MAS pinaigting ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagsusulong ng pamumuhunan matapos saksihan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Trade Secretary Ma. Cristina Roque ang paglagda sa tatlong memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng mga kumpanyang Pilipino at Hapones nitong Mayo 27.
Layunin ng mga kasunduan na palakasin ang smart cities, digital connectivity, at financial technology sa bansa.
Isa sa mga kasunduan ay nilagdaan ng Ayala Corp., Globe Telecom, Mitsubishi Corp., at KDDI Corp. para pag-aralan ang pagpapatupad ng “Intelligent City” initiatives sa Makati City na maaari ring palawakin sa iba pang lungsod sa Pilipinas.
Gagamit ang proyekto ng artificial intelligence (AI), Internet of Things (IoT), urban data integration platforms, at advanced telecommunications solutions upang mapahusay ang transportasyon, retail at commercial services, energy management, at digital city services.
Nilagdaan din ng Ayala Corp., Mynt, at Mitsubishi Corp. ang isang kasunduan para sa pagbuo ng “Smart Life” digital services na magpapadali sa araw-araw na transaksyon ng mga Pilipino.
Saklaw ng partnership ang rewards programs, ticketing services, online payment platforms, at digital marketing solutions. Inaasahang makakalikha ito ng humigit-kumulang PhP7 bilyong kita.
Samantala, nilagdaan naman ng Ayala Corp., Mitsubishi UFJ Financial Group (MUFG), Mitsubishi Corp., at Mynt ang isa pang kasunduan upang palawakin pa ang serbisyo ng GCash sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
Nauna nang nag-invest ang Mitsubishi at MUFG ng US$700 milyon sa GCash bilang patunay ng kanilang tiwala at suporta sa digital economy ng bansa.
Layunin ng partnership na mapahusay ang digital payment systems, lending services, investment products, at online security habang mas pinalalawak ang paggamit ng GCash sa retail, real estate, energy, mobility, at digital services.
Ayon kay Secretary Roque, ipinapakita ng mga partnership ang matibay na tiwala ng mga investor sa Pilipinas at kahandaan ng bansa sa pagsusulong ng digital innovation at modernong imprastraktura.
“We welcome these investments to the Philippines because they will bring meaningful benefits to Filipinos—from smarter and more connected communities to safer and more accessible digital financial services. These partnerships will make everyday transactions faster and more convenient while creating more opportunities for Filipino consumers, businesses, and workers,” ani Roque.
(“Tinatanggap natin ang mga pamumuhunang ito dahil magdadala ang mga ito ng malaking benepisyo sa mga Pilipino—mula sa mas konektadong komunidad hanggang sa mas ligtas at mas madaling digital financial services. Magpapabilis at magpapadali rin ang mga partnership na ito ng pang-araw-araw na transaksyon habang lumilikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.”)
Patuloy namang hihikayatin ng DTI ang mga pamumuhunang lilikha ng trabaho, magpapalawak ng digital opportunities, at susuporta sa mas moderno at inklusibong ekonomiya ng Pilipinas. | PND



