29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Dagdag na mga Caraganon nakatanggap ng tulong-pangkabuhayan sa DOLE

- Advertisement -
- Advertisement -

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit na palakasin ang mga mahihirap at marginalized sector, mas pinalawak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatupad ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) sa Caraga Region upang madagdagan ang kita at oportunidad sa trabaho para sa mga Caraganon.

Patuloy na pinapalawak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) sa Caraga Region, na nagbibigay suporta at tulong-pangkabuhayan para sa mga asosasyon sa lalawigan ng Surigao del Sur at Dinagat Islands, partikular ang Hinapoyan Free Range Chicken Farm Association (itaas, kaliwang larawan), Wakat Community-Based Resource Management People’s Organization (itaas, kanang larawan), at New Mabuhay Cassava and Corn Farmers Association (ibabang larawan). (Mga larawan mula sa DOLE Surigao del Sur at DOLEPDI/Facebook).

May P2.54 milyon kabuuang halaga ng tulong-pangkabuhayan ang ipinagkaloob sa mga asosasyon sa Surigao del Sur at sa lalawigan ng Dinagat Islands, bilang tugon sa pangako ng DOLE na susuportahan ang mga negosyo sa komunidad sa nasabing rehiyon.

Sa Carmen, Surigao del Sur, tumanggap ang mga miyembrong magsasaka ng Hinapoyan Free Range Chicken Farm Association ng P537,725 halaga ng tulong-pangkabuhayan. Iginawad ang tulong sa isang seremonya na ginanap noong Setyembre 1, 2025, kasama ang lokal na pamahalaan ng Carmen bilang proponent co-partner. Inaasahang palalakasin ng inisyatibang ito ang negosyo ng asosasyon na produksyon ng itlog.

Sa Barangay New Mabuhay, Dinagat Islands, tumanggap ang mga miyembro ng New Mabuhay Cassava at Corn Farmers Association noong Agosto 26 ng P600,000 halaga ng tulong-pangkabuhayan, kabilang ang isang timbangan at ang kauna-unahang makina ng bayan para sa pag-aani ng mais.

Samantala, nagpakita ng magandang resulta ang binigay na tulong ng DOLE sa Wakat Community-Based Resource Management People’s Organization na nakabase sa Barobo, Surigao del Sur.

Noong 2018 at 2023, nakatanggap ang organisasyon ng kabuuang P1.4 milyon para sa pagpapaunlad ng kanilang produksyon ng bangus. Nakapagbibigay na ngayon ang asosasyon ng sariwa at de-kalidad na bangus sa buong Surigao del Sur, pati na rin sa mga kalapit na lalawigan, kabilang ang Agusan del Sur, Agusan del Norte, at Davao Oriental. Nagresulta din ito ng karagdagang pansamantalang trabaho para sa mga miyembrong mangingisda na tumutulong sa pagbubukod base sa uri, at pamamahala ng mga produkto.

Nangako ang Kagawaran sa pamamagitan ng iba’t ibang regional office nito, na patuloy na magsisikap upang palawakin ang saklaw ng programa at palakasin ang mga komunidad sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming oportunidad pangkabuhayan.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -