NANAWAGAN si Senadora Loren Legarda sa publiko na isalin ang mga patakarang pangkalikasan sa konkretong kilos pang-komunidad habang ipinagdiriwang ng bansa ang National Clean-up Month ngayong Setyembre sa bisa ng Proklamasyon Blg. 244 s. 1993, na sinamahan ng Proklamasyon Blg. 470 s. 2003 na itinalaga ang bawat ikatlong Sabado ng Setyembre bilang International Coastal Clean-Up (ICC) Day sa Pilipinas.
“Bilang principal author at principal sponsor ng Climate Change Act of 2009 (RA 9729), at bilang may-akda at pangunahing tagapagtaguyod ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000 (RA 9003), nakita ko na nagbubunga lamang ng tunay na pagbabago ang mga batas kapag tinanggap at isinabuhay ito ng mamamayan,” ani Legarda.
“Tumindig tayo sa hamon ngayong Setyembre. Ang pangangalaga sa ating kalikasan ay higit pa sa pagsunod; nangangailangan ito ng pagkakaisa, agarang pagkilos, at araw-araw na dedikasyon. Gawing simula ang sandaling ito para sa isang mas malinis at matatag na Pilipinas,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Legarda ang datos mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), na nagpapakita na ang Pilipinas ay nakakapagdulot ng humigit-kumulang 61,000 metrikong tonelada ng solid waste araw-araw, kung saan 12 hanggang 24 porsyento nito ay plastik. Sa karaniwan, bawat Pilipino ay kumokonsumo ng 20 kilo ng plastik kada taon, at 15.4 kilo dito ang nagiging basura. Dahil dito, nangunguna ang bansa sa mundo sa kontribusyon sa plastik sa karagatan, na umaabot sa halos 36 na porsyento ng pandaigdigang marine waste. Itinampok din niya na noong nakaraang taon, nakapaglinis ang ICC ng 352,479 kilo ng basura mula sa 250 lugar sa buong bansa sa loob lamang ng isang araw.
“Ito’y malinaw na bakas ng sugat,” babala ni Legarda. “Ang pagbaha at sapilitang paglikas ay hindi na isolated na pangyayari; sintomas ito ng baradong daluyan ng tubig, nasadsad na kagubatan, at mahabang taon ng maling pamamahala ng basura. Ang epekto ng polusyon at pagbabago ng klima ay hindi malayong bantang panghinaharap; nangyayari na ito ngayon at kumitil na ng buhay ng mga Pilipino.”
Upang tugunan ang mga hamong ito, muling inilahad ni Legarda ang panawagan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas pangkalikasan at malikhaing pagpaplano. Sa ika-20 Kongreso, naghain ang four-term senator ng Senate Bill No. 1250 para sa pagtatatag ng Environmental Protection and Enforcement Bureau (EPEB) sa ilalim ng DENR upang mapabuti ang kakayahan ng pamahalaan sa pagsubaybay sa paglabag ng mga batas, lalo na sa mga mapanganib na basura ng ospital at polusyong pang-industriya.
Naghain din siya ng SBN 1251, o ang Philippine Environmental Assessment System Act, na naglalayong i-modernisa ang pamamahala ng kalikasan sa bansa. Pinakikilala ng panukala ang tatlong mekanismo: Strategic Environmental Assessment para sa mga polisiya at programa, Environmental Impact Assessment para sa mga proyekto, at Health Impact Assessment na nakaayon sa Universal Health Care Act. Sama-samang naglalayong magkaroon ng mas maagap, siyensiyado, at pangkalusugang pananaw sa paggawa ng desisyon pangkalikasan ang mga repormang ito.
“Hindi sapat ang batas upang lutasin ang ating mga hamon sa kalikasan,” diin ni Legarda.
“Kailangan natin ng partisipasyon ng publiko, lokal na inobasyon, at tuloy-tuloy na pagkilos ng komunidad. Sa paggunita natin ng National Clean-up Month, ICC Day, o anumang inisyatibo para sa kamalayan sa kalikasan, hinihikayat ko ang aking mga kababayan na huwag ituring itong isang beses lamang na aktibidad kundi bilang mitsa para sa pangmatagalang pagbabago.”
“Ang mga batas pangkalikasan ay hindi lamang salita sa papel; ito’y kasangkapan para sa pagbabago. Palalimin natin ang ating paninindigan upang iugnay ang patakaran at gawain, hindi lamang ngayong Setyembre kundi araw-araw. Nagsisimula ang tunay na pagbabago kapag tinanggap natin bilang sarili ang mga batas na nilikha para sa ating proteksyon,” pagtatapos ni Legarda.



