MARAMING pumupuna sa ganitong paskil: Bawal umi*h* DITO. Bakit daw DITO ang laging nakikita sa ganitong mga babala? Sabi kasi ng balarila na natutuhan natin noong elementarya at hayskul, RITO ang tama, mali ang DITO dahil ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig (i). Nakapagitna ang DITO sa dalawang patinig kaya dapat palitan ng R ang D. Hindi kaya alam ng sumulat ang tuntunin? O sadyang nilabag kahit alam?
Ang totoo, DITO o RITO man ang gamitin, naintindihan naman ang mensahe, di ba? Wala namang nabago sa kahulugan, sabihin mang mali ang gramatika ng paskil. Kaya hindi na mahalaga at hindi na dapat pansinin ang gamit ng DITO o RITO sa pagkakataong ito. (Wala namang sumusunod: may mga umi*h* pa rin sa ilalim ng paskil.)
Ang dapat sigurong punahin ay ang mensahe mismo. May makikita ka kayang DO NOT UR*N*TE HERE sa United States of America? Dito lamang siguro sa Piipinas laganap ang ganyang mga paskil, dahil ang mga Pilipino (mga lalaki ang tinutukoy ko) ay mahilig “magdilig” kung saan-saan: sa mga puno, sa mga gulong ng mga sasakyan, sa mga poste, at iba pa. Kaya siguro, ang masamang ugaling ito ang dapat iwasto, hindi ang gamit ng DITO/RITO.
Bakit hindi mali?
Pero ang totoo uli, hindi naman mali ang gramatika ng “Bawal Um*h* DITO.” Marahil, naramdaman ng sumulat ng paskil na nang bigkasin niya nang malakas ang mensahe, hindi tuloy-tuloy ang bigkas niya. Parang may sumasabit sa lalamunan.
Kung titingnan natin ang baybay o ispeling ng salita, nagtatapos sa patinig na I ang UM*HI. Pero kung tunog ng salita ang pagbabatayan, may isa pang tunog ang salita na hindi makikita sa pagbaybay. Ito ay ang impit na tunog, na walang representasyon sa ating alpabeto. Dalawampu’t isa (21) ang ponema o makabuluhang tunog sa wikang Filipino pero sa dating Abakada, dalawampu (20) lamang ang mga titik. Dalawampu’t walong (28) letra na ang bumubuo sa Alpabetong Filipino, pero 21 pa rin lamang ang ponema at wala pa ring representasyon ang impit na tunog.
May mga linggwista na gumagamit ng (?) para kumatawan sa impit na tunog. Mas alam natin ang mga DIIN na ipinakilala ng Balarila ni Lope K. Santos, tulad ng MALUMAY, MABILIS, MALUMI at MARAGSA at ang mga marka nito, na inilalagay sa huling patinig ng salita.
Marami ang hindi nakakaalam na WALANG SALITA sa wikang Tagalog/Filipino na nagtatapos sa patinig, kung ponolohiya o palatunugan ang pag-uusapan. Sa ispeling, may mga salitang nagtatapos sa patinig; isang halimbawa na nga ang UM*HI. Marami pang iba: aba, awa, asa, api, basa, bibe, isa, iwi, igi, atbp. Ang mga salitang ito, na binabaybay na ang huling letra ay patinig, sa totoo, ay may nakatagong isa pang tunog. Kung hindi impit na tunog, na hindi kasali sa ispeling ng salita, ito ay pahangin, na hindi rin kasali sa ispeling.
Natatandaan pa ba ninyo ang tuntunin sa paggamit ng hulapi – ang panlapi sa hulihan ng salita? Ang sabi sa atin, sa salitang BASA (read), halimbawa, ang ginagamit na hulapi ay -HIN. Kapag naman BASÂ (wet), -IN ang dapat gamitin.
Ang totoo, ang salitang BASA (walang impit na tunog) ay may H na tunog sa dulo, pero hindi ito halos naririnig, kaya hindi kasali sa ispeling. Pero kapag nilagyan na ng hulapi, saka lilitaw ang tunog na H, kaya inakala nating -HIN ang hulapi sa BASAHIN. Ang tunog na H ay nasa salita, kaya kung babaybayin, ito ay dapat maging BASAH.
Kapag may impit na tunog sa dulo ang salita, ang ginagamit a hulapi ay -IN. Kasi nga, ang huling tunog nito ay ang impit na tunog. Katinig ang impit na tunog, gayon din ang H. Malinaw na ba? Laging katinig ang huling tunog sa mga salita sa Tagalog/Filipino, kung hindi H ay IMPIT.
Ang impit na tunog ay makikita sa unahan, gitna, at dulo ng salita. May impit na tunog sa unahan ng mga salitang nagsisimula sa patinig, tulad ng ASA, na may limang tunog, bagama’t tatlo lamang ang nakikita nating letra – impit na tunog, A, S, A, H. Ganoon din ang mga salitang API, ABA, IWI, at iba pang katulad.
Walang impit na tunog sa wikang Kastila pero kahit paano ay naramdaman ito ng mga prayle na gumawa ng mga unang gramatika. Gumamit sila ng gitling (-) sa mga salitang tulad ng ALA-ALA, ULI-ULI, atbp., na may impit na tunog sa gitna. Pero hindi nagkaroon ng representasyon sa ispeling ang mga impit na tunog sa unahan at hulihan ng salita.
Magkaiba ang palatunugan at palabaybayan
May mga tuntunin sa pagbaybay na nakabatay hindi sa tunog ng salita kundi sa mga letrang nakikita nating bumubuo nito. Isang halimbawa nito ang tuntunin sa gamit ng DITO/RITO, DOON/ROON, atbp. Ang mga sumusulat ng paskil na BAWAL UM*H* DITO, sa totoo lang, ay siya palang nakakaalam ng tama, batay siguro sa pandinig niya ng mga salita. Kaya, huwag na nating punahin, DITO man o RITO ang gamitin nila.
Mas maraming malalaking problemang pangwika ang dapat nating harapin.

