ISANG malawakang pag-aaral na isinagawa ng Ateneo de Manila University School of Medicine and Public Health at University of the Philippines-Manila patungkol sa kinabukasan ng mga bagong nagtapos sa kursong medisina at narsing sa Pilipinas.
Batay sa pag-aaral, nahihirapan ang mga bagong graduate na makahanap ng magandang trabaho, makatwirang suweldo, at makabuluhang tungkulin sa sistemang pampublikong pangkalusugan ng bansa.
Kakulangan sa paghahanda sa trabaho sa komunidad
Ayon sa pag-aaral na pinamagatang “Health Workforce Issues and Recommended Practices in the Implementation of Universal Health Coverage in the Philippines”, marami sa mga nagtapos sa medisina at narsing ang nararamdaman na “naliligaw at walang sapat na suporta” nang sila ay pumasok sa trabaho.
Ayon sa isang municipal health officer na naitalaga sa isang liblib na lugar, “Nagtapos ako ng medisina mula sa isa sa mga pinakamagandang paaralan sa bansa. Pero nang nagsimula akong magtrabaho dito, iba talaga ang laro. Hindi kami tinuruan kung paano makipag-ugnayan sa lokal na administrasyon at procurement, o kung paano makipagusap sa mga lokal na opisyal. Hindi ako handa o sinanay para dito—pero ito ang paraan para makagawa ng mga bagay dito.”
Ang resulta nito ay ang mga bagong health workers ay hindi handa para sa mga tungkuling pang-komunidad, pamahalaan, at programa sa kalusugan.
Mga hadlang sa pagkuha ng trabaho
Limitasyon sa badyet ng lokal na pamahalaan
Isa sa mga pangunahing suliranin ang limitasyon ng badyet na ipinataw sa mga local government units (LGU). Kailangan nilang maglaan ng hindi hihigit sa 45% ng kanilang taunang badyet para sa suweldo ng mga kawani.
Ayon sa isang opisyal ng lalawigan, “Ang 45 porsyentong limitasyon sa gastusin para sa mga tauhan ay talaga namang pumipigil sa amin na makapag-hire. Nakikita mo ang isang nars sa ward na inaatasang maging public health nurse at records officer rin. Dagdag trabaho iyon, pero walang dagdag na sahod.”
Kawalang seguridad sa trabaho
Dahil sa mahigpit na mga alituntunin sa civil service, maraming mga bagong graduate ang hindi kwalipikadong maging regular na empleyado ng gobyerno. Marami ang nakakatanggap lamang ng mga panandaliang kontrata na walang kasiguruhan sa trabaho o malinaw na pag-angat sa karera.
Pag-alis ng mga nars at doktor sa bansa
Ayon sa isang administrador ng ospital, “Ang mga nars na nawala ay ang aming mga pinakamahuhusay. Masakit na ang mga sinanay ay sila ang umaalis. Ang naiwan ay mga bago lang o mga matatanda na.”
Sinabi ng Department of Health (DOH) na may kakulangan ang bansa ng 195,116 na health workers, kabilang ang mga nars.
Lagay ng kalusugan sa Pilipinas ayon sa DOH
Ayon kay Dr. Adriel Pizarra, Medical Officer IV ng DOH-Health Policy Development and Planning Bureau, “Kailangan po itong unahin dahil pwede tayong magkaroon ng mga plano at budget pero kung walang tao na magpapatupad nito, mahihirapan talaga tayo.”
Dagdag pa nito, “Sa medium-term plan namin mula 2023 hanggang 2028, ang layunin ay patibayin ang national health workers support system upang maipadala ang mga doktor sa mga liblib na lugar.”
Sinabi rin niya na may mga kasalukuyang pag-aaral upang matukoy kung ang trabaho na kinukuha ng mga health workers ay naaayon sa sahod na natatanggap nila.
Estadistikang pangkalusugan
Ayon sa mga mananaliksik, ang Pilipinas ay may mas mababa sa walong doktor bawat 10,000 tao, habang ang Internasyonal na pamantayan ay 10 doktor bawat 10,000 tao. May mahigit 127,000 bakanteng posisyon para sa mga nars, lalo na sa mga probinsiya at pribadong pasilidad.
Reaksyon sa panukalang magsilbi ng isang taon sa bansa
Noong 2023, may panukalang batas na magpapatupad na ang mga bagong doktor at nars ay kailangang magtrabaho muna sa Pilipinas ng isang taon bago sila payagang magtrabaho sa ibang bansa.
Maraming mga manggagawang pangkalusugan ang tumutol dito at nagsabi, “Kami ang may karapatang pumili ng aming mga landas sa karera. Ang problema ay hindi ang pag-alis namin kundi ang mababang sahod at kawalan ng suporta sa bansa.”
Pagsasanay at gastos sa aklat at seminar
Ibinunyag ng pag-aaral na ang ilang mga health workers ay kailangang magbayad mula sa kanilang sariling bulsa para sa mga training at accreditation upang sumunod sa Universal Health Care Law.
Mga inisyatibo ng DOH para malutas ang problema
Ayon kay Rodley Desmond Daniel Carza, Director III ng DOH-Health Promotion Bureau, “Hindi lang sapat na may mga serbisyo sa kalusugan sa isang komunidad, kailangan din na naroroon ang iba pang mga salik tulad ng malusog na pagkain, kaligtasan sa daan, mga bukas na espasyo, at mga programang nagpo-promote ng aktibong pamumuhay. Kasama rin dito ang magandang edukasyon at sapat na kita para sa buhay.”
Rekomendasyon ng mga mananaliksik
Ang pag-aaral ay nagbigay ng mga mungkahi upang mapabuti ang kalagayan ng mga health workers:
- Magbigay ng mga scholarship na may kasamang return service agreements upang mapanatili ang mga bagong graduates sa bansa.
- Isama sa kurikulum ang komprehensibong pagtuturo tungkol sa kalusugan sa komunidad.
- Magkaroon ng mas maluwag na patakaran sa pagkuha ng mga empleyado sa mga lokal na yunit ng pamahalaan.
- Palakasin ang suporta para sa mga bagong health workers upang maging handa sa mga hamon ng kanilang tungkulin.
Bagaman nakaharap ang mga bagong graduate ng medisina at narsing sa mga hamon na kakulangan sa trabaho, mababang sahod, at kawalan ng suporta, naniniwala ang mga mananaliksik na karapat-dapat pa rin na tahakin ang karerang ito — ngunit kinakailangan ang mga mahahalagang reporma upang masigurong mabibigyan sila ng tamang pagkakataon at suporta sa pagtatrabaho.