32.6 C
Manila
Huwebes, Hulyo 2, 2026

PBBM, pinaiimbestigahan sa PNP at NBI ang insidente ng pamamaril sa Senado

- Advertisement -
- Advertisement -

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay ng insidenteng naganap sa Senado kung saan nagkaroon ng kaguluhan at putukan habang umano’y palabas ng gusali si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na pinaghahanap ng International Criminal Court (ICC).

Inilabas na ng ICC ang arrest order laban kay Senador dela Rosa kaugnay ng mga kasong may koneksiyon sa isinampang kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte

Sa press briefing sa Malacañang nitong Huwebes, ibinahagi nina NBI Director Melvin Matibag at PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang detalye ng insidenteng naganap noong  Miyerkules, Mayo 13, 2026, ng gabi sa Senado.

“Opo, meron po kaming pagpupulong kaugnay ng nangyari kahapon,” ani Matibag nang tanungin kung nagkaroon ng pulong kasama si Pangulong Marcos matapos ang insidente.

“Opo, meron po, siguraduhin ang imbestigasyon ay makatotohanan at parehas at lumabas kung sino talaga ang may mga pananagutan at siguraduhin tawagin at pananagutin yung mga tao may dapat panagutan sa pangyayari pong ito,”

Sinabi rin ni Matibag na mananawagan sila ng inter-agency coordination sa pagitan ng Department of Justice (DOJ) para linawin ang iba pang hakbang na gagawin patungkol kay Dela Rosa.

Habang inihayag naman ni Nartatez na magsasagawa rin sila ng sariling imbestigasyon sa sinasabing paglabas ni Dela Rosa sa Senado habang ito’y nasa kustodiya ng mga senador.

“So, ito po iyong ating iimbestigahan lalung-lalo na iyong nangyari na nangyari kagabi, early morning last night. Kaya nakikipagkoordinasyon kami at aalamin namin ang ugat ng kasong ito at kung sino-sino ang sangkot na personalidad na dapat panagutin o dapat imbestigahan, hindi lang para sa NBI, kundi mga personalidad at mga security personnel sa gusali ng GSIS at gusali nito na binabantayan ng mga Senate security sa pangunguna ng sergeant-at-arms,” diin ni Nartatez.

Batay sa paunang imbestigasyon ng NBI at PNP, dumaan umano si dela Rosa sa isang access area mula sa gusali ng Senado patungo sa Government Service Insurance System (GSIS) building sa Pasay City bago tuluyang makaalis sa lugar upang maiwasang maharang ng mga awtoridad.

Sinabi rin ni Matibag na humiling na ang NBI at PNP sa Senado ng kopya ng CCTV footage sa loob ng gusali upang makatulong sa kanilang imbestigasyon.

Iipunin din ng NBI at PNP ang iba pang mga ebidensya na gaya ng baril na ginamit sa pamamaril sa loob ng Senado, mga basyo ng bala, mga testimonya ng mga nakasaksi na makatutulong sa imbestigasyon nila sa insidente. |PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -