27.9 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Media Forum sa Buwan ng Wika: Petisyon sa Pangulong Marcos kaugnay ng wika

- Advertisement -
- Advertisement -

TATLONG araw bago magtapos ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025, pahabol na inilunsad sa isang media forum via Zoom ang isang bukas na liham para sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng pagkahirang ng bagong komisyoner sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Apat ang kahilingan ng mga nagforum: (1) mariing pagtutol sa pagkahirang bilang tagapangulo ng KWF at kinatawan ng wikang Tagalog kay Atty. Marites Barrios-Taran; (2) pagbawi sa nasabing paghirang; (3) pagrebyu sa appointment ng dalawa pang full time na komisyoner ng KWF, sina Dr. Benjamin Mendillo at Dr. Carmelita Abdurahman; at (4) pagsunod sa proseso ng  paghirang ng mga komisyoner sang-ayon sa Batas Republika  7104 na nagtatag ng KWF.

Ayon sa BR 7104, ang isang komisyoner ay dapat na kinikilala sa kahusayan sa linggwistika, wika, panitikan, at kultura ng etnolinggwistikong grupo na kinakatawan niya. Ayon sa mga petisyoner, maaaring mahusay si Barrios-Taran sa accountancy at batas, dahil isa siyang Certified Public Accountant (CPA) at abogado, ngunit wala pang maipapakitang ebidensiya ng kahusayan sa linggwistika, wika, panitikan, at kultura ng Tagalog.

Ang mga dumalo sa forum at pumirma ng petisyon sa Pangulo ay isang malawak na koalisyon ng mga iskolar at mananaliksik ng wika at linggwistika, mga manunulat, mga departamento ng Filipino at Humanidades sa mga unibersidad, gaya ng De La Salle University – Manila, Philippine Normal University – Manila, Unibersidad ng Pilipinas (Diliman at Los Banos) at iba pa. Lumahok din ang mga organisasyong pangwika, ang PSLLF Organization at Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS).

Nilinaw ng mga petisyoner na wala silang sinisiraan o pinapaborang sino man. Ibig lamang nilang maipatupad ang mga kahingian ng BR 7104, dahil kung di kwalipikado ang mahihirang sa mataas na tungkulin sa tanging tanggapang pangwika ng gobyerno, baka hindi maisakatuparan ng KWF ang mandato nito. Ngayong mas nakaharap sa maraming problemang pangwika ang ating bansa – pagtanggal sa MTB-MLE, pag-alis sa asignaturang Filipino sa Senior High School at kolehiyo, unti- unting pagkamatay ng ating mga katutubong wika – ngayon higit na kailangan ang puno ng tanggapang pangwika na may malalim na kaalaman sa linggwistika, wika, panitikan at kultura ng ating bansa.

Nangangamba ang mga petisyoner na baka “matutulog” lamang at hindi makakarating sa Pangulo ang kanilang kahilingan kaya’t nagdaos sila ng media forum upang maisapubliko ang kahilingan sa Pangulo.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -