29.7 C
Manila
Linggo, Hulyo 5, 2026

Bato-bato sa langit, ang tamaan huwag magalit

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

SAAN mo titimbangin ang ginawa ni Senador Ronald “Bato” de la Rosa?

Ilan buwan siyang nagtago – huwag nang pag-usapan pa muna kung anuman ang dahilan – pagkatapos biglang lumitaw, bumoto kay Senador Allan Peter Cayetano bilang Senate President – kung kaya nagawang agawin ni Cayetano ang pamunuan sa Senado – at makaraang bumoto ay muling naglahong parang bula.

Matay kong hanapan ng iligalidad ang kanyang ginawa, o kahit paglabag man lamang sa anumang patakaran ng Senado, wala akong mahagilap.

Kahit gaano pa siya katagal na nawala, kung sa oras ng botohan ng Senado ay naroroon ang kanyang presensya, ang kanyang boto ay ligal – at mananatiling ligal, kahit mag-abrakadabra man siyang muli pagkatapos ng botohan at magpakatiwala.

Si Bato pa rin siya.


Senador pa rin siya.

Nagtatamasa ng lahat ng pribilehiyo ng isang senador na pwede niyang sangkalanin sa kanyang mga personal na interes.

Suweldo?

Nasa rekord, buwanang tinatanggap iyon ng kanyang opisina.

- Advertisement -

Na para na ring sa araw-araw na may pasok ay nagrereport siya sa trabaho.

Immunity sa aresto habang nasa sesyon siya ng Senado?

Malaya siyang nakadalo sa sesyon ng Senado para sa botohan ng pangulo ng Senado.

At malaya siyang nakapagpatiwala makaraang bumoto.

Sa kabila ng di-birong kaguluhang sumaksi pa sa palitan ng putok ng mga elementong ang  pagkakilanlan ay iniimbistigahan pa ng mga awtoridad, ni katiting na isyung manggugulo ay walang naiharap laban sa kanyang pagkatao.

Siya pa rin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, opisyal ng pamahalaang nararapat bigyan ng lahat na karampatang pitagan.

- Advertisement -

Kung bakit sa halip na makipagharapan nang maginoohan bilang tinitingalang mambabatas, tila mas nanaisin pa niyang matawag na puganteng kriminal.

Sa lahat ng aspeto, kay Bato, personal na interes pa rin ang malinaw na nakapangingibabaw.

Alalahanin yung unang nakasalang nang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte. Nakadamit na ng mga hukom ang mga senador at isang pukpok na lamang ng gavel ni Senate President Chiz Escudero, magsisimula na ang paglilitis. Nang biglang nagharap ng resolusyon si Bato na ibalik ang Articles of Impeachment sa Kamara de Representantes upang linawin ang ilang katanungan kuno.  Dahil sa resolusyon, naudlot ang paglilitis, hanggang sa makialam na ang Korte Suprema at ideklarang unconstitutional ang Articles of Impeachment.

Mangyari pa, litaw na litaw na tagakanlong si Bato ng mga Duterte.

Malaking kamalasan nga lang na sa pagpatiuna ni Bato sa interes ng sinasampalatayaanang mga Duterte, ang nasasakripisyo ay ang pambansang interes.

Hindi ba natin napupuna?

Sa pamamagitan ng pagsangkalan sa ligalidad, ang totoong napeperhuwisyo ay hustisya.

Ang malawak na kahilingan ng sambayanan na magpatuloy ang impeachment trial ni Sara upang mapalitaw ang katotohanan – hindi na ang maparusahan ang bise presidente, dahil maliwanag na sa bilangan ng pwersa, malamang na maabswelto siya.

Pero yun man lang na mabunyag kung ano ang totoo, pinigilan pa rin ni Bato.

Nasaan diyan ang hustisya?

Sa kaguluhang nangyayari ngayon sa Senado, lahat ay maiiugnay sa mala-salamangkang  pagsulpot ni Bato. Subalit ni katiting man lang ba na reklamo ay may naiharap na kay Bato?

Wala ni anuman.

Bakit?

Wala nga siyang nilabag na batas.

Paano mo hahatulan ng parusa ang isang taong walang nilalabag na batas?

Oo nga naman.

Sa katunayan ito ang problemang kinaharap ng abogado ng mga Nazi na nilitis sa salang war crimes noong WWII. Nang sa harap ng di-masawatang mga ebidensyang ligal ay wala nang pagtatanggol pang magawa ang abogado, tiim-bagang niyang ipinahayag: “Hindi lahat ng ligal ay totoo!”

Sa partikular na kaso ni Bato, mas aalalahanin ko ang sagradong sumpa ng mga kadet ng Philippine Military Academy (PMA) na siya niyang pinag-tapusan: “We, the cadets do not lie, cheat, steal, nor tolerate among us those who do (Kami, na mga kadete, ay hindi nagsisinungaling, nandaraya, nagnanakaw, ni kumukunsinti sa sinuman sa aming hanay na gumagawa ng mga iyon).

Kung sa bagay, hindi na nga kadete si Bato.

Senador na siya.

Sabi nga noon ng namayapang Senador Miriam Defensor Santiago, “Bobong senador ka kung hindi ka kumikita ng isang milyon isang araw.”

Matalinong senador si Bato, ‘no.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -