Ikalawang Bahagi
NAPAKARAMI nang gumagamit ng parirala/praseng NA KUNG SAAN, nakasingit sa pasalita man o pasulat na mga pangungusap. Ginagamit ito ng matanda at batang tagapagsalita ng wikang Filipino. Una kong napansin ito noong mga Dekada ’70 at tuloy-tuloy nang lumaganap mula noon.
Noong nakaraang kolum (Agosto 6, 2025), naglista ako ng 22 pangungusap na may NA KUNG SAAN/KUNG SAAN. Nabanggit ko na na maraming hindi pabor sa pariralang ito kaya tuloy nagkaroon ito ng dalawang anyo: NA KUNG SAAN at KUNG SAAN. Kung minsan kasi, parang hindi maiwasang gamitin ang pariralang ito. Pero inisip siguro ng iba na kung aayusin, mas magiging katanggap-tanggap na. Kaya may ilan na KUNG SAAN lamang ang ginagamit at inalis na ang NA. Minsan pa nga, isang manunulat ang gumamit ng SAAN na lamang at tinapyas na ang NA KUNG. Ito ang halimbawa: Nagustuhan ng mga kritiko ang aking mga tula, SAAN dama ng mga mambabasa ang aking malalim na pangungulila.
Pero minsan lamang niyang ginawa ang ganitong eksperimento. Siguro, agad nagbago ng isip ang manunulat na ito kaya hindi na tinangkang manghikayat pa ng ibang tagagamit.
Bakit kaya ito paborito ng marami? Sa aking pagsusuri, ginagamit ang NA KUNG SAAN/KUNG SAAN na parang pangatnig, o pahayag na nag-uugnay ng dalawang sugnay o dalawang pangungusap. Itinutumbas siguro ito ng ilan sa Ingles na WHICH, WHERE, WHEN, WHO.
Mga halimbawa:
- There were times WHEN they hid it behind technicalities – May ilang beses NA KUNG SAAN ito ay itinago nila sa mga teknikalidad.
- This is WHERE I live. – Dito ay KUNG SAAN ako nakatira.
- That was the moment WHEN the Senate shirked from its role to uphold the Constitution – Ito ang sandali NA KUNG SAAN itinakwil ng Senado ang tungkulin nito na ipagtanggol ang Konstitusyon.
- The congressman, WHO was reelected, does not support the impeachment. – Ang kongresman, NA KUNG SAAN ay muling nahalal, ay tutol sa impeachment.
Pati naman tao, ginamitan pa rin ng NA KUNG SAAN.
Narito uli ang 22 pangungusap. Tingnan kung paano natin mapabubuti ang mga pangungusap na may NA KUNG SAAN/KUNG SAAN. Gaya ng nasabi na, hango sa mga tunay na pangungusap ang mga halimbawa sa ibaba, na hindi ko na babanggitin ang mga pangalan ng mga sumulat, at medyo binago pero pinapanatili ang estruktura o ang pagkakasunod-sunod ng mga salita. Makikita sa mga halimbawang ito kung paano ginagamit ang NA KUNG SAAN sa iba’t ibang pagkakataon.
- Aabot na sa mahigit 700 ang bilanggong politikal sa bansa, KUNG SAAN halos 160 ay kababaihan. – (Simpleng NA lamang ang hinihingi sa pangungusap na ito) – mahigit 700 ang bilanggong politikal NA halos 160 ay kababaihan.
- Naghain ang senador ng panukalang batas KUNG SAAN bibigyan ng prayoridad ang mental health ng mga kabataan at kababaihan – ng panukalang batas NA magbibigay ng prayoridad sa mental health ng kabataan at kababaihan. (Ang tinanggal na NA ang dapat gamitin.)
- Sa Sorsogon na nagkapamilya at nagkaapo si Nanay NA KUNG SAAN isinalindila ang mga kwentong bayan. –(Ang NA KUNG SAAN ay simpleng mapapalitan ng AT DITO): … at nagkaapo si Nanay AT DITO NA RIN niya isinalindila ang mga kwentong bayan.
- Halimbawa nito ang akdang “Sawi Ako” KUNG SAAN pumapatungkol ang kwento sa mga karanasan ng mga taong nakatira sa isang lugar. … ang akdang “Sawi Ako” (Gamitin ang NA) – NA tungkol sa karanasan ng mga taong nakatira sa isang lugar.
- Una, ang mga baboy-ramo KUNG SAAN kabilang dito ang mga baboy na tanging sa bansa lamang matatagpuan at sadyang paborito ng mga mangangaso. (Alisin ang KUNG SAAN): Una, ang mga baboy-ramo, kabilang ang mga baboy na tanging sa bansa lamang matatagpuan..
- Gayon na lamang ang pagbibigay-importansiya ng mga katutubo sa mga ritwal, KUNG SAAN itinuturing ang mga baboy bilang pinakamahalagang inaalay na hayop. (Alisin ang KUNG SAAN, palitan ng NA)
- Magdaraos sila ng isang handaan KUNG SAAN ay kanilang pagsasalu-saluhan ang mga inialay na baboy. Magdaraos sila ng isang handaan AT pagsasalu-saluhan ang mga inialay na baboy.
- Naiiba ito sa kanilang pagturing sa pangagangaso bilang ritwal KUNG SAAN ay may paglingap sa ugnayan ng tao at ng espiritu. (Tulad din sa #5, alisin ang KUNG SAAN at ilagay ang NA)… bilang ritwal NA may paglingap sa ugnayan ng tao at ng espiritu.
- Noong Marso 2024, kinilala ng Guiness World Record ang idinaos na National Hog Festival KUNG SAAN tampok ang iba’t ibang putaheng baboy. Ito ang pagbabago: Noong Marso 2024, kinilala ng Guiness World Record ang idinaos na National Hog Festival NA NAGTAMPOK ng iba’t ibang putaheng baboy.
- Isang birtwal na kumperensya na may temang “Pangalagaan ang ating mga Katutubong Wika” ang isinagawa noong 2023, KUNG SAAN ay nilahukan ng 31 eksperto sa muling pagbuhay ng mga wikang katutubo mula sa maraming bansa. Ang KUNG SAAN ay palitan ng AT ITO AY NILAHUKAN.
- Sa mga kaso KUNG SAAN bilang na lamang sa daliri ang matatandang nagtuturo ng wika … Ganito ang pagwawasto: Sa mga kaso NA bilang na lamang sa daliri ang matatandang nagtuturo ng wika….
- Ang paglaki ng utak ng mga tao ay sanhi ng piniling pagkain nila KUNG SAAN marami na ang protinang kinakain nila. (Mapapasimple ito at mas madaling maintindihan sa ganito): Ang paglaki ng utak ng mga tao ay dahil sa pagpili nila ng pagkaing may mas maraming protina.
- Mapapatunayan pa rin sa kasalukuyan, tulad ng kasanayang inilatag ng DepEd sa mga asignaturang Ingles at Filipino KUNG SAAN mas maraming kasanayan ang hinahasa sa pagsulat kaysa pagsasalita. PALITAN ANG KUNG SAAN NG NA – Mapapatunayan pa rin sa kasalukuyan, tulad ng kasanayang inilatag ng DepEd sa mga asignaturang Ingles at Filipino NA mas maraming kasanayan ang hinahasa sa pagsulat kaysa pagsasalita.
- Ang wikang Thai ay may tonal characteristic sa kanilang wika KUNG SAAN may iba’t ibang tono na nagbibigay sa isang salita ng iba’t ibang kahulugan depende sa tono. (Pasimplehin ito) – Ang wikang Thai ay may tonal characteristic NA nagpapabago sa kahulugan ng salita.
- Sa mga wikang Austronesian KUNG SAAN kabilang ang mga wika sa Pilipinas, malaki ang papel ng diin sa pagbibigay ng kahulugan. (Alisin ang KUNG SAAN) Sa mga wikang Austronesian, kabilang ang mga wika sa Pilipinas, malaki ang papel ng diin sa pagbibigay ng kahulugan.
- Inihahandog ng mga siyentista ang mga bahaging ito gaya ng mga human organs ng tao KUNG SAAN may silbi ang bawat bahagi sa buhay ng tao. (Medyo malabo ang pangungusap na ito. Ito ang pagpapabuti) – Inihahandog ng mga siyentista ang mga bahaging ito ng human organs NA MAY silbi ang bawat bahagi.
- Tinatayang may 170 hanggang 186 na buhay na wika sa Pilipinas KUNG SAAN 96% ay mga katutubong wika. (Alisin ang KUNG SAAN, palitan ng NA) – Tinatayang may 170 hanggang 186 na buhay na wika sa Pilipinas NA ang 96% ay mga katutubong wika.
- Una na riyan ang PSLLF KUNG SAAN nagdaos sila ng isang seminar-worksyap sa Archiving ng mga wika. (Ito ang pagwawasto) – Una na riyan ang PSLLF na nagdaos ng seminar-worksyap sa Archiving ng mga wika.
- Ito ang pinakamasayang bahagi ng pagdiriwang NA KUNG SAAN maaari itong lapatan ng sayaw na kung tawagin ay “arimunding-munding.” – Ito ang pinakamasayang bahagi ng pagdiriwang; sa bahaging ito isinasayaw ang “Arimunding-munding.”
- Ito na po ngayon ang itsura ng ating playground natin noon NA KUNG SAAN tayo naglalaro ng piko at luksong lubid. – Ito na po ngayon ang itsura ng ating playground noon KUNG SAAN tayo naglalaro ng piko at luksong lubid. Pwede rin ito: … playground noon AT DITO TAYO naglalaro …
- Tumagal ito ng 60 segundo at nakaapekto sa 23 probinsya KUNG SAAN naapektuhan ang nasa halos 2M indibidwal. (Pagpapabuti) – Tumagal ito ng 60 segundo AT nakaapekto sa 23 probinsya at halos 2M indibidwal. (Tinanggal ang KUNG SAAN at pinalitan ng AT)
- Tumaas ang tubig sa ilalim ng isang tulay sa Malabon City KUNG SAAN naninirahan sa ilalim NITO ang isang pamilya na kinailangang lumikas sa kasagsagan ng masamang panahon. Tumaas ang tubig sa ilalim ng isang tulay sa Malabon City KUNG SAAN naninirahan ang isang pamilya na kinailangang lumikas sa kasagsagan ng masamang panahon. (Hindi naiwasan ang KUNG SAAN pero mas pinaikli at pinalinaw ang medyo magulong pangungusap).
- Nakakapagdeliver ang mga senador ng mga pera at proyekto kasi nag-iinsert sila ng mga proyekto NA KUNG SAAN iba-iba ang interes. (Alisin ang KUNG SAAN, panatilihin ang NA) – … proyekto NA iba-iba ang interes.
Mapapansin na naging masalita ang mga pangungusap na inayos natin. Sa maraming pagkakataon, NA lamang ang kailangan, hindi ang NA KUNG SAAN/KUNG SAAN.
Sa susunod na matukso kang gumamit ng NA KUNG SAAN, suriing mabuti ang sinusulat mo – baka NA ang dapat gamitin, hindi NA KUNG SAAN/KUNG SAAN. Sana’y makatulong ito sa maraming nagsusulat at nagsasalita ng wikang Filipino.

