambing sa pangkalahatang suplay na nauuwi sa desempleyo at mabagal na pagalaki ng ekonomiya. Samantala, ang inflation ay nangyayari kapag lumalabis ang pangkahatang demand relatibo sa pangkalahatang suplay bunga ng paglaki ng ekonomiya kaya’t nagtataasan ng presyo ng mga produkto at hilaw na sangkap.

Ngunit bakit nararanasan ang stagflation ng mga ekonomiya sa kasalukuyan? Ang dahilan ay ang sanhi ng inflation. Sa kasalukuyan at noong 1970 nang unang maobserbahan ang stagflation, ang inflation ay bunga ng pagtaas ng gastos sa produksyon sa halip na labis na pangkalahatang demand. Tumaas ang gastos sa produksiyon bunga ng pagbulusok ng presyo ng krudong langis resulta ng krisis sa Gitnang Silangan na nagpataas sa presyo ng lahat ng mga produkto at serbisyo kasama na ang mga sangkap sa produksiyon. Ang epekto ng pagtaas ng gastos sa produksiyon ay paliitin ang antas ng produksiyon.  Kaya’t nakararanas tayo ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin na nauuwi sa pagbaba ng produksiyon na tinatapatan ng pagbaba ng demand.


Samantala sa pananaw ng mga ekonomistang Keynesian, ang inflation ay nangyayari dahil sa paglaki ng ekonomiya. Sa paglaki ng ekonomiya, mangangailangan ang mga negosyo ng mga produktibo at hilaw na sangkap. Ang presyo ng mga ito ay magtataasan bunga ng limitadong suplay. Kaya’t, lumalaki ang ekonomiya ngunit may kaakibat na inflation.

Samakatuwid, sa pananaw ng pangkalahatang suplay at pangkalahatang demand, ang inflation ay bunga o resulta ng paglaki ng ekonomiya samantala, sa stagflation, ang inflation ay ang sanhi o nauuna ng pagbaba ng produksiyon.

Sa ganitong sitwasyon, ang patakarang pananalaping nagpapaliit sa suplay ng salapi upang kontrolin ang pagtaas ng presyo ay lalong magpalala sa matamlay na lagay ng ekonomiya. Ang mataas na interest rate ay lalong magpapataas sa gastos sa produksiyon.

Ang susi sa pagtugon sa stagflation ay ang ugat ng inflation na maituturo sa krisis sa Gitnang Silangan. Ang problema at solusyon dito ay wala sa larangan ng ekonomiks ngunit sa larangan ng politika at diplomasya. Wakasan ang digmaan sa Gitnang Silangan, buksan ang Strait of Hormuz at ibalik sa operasyon ang mga nasirang planta ng langis upang dumaloy ang langis sa mga ekonomiya sa buong mundo, bumaba ang presyo at tumaas ang produksiyon at demand.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -