Ikalawang bahagi
SA nakaraang kolum, idiniin na intindihin ang dapat na kapatunguhan ng Pilipinas sa linaw ng mga implikasyon ng sigalot sa Taiwan.
Hindi lang dahil sa humigit-kumulang 200,000 Pilipino ang nasa Taiwan, namamasukan sa iba’t-ibang trabaho na nakapag-aambag sa kabang-bayan ng Pilipinas ng taunang halagang $900 milyon.
Higit pa rito, kailangang tiyakin na sa pagsiklab ng digmaan sa Taiwan, ang Pilipinas ay nasa matagumpay na panig ng kasaysayan.
“Di maiiwasan,” pahayag ni Presidente Xi Jinping patungkol sa pagpaging-kaisa ng China ang Taiwan.
Iyon, aniya, ang esensya ng ganap na pagpanibagong-sigla ng sambayanang Chino.
Hindi matatamo ng China ang ganap na kaunlaran hangga’t nananatiling hiwalay ang Taiwan sa “Inangbayan.”
At ang paninindigang ito ni Presidente Xi ay hindi bulaklak ng dila. Ito ay takdang panahon ng pagtatamo: sa sentenaryo ng People’s Republic of China (PRC) sa 2049, napagkaisa na ang Taiwan at China.
Papaanong napagkaisa?
Dalawang paraan lang yan.
Una, negosasyon. Pangalawa, giyera.
Sa una, ang kalabuang mangyari ito ay nakaugat sa matigas na paninindigan ng may hawak sa kapangyarihan na Democratic Progressive Party (DPP) sa Taiwan. Kontra sa One China Policy na mula’t sapul pa ay siya nang pinagpapakamatayan ng China, hindi nga maiiwasan na ang sitwasyon sa Taiwan ay mauwi sa dalawang nag-uumpugang bato.
Ito ang senaryong kinasasangkutan ng mga bansang di makaiwas na masangkot sa gulo. Naglantad na ng kartada ang Japan sa deklarasyon nito na kapag intake ang Taiwan, mapipilitan siyang manghimasok sa paraang militari. At katanggi-tanggi ni Japanese Premier Sanae Takaichi na humingi ng paumanhin sa kanyang pahayag sa bagay na ito. Nitong kagyat na nakaraan, kinakitaan na ng aktibong pakikipagkaisa ang Japan sa Estados Unidos sa mga pandigmang pagsasanay sa rehiyon ng South China Sea.
Ang kamakailan lamang na napabalitang subok-paputok ng kinatatakutang Tomahawk missiles na kawarning-warning ni Russian President Vladimir Putin na huwag ipagamit sa Ukraine ay sandata na pala ng Japan.
Ang buong rehiyong Asean ay nakaangkla ang mga pag-intindi sa kani-kaniyang pambansang alalahanin sa lumalalang sigalot sa Taiwan.
Sa kadahilanan nga na ang away nito sa China ang siyang titis na magpapasiklab sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig.
Kung bakit sa Pilipinas, ang pinagkakaabalahan ay ang bangayan sa pulitika na nakasentro sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte.
Na para bang sa usaping ito nakasalalay ang buhay at kamatayan ng Pilipinas.
Naaalaala ninyo ang panahon kamakailan lamang na nagawa ni Raymond Powell na hatiin ang mga senador sa usapin ng panghihimasok kuno ng China sa katubigan ng Pilipinas? Kulob saan mo tingnan, maging lantarang pro-administrasyon o anti-China, ang maliwanag na likha ng buong Senado ay isulong ang estratehikong layunin ng Amerika na pagalitin ang mga Pilipino sa China.
Pinakamasahol, ang kontrobersya ay muling nagpatampok sa kampo ng mga Duterte bilang pro-China.
E, korap nga ang kampong ito na siyang inilalarawan ng impeachment ni Sara.
Suma tutal, sa persepsyon ng marami, korap ang China.
Tungkulin ng mga tapat na nasyonalista na suriing mabuti ang penomenon na ito: ang di matatawarang dalisay na pakikitungo ng China sa Pilipinas ay naibabalasakan sa kampo ng mga Duterte sukdulang ang mga kademonyuhang Duterte ay ganap na ikulapol din sa China.
Isang-isa lang ang taas-noong pinaninindigan ng kolum na ito sa usapin ni Duterte: anim na taon siyang presidente, sapat-sapat upang pawalang bisa ang mga di-pantay na tratadong militar na nagtatali sa Pilipinas sa pundiyo ng Estados Unidos: ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1998, at ang EDCA ng 2016.
Basahin ninyo ang teksto ng bawat tratadong ito. Lahat nagsasabi na isang liham lang ng Presidente ng Pilipinas na nagsasabing tapusin na ang kasunduan, makaraan ang isang taon, wakas na ang mga tratadong ito.
Sa katunayan, minsan na ngang ginawa ito ni Duterte nang ipahayag niyang suspendido ang VFA bilang ganti sa kanselasyong ginawa ng Amerika sa US Visa ni Ronald Bato de la Rosa. Kung bakit wala pang isang taon, pinawalang bisa ni Duterte ang suspensyon – balik sa dating epektibong operasyon ang VFA.
Ang totoong sakit ng lipunang Pilipino ay ang bulok na sistemang ipinundar ng Amerika upang tuloy-tuloy nitong pagpasasaan ang kolonisasyon sa Pilipinas maging sa panahon ng pagsasarili. Ang pagbabago sa sistemang ito upang tumungo sa tunay na kapakinabangan ng sambayanang Pilipino ang siyang tiyak na maisasakatuparan sa pamamagitan ng wastong pagtugon sa krisis sa Taiwan.
Kilalanin na dahil ang pag-iisa ng Taiwan at China ay hindi mangyayari sa pamamagitan ng pagkakasundo, ang deklarasyon ni Presidente Xi Jinping na “hindi maiiwasan” ang pag-iisang ito ay nangangahulugan lamang na magaganap iyun sa pamamagitan ng digmaan.
At kapag digmaan na ang usapan, walang pasubali na sangkot ang Pilipinas.
Sa katunayan, sa pagsabog pa lamang ng unang putok, ang tatamaan na sa printera ay ang Pilipinas dahil nga sa mga base militar ng Amerika na naririto.
Ngayon, kung ang pag-iisa ng China at Taiwan ay hindi na kakain pa ng panahong lampas sa tatlong dekada, ang pagsabog ng digmaang magbubunga ng ganung pag-iisa ay mas maaga pa sa 2049.
Ibig sabihin, ngayon pa lang ay dapat na itong pinaghahandaan.
Na siya na ngang nangyayari.
Bilyong dolyares na halaga ng armas ang pinagpipilitang pag-usapan ngayon ng Taiwan at Amerika.
Na katutultutulan naman ng China. Ito nga ang layon sana ng kararaan na pagbisita ni US President Donald Trump sa Beijing: pakiusapan si Presidente Xi Jinping na payagan ang kasundaan sa pagbenta ng US ng armas sa Taiwan; ang laking bagay noon bilang panustos sa kosta ng pakikipagdigma nito sa Iran.
Na bigong-bigo. Umuwi si Trump mula sa pagbisita nang luhaan.
Dito na pumapasok ang panukala ng nakaraang kolum na ipokus ng Pilipinas sa Taiwan ang pag-intindi sa mga alalahanin ng bansa.
Unawain na sa ayaw natin at sa gusto, sangkot ang Pilipinas sa gusot sa Taiwan.
Siyam na sityong EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) ang kanlong ngayon ng Pilipinas. Bagama’t tinaguriang mga sityo, ang mga iyun ay sa totoo lang mga base militar ng Amerika na nasa loob mismo ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Dating lima lamang, ang mga sityong EDCA ay nadagdagan ng apat pa pag-upong pag-upo ni Presidente Marcos Jr.
Ibig lang nitong sabihin, sa di-mapigil na paglala – na inamin naman ni Presidente Xi Jinping na sadyang pinalalala nga ng Amerika – ng sitwasyon sa Taiwan, higit pa na nalulong ang Pilipinas sa agresyon ng Estados Unidos sa China.
Batay sa mga huling balita, nakatanim na sa mga sityong EDCA ang Typhon medium range missile launch system na kayang magpalipad ng war heads sa Mainland China.
Ang laking pang-ilang sa publiko na bilang pantapat sa “korapsyon” ni Bongbong ay ang wakas sa katiwalian na pangako ng kampo ng mga Duterte.
Hindi ang paglutas sa korapsyon ang “pangunahing kawing” sa kadena ng mga proseso na kinakaharap ngayon ng Pilipinas.
Bagkus kung papaanong hahawakan ang krisis sa Taiwan.
Isang-isang bagay lang ang hinihinging gawin ni Presidente Marcos Jr.: lumiham sa Presidente ng Amerika na winawakasan na niya ang MDT, VFA at EDCA, at makaraan ang isang taon, awtomatikong tapos na ang mga nasabing tratado. Sumabog man ang giyera sa Taiwan, wala na sa Pilipinas ang mga base militar ng America na magsasangkot sa Pilipinas sa gulo.
Ang gusot ay tiyak na pagpapasyahan ng labanan sa karagatan.
At sa laràngang iyun, handang-handa na ang China.
May dalawang taon pang nalalabi sa termino ni Presidente Marcos Jr. Gawin niya ang sulat ngayon. May sapat pang panahon upang umandar ang mekanismo ng pagpapawalang bisa sa pinagtatalunang mga tratado.
Mawala man siya sa eksena, naiwan naman niya ang pinakadakilang pamana na alisin ang Pilipinas sa daan ng pamumuksa’t pinsala.



