IGINIIT ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules na iba ang impeachment ng bise presidente kumpara sa impeachment ng presidente. Ayon sa kanya, pwedeng panagutin ang bise presidente nang hindi nagdudulot ng matinding kaguluhan sa pulitika at sa bansa.
“Kapag presidente ang pinag-uusapan… every single day he or she stays na hindi natatanggal, that’s damage to the country,” sabi ni Cayetano sa mga reporter nitong Hunyo 3.
Aniya, mas mabigat ang proseso ng pagtanggal sa presidente dahil posibleng magdulot ito ng kaguluhan sa bansa.
Samantala, mas magaan naman ang impeachment ng bise presidente kaya’s maaari itong gawin nang hindi naaantala ang kalagayan ng bansa.
“Kasi ang vice president, pwede mong kasuhan sa piskalya. Pwede mong kasuhan sa Ombudsman. So there are other ways to hold them accountable na walang pulitika,” wika ni Cayetano.
Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, parehong pwedeng i-impeach ang presidente at bise presidente dahil sa mga mabibigat na kasalanan tulad ng paglabag sa public trust, graft, at iba pang malalaking krimen.
Ayon naman sa Department of Justice, habang impeachable ang bise presidente, “not immune from suit” siya at ang president lang ang “immune from suit.”
Ipinaalala rin ni Cayetano na may tungkulin ang Senado na hindi pwedeng balewalain ang impeachment ni Vice President Sara Duterte.
“Walang choice ang Senado. We have to carry out our constitutional duty. Hindi mo pwedeng pagbotohan kung ano’ng dapat gawin sa Constitution. Nakalagay sa Constitution, malinaw e. May trial,” sabi ni Cayetano.
Inamin din ng senador na hati na ang opinyon ng publiko tungkol sa impeachment. Marami na ang may matibay na panig kung dapat bang isailalim sa paglilitis o agad na mapawalang-sala ang bise presidente.
“Makikita niyo sa comments… meron neutral pero marami talaga diyan, gustong makita na trina-try siya. Y’ung iba naman, gustong ma-absuelto kaagad. That’s where the political nature of the impeachment comes in,” sabi niya.
Tinukoy din ni Cayetano ang panahon ng pag-file ng reklamo, na inihain noong umpisa ng campaign season nitong Pebrero at may ilang linggo na lang bago matapos ang 19th Congress.
“It would have been a totally different case if it’s at the start of the term, middle of the term. Pero the reality is finile mo the day na magsastart y’ung campaign… and now we only have two weeks,” wika niya.
Sa kabila ng mga komplikasyon, binigyang diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagiging tapat sa Konstitusyon.
“Kaya may second oath. Hindi kami pwedeng mag comment [beforehand]. Kasi mag-oath kami uli that we’ll be fair,” sabi niya.