MAHIGPIT na inobserbahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang dalawang Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang sa may namataan silang isa pa.

Ayon kay Nathaniel Servando, administrador ng PAGASA, unang namataan ang unang LPA nitong Lunes ng umaga na nasa layong 1,200 kilometro silangan ng Southeastern Luzon. Sa parehong araw, bandang hapon, natukoy naman ang ikalawang LPA sa layong 405 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan.
Dagdag ni Servando, inaasahang magiging tropical depression ang isa sa mga LPA ngayong Miyerkules. Pinangalanan itong “Dante”, alinsunod sa opisyal na listahan ng mga pangalan ng bagyo para sa taong 2025.
Ang tropical cyclone na ito ay inaasahang magpapalakas pa ng southwest monsoon o habagat, na siyang responsable sa malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon nitong mga nagdaang araw.
Si Dante ay nasa silangan ng Aurora. Ito ay ikatlong bagyo ngayong buwan at ikaapat ngayong taon.
Ayon kay Pagasa Assistant Weather Chief Chris Perez sa isang media briefing, Ang bagyong Dante ay tinarayang nasa 1,115 kilometro (kms) silangan-hilagang-silangan ng Central Luzon.
Samantala, sinabi ni Perez na Ang isa pang LPA ay namataan sa laying 155 kms silangan-timog-silangan ng Basco, Batanes. Aniya, maaari ring maging bagyo Ang LPA na Ito sa loob ng 24 Ora’s.
Sa kabilang banda, may namataan pang isang LPA na nasa labas ng PAR na tinatayang nasa 2, 705kms silangan ng Eastern Visayas.
LPA, Tropical Depression at Habagat
Ang Low Pressure Area (LPA) ay lugar na may mas mababang presyon ng atmospera, karaniwang simula ng pagbuo ng bagyo.
Samantala, ang Tropical Depression ay Isang uri ng mahinang bagyo na may bilis ng hangin mula 45 hanggang 61 kilometro bawat oras.
Ang Habagat (Southwest Monsoon) naman ay ang hanging nagmumula sa timog-kanluran na nagdadala ng malamig at basang hangin.
Karaniwan itong nagpapalakas ng pag-ulan lalo na kapag pinatindi ng isang bagyo o LPA.
Red Rainfall Warning ipinatupad sa Metro Manila, Bataan at Bulacan
Dahil sa patuloy na epekto ng habagat na pinalalakas ng kasalukuyang mga sistemang panahon, naglabas ang PAGASA ng Red Rainfall Warning nitong Lunes, Hulyo 21, 2025, alas-8 ng gabi para sa mga sumusunod na lugar:
• Metro Manila
• Bataan
• Bulacan (Obando, Meycauayan, Marilao, Bulakan, Malolos, Paombong, Hagonoy, San Jose del Monte)
Ang Red Rainfall Warning ay ang pinakamataas sa tatlong antas ng babala, ito ay nangangahulugang may inaasahang matinding pag-ulan at malawakang pagbaha. Pinapayuhan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na maghanda sa posibleng paglikas at sumunod sa abiso ng lokal na pamahalaan.
Orange at Yellow Rainfall Warning sa Iba Pang Lalawigan
Bukod sa red warning, naglabas din ang PAGASA ng orange rainfall warning para sa mga sumusunod na lugar:
• Zambales
• Pampanga
• Cavite
• Batangas
• Laguna
• Rizal
at ibang bahagi ng Bulacan tulad ng Angat, Baliuag, Bocaue at Calumpit.
Habang ang Orange Rainfall Warning naman ay nangangahulugang mataas ang posibilidad ng pagbaha. Dapat maghanda at maging alerto ang mga residente.
Samantala, itinaas naman ang yellow rainfall warning sa:
• Tarlac
• Quezon
Ang Yellow Rainfall Warning ay nagpapahiwatig na ang pag-ulan ay maaaring magdulot ng pagbaha sa mga mabababang lugar, lalo na sa mga malapit sa ilog o sapa.
Evacuation Centers, puno na sa dami na ng lumikas
Sa gitna ng patuloy na pagbuhos ng ulan dulot ng habagat at ng dalawang LPA, umabot na sa 7,509 na pamilya ang lumikas patungo sa mga evacuation center pasado alas-8 ng gabi noong Lunes, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Namahagi na ng tulong ang kanilang ahensya para sa mga nasalanta kung saan inuna umano nilang mamigay ng mga pagkain sa mga lumikas,” ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Tinatayang madadagdagan pa ang bilang ng mga evacuees dahil may mga pre-emptive evacuation na isinagawa sa ilang lugar, upang maiwasan ang kapinsalaan dulot ng pagbaha at landslide.
Patuloy ang Ulan Kahit Wala ang Bagyo — Bakit?
Maraming nagtatanong kung bakit malakas pa rin ang ulan kahit nakaalis na ang bagyo. Ayon sa PAGASA, ito ay epekto ng habagat. Kapag mayroong bagyo, tropical depression, o kahit LPA sa paligid ng bansa, maaaring nitong palakasin ang habagat.
Kaya’t kahit wala na ang mismong bagyo, patuloy ang pag-ulan sa maraming bahagi ng Luzon at Visayas.
Epekto ng Habagat: Pagbaha at Pagguho ng Lupa
Sa nakaraang linggo, ang bagyong Crising ay nagpataas ng lakas ng habagat na naging sanhi ng:
* Malalakas na ulan
* Baha sa maraming lalawigan
* Pagguho ng lupa (landslide)
* Pagkamatay ng hindi bababa sa limang (5) katao
Ang ganitong sitwasyon ay muling inaasahan kung lalakas pa ang kasalukuyang LPA o kung magiging ganap itong bagyo.
Suspensyon ng Klase at Trabaho sa Metro Manila at Karatig-Lugar
Bunsod ng masamang panahon, nag-anunsyo ang Malacañang ng suspensyon ng klase at pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Metro Manila at iba pang apektadong lugar nitong Hulyo 21.
Layunin ng hakbang na ito na maiwasan ang panganib sa mga mamamayan dulot ng baha at pagguho ng lupa.
Pagtutok ng mga Ahensya sa Disaster Preparedness
Pinayuhan ng PAGASA ang mga local government units (LGUs) at mga Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMO) na paigtingin ang paghahanda at alertuhin ang mga residente sa kanilang mga nasasakupan.
“The state weather bureau urged the public and disaster risk reduction and management agencies in affected areas to take all necessary safety precautions,” ayon sa opisyal na pahayag ng ahensya. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran
- Advertisement -

