26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Gawad Julian Cruz Balmaseda 2026, tumatanggap na ng lahok

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG Gawad Julian Cruz Balmaseda ay ang pinakamataas na pagkilála na handog ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan, at iba pang kaugnay na larang gámit ang wikang Filipino.

Layunin nitó na hikayatin at palaganapin, sa pamamagitan ng sistemang mga insentibo, grant, at gawad, ang pagsusulat at publikasyon sa Filipino at ibang mga wika ng Pilipinas ng mga akdang orihinal, kabílang ang mga teksbuk at sangguniang materyales sa iba’t ibang disiplina.

May dalawang kategorya ang gawad: (1) tesis at (2) disertasyon. May isang magwawagi lámang sa bawat kategorya. Maaari ding walang tatanghaling magwawagi sa alinmang kategorya.

Nagsimula ang gawad noong 2015 at nakapagtala ng 12 nagwagi: Marlon Delupio, disertasyon sa kasaysayan (2015); Gilbert Macarandang, disertasyon sa agham pampolitika at Roman Sarmiento Jr., tesis sa kasaysayan (2016); Lovella Velasco, disertasyon sa panitikan, at Christian Ezekiel Fajardo, tesis sa antropolohiya (2017); Emmanuel De Leon, disertasyon sa pilosopiya (2018); Wennielyn Fajilan, disertasyon sa pagsasalin (2019); Regina Starr Abelardo, tesis sa musika at panitikan (2020); Roque Augustus Lamadrid, tesis sa araling kultural, at Jonathan Geronimo, disertasyon sa araling kultural (2022); at Kristine Mae Nares, tesis sa araling kultural, at Mariyel Hiyas Liwanag, disertasyon sa araling wika (2025).

Makatatanggap ng halagang P100,000 (net) at isang plake ng pagkilála ang magwawagi sa mga kategorya ng naturang gawad. Lahat ng kopya ng mga lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik sa mga kalahok. Angkin ng KWF ang unang opsiyon na mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang royalti sa may-akda.

𝐓𝐮𝐧𝐭𝐮𝐧𝐢𝐧:

1. Ang gawad ay bukás sa lahat ng mga estudyante, babae man o laláki, sa antas gradwado (masteral at doktorado), maliban sa mga empleado ng KWF at kanilang mga kaanak.

2. Ang ilalahok na tesis at/o disertasyon ay naipagtanggol at naipasá sa mga taóng 2022–2024.

3. Kinakailangan itong isulat bílang kahingian sa mga kursong may kaugnayan sa agham, matematika, agham panlipunan, humanidades, at sa iba pang kaugnay na larangan.

4. Kailangang orihinal na isinulat at ipinagtanggol sa Filipino ang lahok, orihinal na gawa ng may-akda, hindi pa nailalathala bílang aklat, at hindi rin salin mula sa ibang wika.

5. Marapat na gamítin ang 𝐊𝐖𝐅 𝐌𝐚𝐧𝐰𝐚𝐥 𝐬𝐚 𝐌𝐚𝐬𝐢𝐧𝐨𝐩 𝐧𝐚 𝐏𝐚𝐠𝐬𝐮𝐥𝐚𝐭 (𝐌𝐌𝐏) bílang format sa pagsulat ng talababa, talasanggunian, at iba pa. https://drive.google.com/…/1oRH4v9ANfIz4ydexCOC958…/view

(Tiyaking naka-login sa inyong google account).

6. Para sa paglahok, kinakailangang isumite nang apat na limbag na kopyang computerized (hardcopy). Ang kopya ng mga lahok ay kinakailangang walang taglay na anumang pagkakakilanlan ng may-akda. Nangangahulugan ito ng pag-aalis ng mga preliminaryong pahina ng tesis at disertasyon na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng may-akda. Tanging pamagat ng tesis/disertasyon at sagisag-panulat lámang ang pahihintulutang nakalimbag sa manuskrito.

7. Ang mga preliminaryong pahina ng tesis/disertasyon, gaya ng katibayan ng pagsang-ayon, tungkol sa mananaliksik o bionote, pasasalamat, pag-aalay, pahina ng grado at ebalwasyon, at iba pang katulad ay ilalakip sa isang bukod na brown envelope, kasáma ang sumusunod:

(a) curriculum vitae ng may-akda;
(b) pormularyo ng paglahok (https://shorturl.at/YSM6S);
(c) notaryadong awtentipikasyon ng lahok;
(d) notaryadong katibayan ng etikong pananaliksik (walang plahiyo) na nilagdaan ng tagapayo;
(e) rekomendasyon mula sa dalawang propesor ng kinabibilangang larangan;
(f) rekomendasyon mula sa tagapangulo ng kinabibilangang departamento;
(g) rekomendasyon mula sa dekano/a ng kinabibilangang kolehiyo; at
(h) dihital na kopya ng lahok na nása isang universal serial bus (USB).

8. Ang dokumentong ito ay nakalagay sa isang expanding envelope na may pangalan at adres ng kalahok. Maaaring dalhin nang personal o ipadala sa koreo ang lahok sa:

𝐋𝐮𝐩𝐨𝐧 𝐬𝐚 𝐆𝐚𝐰𝐚𝐝 𝐉𝐮𝐥𝐢𝐚𝐧 𝐂𝐫𝐮𝐳 𝐁𝐚𝐥𝐦𝐚𝐬𝐞𝐝𝐚 𝟐𝟎𝟐𝟔
Komisyon sa Wikang Filipino
2/P Gusaling Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel,
Brgy. 640, San Miguel, Maynila 1005

9. Ang hulíng araw ng pagsusumite ng mga lahok ay sa 𝟏𝟎 𝐎𝐤𝐭𝐮𝐛𝐫𝐞 𝟐𝟎𝟐𝟓, 𝟓:𝟎𝟎 𝐧𝐡. Para sa mga ipinadala sa pamamagitan ng koreo, tatanggapin lámang ng KWF ang mga lahok na naipadala bago o sa nabanggit na petsa.

10. Ang mga magwawagi sa kategorya ng (1) tesis at (2) disertasyon ay makatatanggap ng PHP100,000.00 (net), plake, at medalya. May isang magwawagi lámang sa bawat kategorya. Maaari ding walang tatanghaling magwawagi sa alinmang kategorya. Angkin ng KWF ang unang opsiyon na mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang royalti sa may-akda.

11. Ang pasiya ng Lupon ng Inampalan ay pinal at hindi na mababago.

12. Hindi patatawarin ang sinumang mahuhúling nagplahiyo. Kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok at hindi na muling makasasali pa sa alinmang timpalak ng KWF.

13. Pára sa karagdagang detalye, tumawag o mag-text sa 0928-844-1349, o mag-email sa [email protected].

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -