29.6 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

Si Teves at ang pagtugis sa kanya, alamin

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Hunyo 11, 2025, naglabas ng limang pahinang kautusan ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51 na nag-uutos sa agarang paglilipat ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. mula sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) patungo sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

Dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. Larawan mula sa The Manila Times

Ang Branch 51 ang humahawak sa mga kasong murder (pagpatay), frustrated murder (hindi natuloy ngunit may nasugatang biktima), at attempted murder (tangkang pagpatay) na isinampa laban kay Teves dahil sa pagpatay umano kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at 10 iba pa noong Marso 4, 2023.

Ayon sa korte, “walang nakikitang sapat na batayan ang Hukuman para panatilihin si Teves sa pasilidad ng NBI.”

Tinanggihan ng korte ang argumento ng kampo ni Teves na mas ligtas siya sa kustodiya ng NBI. Binanggit ng hukom:

“Bagaman maaaring hindi marangya ang mga kulungan sa ating bansa, hindi ito awtomatikong nangangahulugang hindi makatao o mapang-abusong pagtrato sa isang bilanggo, batay lamang sa kanyang sinasabi.”


Dagdag pa ng korte, “walang ipinakitang konkretong banta sa buhay at kaligtasan ni Teves, at walang paliwanag kung paano siya mas mapoprotektahan kung mananatili siya sa NBI.”

Sa huli, sinabi ng hukuman, “Mukhang pinipili lamang ni Teves ang lugar kung saan siya makukulong, para sa sarili niyang kaginhawahan.”

Sino si Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Kilala si Teves bilang isang politiko na may malakas na impluwensya sa kanyang lugar. Ngunit sa kabila ng kanyang posisyon, siya rin ang pangunahing suspek sa isa sa mga pinakamatinding krimen sa Negros Oriental — ang pagpaslang kay dating gobernador Roel Degamo at siyam pang iba noong Marso 4, 2023.

- Advertisement -

Bukod sa kasong pagpatay, si Teves ay nahaharap din sa iba pang mga kaso kabilang ang frustrated murder (pagsubok na pagpatay na hindi nagtagumpay) at attempted murder (pagsubok na pagpatay) kaugnay ng insidente sa Degamo at mga kaso ng pagpatay noong 2019.

Dahil sa kanyang mga kaso, siya ay tinanggal sa House of Representatives noong Agosto 2024 dahil sa hindi pagdalo at pagiging hindi maayos sa kanyang mga tungkulin.

Matapos ang mga pangyayaring ito, nagtangkang magtago si Teves sa ibang bansa. Sa loob ng halos dalawang taon, nanatili siya sa Timor-Leste, isang maliit na bansa sa Timog-Silangang Asya, kung saan humingi siya ng asylum o proteksyon mula sa kanilang gobyerno.

Upang lalong maunawaan ang kasong ito, naririto ang timeline ng mga tampok na pangyayari sa pagkakulong ni Teves.

Timeline ng mga kaganapan

Marso 4, 2023 Nagkaroon ng madugong atake sa Pamplona, Negros Oriental. Pinatay si Governor Roel Degamo sa loob ng kanyang bakuran, kasama ang 10 katao. Marami rin ang nasugatan. Ayon sa Department of Justice, si Arnie Teves ang itinuturong utak.

- Advertisement -

Marso 2023 Umalis si Teves sa bansa at nagtungo sa Dili, Timor-Leste. Humiling siya ng asylum (proteksiyon mula sa ibang bansa), ngunit ito ay tinanggihan. Nanatili siya roon ng halos dalawang taon.

Agosto 2023 Pormal siyang pinatalsik ng Kamara ng mga Kinatawan dahil sa tuloy-tuloy na hindi pagdalo at hindi pagbabalik sa bansa. Ayon sa House of Representatives, ito ay “disorderly behavior”.

Marso 2024 Nagdesisyon ang Court of Appeals ng Timor-Leste na payagan ang extradition (pagsauli ng isang akusado sa kanyang bansa para litisin). Umapela ang kampo ni Teves.

Marso 20, 2025 Ibinasura ang apela ni Teves. Sinabi ng gobyerno ng Timor-Leste na pabor ito sa deportasyon.

Mayo 29, 2025 Na-deport si Teves at dumating sa Pilipinas. Lumapag muna sa Davao City at dumeretso sa Villamor Air Base sa Pasay bandang 11 p.m. mula Timor-Leste. Agad siyang dinala sa NBI para sa booking at medical check-up.

Pahayag ni Pangulong Marcos

Sa isang video statement, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ligtas nang nakabalik si Teves sa Pilipinas. Ayon sa kanya: “Ang dating kinatawan, Rep. Arnie Teves ay nasa Pilipinas na. Alam natin na siya ay may mga kaso ng murder at iba pang krimen na may kinalaman sa pag-atake at pagpatay kay dating gobernador Degamo. Nais din naming ipabatid sa ating mga mamamayan na ang ganitong klaseng kalikuan ay hindi papayagang mapawalang-sala.”

Binanggit din ng pangulo ang malaking tulong mula sa mga lider ng Timor-Leste, tulad nina Pangulong Horta at Punong Ministro Xanana Gusmao, na nagtrabaho upang maiuwi si Teves sa Pilipinas

Arraignment sa korte sa pamamagitan ng videoconference

Noong Hunyo 10, 2025, humarap si Teves sa Manila RTC Branch 51 para sa kanyang arraignment (pormal na pagbasa ng sakdal o paratang). Dahil sa isyu ng seguridad, hindi siya pisikal na dumalo, kundi sa pamamagitan ng videoconferencing. Naroon naman nang personal ang kanyang abogado.

Mga kasong kinakaharap ni Arnie Teves

Samantala, narito ang mga kasong kinakaharap ni Teves: 10 bilang ng murder, 13 bilang ng frustrated murder, apat na bilang ng attempted murder, Iligal na pag-iingat ng armas at pampasabog, at paglabag sa Anti-Terrorism Financing Law

May hiwalay na kaso rin si Teves sa Quezon City RTC Branch 77 para sa umano’y paglabag sa batas ukol sa pondo ng terorismo.

Noong nakaraang linggo, sa arraignment sa Manila RTC Branch 12 para sa kasong armas at pampasabog, tumanggi siyang magsumite ng plea. Kaya ayon sa batas, ang korte ang nagpasok ng “not guilty” plea para sa kanya.

Pahayag ng Abogado: Ferdinand Topacio

Pagdating ni Teves sa Villamor Air Base, ipinahayag ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio ang pagkadismaya: “Nangako si Director Santiago ng NBI na pagdating ni Congressman Teves dito sa Villamor ay makakausap siya ng kaniyang mga abogado. So puwede bang makausap namin kung sino ang in-charge dito sa base?”

Ngunit ayon sa mga tauhan ng Air Force sa gate: “Nakalabas na po si Congressman Teves.”

Galit na sagot ni Topacio: “Hindi n’yo kami pinapasok, hinayaan n’yong makalabas ‘yung kliyente namin. Tama? Ayun ang ginawa n’yo, ‘di ba?”

Dagdag pa niya, “Hindi ako aalis dito nang hindi n’yo ako sinasagot. Nakalabas na ba? Sabihin n’yo lang kung nakalabas o hindi, i-confirm n’yo lang.”

Nang makumpirma ito, sinabi ni Topacio: “Kayo ay mga buhay na saksi kung paano very deceptive at very evasive ang ating mga awtoridad. Nangako si Director Santiago na papakausap… hindi natin ma-locate. Pupunta tayo sa tanggapan ng NBI.”

Kasama niya noon ang ina ni Teves. Ayon kay Topacio: “Kahit sinong ina ay mababasag, madudurog ang puso. Ayun nga po ang kanyang hinaing — bakit daw ginaganun ang kanyang anak, samantalang sa ilalim ng ating Saligang Batas ay presumed innocent pero parang hinihiya.”

Patuloy niyang ipinagtanggol ang kanyang kliyente: “Kami naman pong nasa defense team niya ay handa siyang depensahan. Bagamat siya ay dalawang taon sa Dili, Timor-Leste, hindi naman kami nagpapahinga rito.”

Panawagan mula sa pamilya ni Degamo

Matapos ang dalawang taon ng paghihintay, ibinahagi ni Janice Degamo, biyuda ng yumaong gobernador at bagong halal na kinatawan ng Negros Oriental 3rd District, ang kanilang panawagan:

“For over two years, our call has been clear and unwavering, that those responsible for this heinous crime must be held accountable, no matter how far they run or how long they hide.”

Ang pagbabalik ni Arnie Teves ay isang malaking bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na panagutin ang mga may sala sa mga kaso ng pagpatay at terorismo. Habang patuloy ang pagdinig ng mga kaso, tinitingnan ito ng publiko bilang isang hakbang patungo sa hustisya para sa mga biktima, kabilang na ang pamilya ni Roel Degamo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -