32.3 C
Manila
Huwebes, Hulyo 9, 2026

Gatchalian nanawagan para sa mas maigting na paghahanda kontra Bagyong Inday

- Advertisement -
- Advertisement -

Nanawagan si Senate President Win Gatchalian ng mas maigting na paghahanda at pagbabantay sa mga komunidad kontra sa bagyong Inday, habang muling idiniin ang pangangailangan para sa buong pagpapatupad ng Ligtas Pinoy Act upang matiyak ang mas ligtas at mas matatag na mga sistema ng paglikas kapag may sakuna.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng maagang paghahanda at hinimok ang mga lokal na pamahalaan na gawing aktibo ang mga contingency measure, mag-preposition ng mga relief goods, at tiyakin ang kahandaan ng mga evacuation center.

“Mahalagang paigtingin natin ang ating paghahanda at tiyakin ang kaligtasan ng bawat pamilya. Dapat maging maagap ang ating pagkilos upang maiwasan ang mas malaking pinsala,” sabi ni Gatchalian.

Binigyang-diin niya na bukod sa kagyat na pagtugon, dapat ding gawing institusyonal ng bansa ang mga pangmatagalang solusyon sa pamamagitan ng Ligtas Pinoy Act, na nag-aatas sa pagtatayo ng mga nakalaang evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad.

“Sa tuwing may sakuna paulit-ulit na suliranin ng mga apektadong pamilya ang paghahanap ng ligtas na matutuluyan dahil nasisira ang kanilang mga tahanan,” dagdag niya. Dagdag niya, P3.745 bilyon ang inilaan sa ilalim ng 2026 national budget para sa pagpapatayo ng mga evacuation center.


Sa ilalim ng Ligtas Pinoy Act, kung saan isa si Gatchalian sa mga may-akda, ang mga evacuation center ay dapat itayo nang may kakayahan kontra sa lakas ng hangin ng bagyo na aabot sa 300 kilometro bawat oras.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -