MAGANDA ang intensyon ng isang nag-aalalang mamamayan nang maghain siya ng petisyon sa Korte Suprema na pakialaman ang nangyayaring gusot sa Senado. Kung aaksyunan nang may pagmamadali, ang petisyon ay lulutas sa gulo upang ang nakaambang paglilitis sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte ay matuloy na sa wakas.
Nakasalang nang dinggin ang impeachment noong nakaraang taon kung hindi dahil sa mosyon ni Senador Ronald “Bato” de la Rosa na ibasura ang Articles of Impeachment laban kay Sara dahil sa paglabag sa one-year bar rule. Sinasabi ng rule, bawal sampahan ang isang impeachable opisyal ng dalawang reklamong impeachment sa loob ng isang taon. Ang mosyon ay sinegundahan ni Senador Alan Peter Cayetano na may amyenda: na ibalik ang Articles of Impeachment sa Mababang Kapulungan upang pasertipikahan na ito ay hindi lumalabag sa one-year bar rule at na ito ay maaaring dinggin ng Ika-20 Kongreso.
Subalit bago pa man makaaksyon ang Mababang Kapulungan sa pagbabalik ng Articles of Impeachment, pinagbigyan na ng Korte Suprema ang petisyon ni Bise Presidente Sara na ideklarang unconstitutional ang Articles of Impeachment laban sa kanya dahil nga sa paglabag sa one-year bar rule.
Sa basbas ng kautusang iyon ng Kataastaasang Trubunal, inarchive ng Impeachment Trial Court ng Senado ang Articles of Impeachment laban kay Sara.
At sa ganon naunsiyami ang sambayanan sa kanilang pag-asa na madinig ang katotohanan sa bintang na mga pandarambong ni Bise Presidente Sara sa kaban ng bayan.
Magkaganon man, handa pa rin sila na tiis na muna. Hintay uli na lumipas ang isang taon. Kung ganyan ang hinihingi ng batas, sumunod.
At nito ngang Pebrero 2026, isa muling impeachment complaint ang inihain sa Mababang Kapulungan, pag-ulit pa rin sa mga reklamong naiharap na noong nakaraang taon. Sa pagkakataong ito, tiniyak ng House Justice Committee na nasa ayos ang lahat ng detalye.
Itinransmit ang Articles of Impeachment sa Senado, bilang pagsunod sa naaayong patakaran ay itinakdang dinggin ito simula Hulyo 6, 2026.
Mapapansin na ang mayoryà ng Senado na magdidinig sa kaso ay siyang-siyang mga Senador na nag-archive dito noong nakaraang taon, partikular si Senador Alan Peter Cayetano, ngayon ay Senate President na. (Si Senador Bato ay nagtatago dahil sa pag-iwas na maaresto ng International Criminal Court).
Mas matatag na mayorya na pabor kay Sara ang nakaluklok sa Senàdo ng panahong iyon.
Subalit mas handa ang House Prosecution Panel na idiin ang Bise Presidente sa mga paratang sa kanya ng katiwalian, kabilang ang mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng mga papasok at palabas na mga transaksyon na bilyun-bilyong piso ang halaga.
Maliwanag din ang mga video na patunay sa pakikipagkutsabahan ng Bise Presidente sa isang assassin upang iligpit sina Presidente Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
Maraming iba pang patunay ng mga karahasan at pandarambong ng pondo ng bayan na tiyak na magdidiin sa Bise Presidente upang sa impeachment trial ng Senado ay mahusgahan na nagkasala.
Nang di kaginsa-ginsa’y nag-boykot ang Mayorya ng Senado, sa pangunguna mismo ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Walang litaw na anumang dahilan kung bakit ginawa ang boykot.
Basta ang buong mayorya ng Senado ay hindi na dumalo sa sesyon.
Kung kaya noong Hunyo 3, 2026, ang mga senador na naturingang minorya ay nagpasya nang magdeklara ng korum, ipinahayag na bakante ang mga puwesto ng pamumuno sa mga Komite at inihalal si Senador Win Gatchalian na Acting President.
Tinutulan ng kampo ni Cayetano ang mga kapasyahang ito.
Iginiit ni Cayetano na siya pa rin ang Senate President.
At ito ang kontrobersiyang hiningi ng concerned citizen sa Korte Suprema na pakialaman.
Laking taka ng bayan, tumanggi ang Mataas na Tribunal na manghimasok sa gulo. Katwiran nito, ang hidwaan ng magkabilang kampo ay pulikal at hindi maaaring pakialaman ng Hudikatura. Alinsunod ito sa prinsipyo ng checks and balances ng tatlong sangay ng pamahalaan, ang Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura.
Kaya, magkagulo na kung magkagulo, Lehislatibo iyan, distansya diyan ang Hudikatura.
Kung tutuusin, sa desisyon na huwag makialam, ang pinababayaan ng Korte Suprema ay ang tuloy-tuloy na kaguluhan sa Senado – na pabor na pabor kay Sara.
Sabi ko nga sa isang kolum, sobrang taas, sobrang lalim ng Korte Suprema kung mangatwiran na kung kaya hirap arukin ito ng mga payak na nilalang.
Sa aking kapayakan, ang tanging nakita kong kalagayan ng walang kaabug-abog na di pagsipot ng bloke ni Cayetano sa session ng Senado ay ito: nalalapit na ang pagsisimula ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte. Batay sa mga ebidensyang inihanda ng prosekusyon, wala na siyang lusot ngayon.
Ang tanging paraan na lamang upang makaiwas dito ay magkagulo, pahabain nang pahabain ang gusot upang maisantabi na muna ang impeachment trial.
Oo nga, sinasabi ng Konstitusyon na oras na ang Articles of Impeachment ay naiparating na sa Senado, ang paglilitis ay dapat na sumunod agad.
Sumunod agad naman, kaya nga nakaiskedyul na sa Hulyo 6.
Subalit ganyan ngang nagkakagulo ang mga senador, papaano magagawa ang paglilitis?
Unang-una, sinasabi ng Konstitusyon, ang Punong Hukom ng Impeachment Trial Court ay ang Presidente ng Senado.
Sino ang Presidente ng Senado ngayon?
Wala.
Ipinipilit ni Cayetano siya pa rin.
Sabi ng kampo ni Gatchalian hindi na.
Sa sesyon noong Miyerkules, idineklarang bakante ang lahat ng puwesto ng pamunuan; si Senador Gatchalian ay Acting Presiding Officer lamang.
Hindi “Acting” kundi “Senate President” ang probisyon ng Konstitusyon na “Presiding Officer” ng Impeachment Trial Court.
Ngayon, saan papunta ang pasya ni Senador Gatchalian na tuloy ang impeachment trial ayon sa isjedyul?
Sabi nga sa English, “good faith” ang pasiya ni Senador Gatchalian na pamunuan ang impeachment trial. “Good faith” ang kanyang kampo sa pagtuloy-tuloy na ng paglilitis kay Sara. At “good faith” pa rin sa paghatol sa Bise Presidente na nagkasala kung doon humantong ang impeachment trial.
Subalit sa pagkakataong iyun, hindi na pulitikal ang usapin kundi ligal.
May dahilan na ang Korte Suprema upang makialam.
Subalit linawin natin. Hanggang sa kasalukuyan, sa 15 Associate Justice ng Korte Suprema, 13 ay pawang mga appointee ng ama ng Bise Presidente, Rodrigo Rodrigo Roa Duterte.
Sa bisa ng mga iligalidad na sisilipin sa impeachment trial, babaluktutin ang hatol na nagkasala.
Makalilibre na si Sara.
Paano nalusutan ni Sara ang unang impeachment trial?
Sa hatol ng Korte Suprema na iyon ay unconstitutional.
Sa nangyaring kaguluhan sa Senado, nagawa at umandar na ang mga hakbang upang matuloy man ang impeachment trial, libre pa rin uli si Sara.

