26.1 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

China-PH balik-loob sa isa’t-isa

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

SA nakaraang porum ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI) Biyernes noong nagdaang linggo, walang kamalay-malay ang mga dumalo na iyun ay nagbubukas ng daan sa muling pamumukadkad ng mapagkaibigang ugnayan ng Pilipinas at China.

Tinawag ni ACPSSI Pangulo Herman Tiu Laurel ang purom upang linawin ang kritisismo ni National Security Adviser Eduardo Ano sa plano ng Beijing na magtatag ng Huangyan Island NaturePreserve sa Bajo de Masinloc, kilala ring Scarborough Shoal.

Ayon kay Ano, isang kabalintunaan ang planong hakbang ng China gayong mga Tsino ang nakapagsagawa ng malawak na pamiminsala sa kalikasan sa Bajo de Masinloc.

Kinontra ni Tiu Laurel ang kritisismo ni Ano at hinamon niya ito na harapin ang ebidensyang hawak ng ACPSSI na nagpapakitang mga Pilipinong mangisda rin ang nakapagsagawa ng malawak na pamiminsala sa lugar sa pamamagitan ng dynamite fishing at pag-ani ng mga higanteng kabibe.

Sinabi ni Laurel na sa loob ng nagdaang limang taon, ang mga patibay na ito ang nakalap sa mga pananaliksik ng instituto.


Binigyan-katwiran ni Tiu Laurel ang pananatili ng China sa Bajo de Masinloc. AnIya, China ang may possession sa lugar at tungkulin nitong pangalagaan ito.

Pahayag ni Tiu Laurel, nito lamang Disyembre ay nakapagsumite na ang China ng rehistro ng Bajo de Masinloc sa United Nations.

Ibig lang sabihin, sa usaping ligal, China na ang may-ari ng Bajo de Masinloc.

Saan na ngayon nito ipadadampot ang Pilipinas? Sa kawalan na ng laban sa usapin ng pag-aari sa lugar.

- Advertisement -

Malaking problema iyan.

Napakalaki.

Noon pang 2011, ipinahayag na ng Estados Unidos ang pagtatag nito ng America’s Pacific Century.

Ibig sabihin, sa kasalukuyang dantaon, ang Asya Pasipiko ay pangingibabawan ng  hegemoniya ng Amerika.

Ganyan katigas ang paninindigan ng Amerika sa usaping ito.

Noon pang 2011, sa website na Foreign Policy, ipinahayag ni noon ay US Secretary of State Hilary Clinton ang ganito: “The future of politics will be decided not in Afghanistan or Iraq but in Asia, and the United States will be right at the center of the  action (Ang kinabukasan ng pulitika ay pagpapasyahan hindi sa Afghanistan o Iraq kundi sa Asya, at ang Estados Unidos ay naroroon sa pinakagitna ng aksyon).

- Advertisement -

Ang kahambugang iyun ay higit pang pinaugong naman ni Presidente Barak Obama nang sa 2011 Asia Summit ay buong garapal niyang ipinahayag na bagamat ang Estados Unidos ay hindi bahagi ng isyu sa South China Sea, “kami man ay bansang Pasipiko, isang kapangyarihang pangkaragatan at garantisador ng seguridad sa Asya Pasipiko.”

Binigyan ni Clinton ng isang dekada upang magkatotoo ang kanyang pagtingin sa hinaharap.

At ang katapusan ng dekadang iyun ay ngayon na.

Ngayon sasabihin mo na ang iyong America’s Pacfic Century ay magaganap mismong sa panahon na tinitindigan ng China ang halos kabuuan ng South China Sea bilang kanyang teritoryo.

No way na kakayanin mong gawin ang sinasabI mo.

Subalit matigas si Clinton, ayaw patinag.

Sa pagtatapos aniya ng Vietnam war, isang lumalagong industriya ng mga komentarista ang nagpalaganap ng paniniwala na paatras na ang Estados Unidos. Hindi aniya nakita ng mga ito na sa tuwing magdadanas ang Estados ng kaabalahan, agad niya itong napangingibabawan sa pamamagitan ng reinvention at innovation. Ang ating kakayahan, wika niya, na bumangon na higit na malakas ay hindi pa kailanman napantayan ninuman ss kasaysayan.

Sabihin na kung ganun na dahil sa kamalian ng tariff war ni Trump at iba pang mga kapalpakan ng kanyang administrasyon ay halos pagpapakamatay na nga ang pagbulusok ngayon ng ekonomiya ng Amerika, anong reinvention at innovention naman ngayon ang maaaring gawin ng Amerika upang makabangon ng higit na malakas?

Sa bagay na ito dapat wastong nilalaro ng Pilipinas ang kanyang mga baraha.

Maliwanag sa mga palatandaan – ang walang humpay na anti-China na propaganda ni Raymond Powell at ang paglaklak dito ng mga Amboys na sina Gibo, Tariella at iba – estratehiya ng Amerika na pakipaggiyerahin ang Pilipinas sa China.

Sa kasalukuyang mga kalagayan, kung walang giyera Chino-Pilipino, walang mapapakialaman ang Amerika.

Ang talagang problema sa ngayon ay tila lumalago ang pagtingin ng China sa Pilipinas bilang kaaway na nga. Bunga ito ng litaw na litaw na pagkiling ni Bongbong sa Amerika: ang mga karagdagang kaloob sa Estados Unidos na EDCA sites, ang.pagpahintulot sa mga Typhon missile launch system na nakaumang sa mainland China at abanteng base militar ng China sa South China Sea.

Dito hinihingi ang dagdag pang pang-unawa ng China.

Ang balak na pagtatag ng nature reserve sa Bajo de Masinloc ay tiyak na makapagpapalala lamang sa naroroon nang tensyon ng djgmaan sa South China Sea.

Ito ay masamang bagay.

Subalit sundin ang mando ni Mao Zedong: “Ibaling ang masamang bagay sa magandang bagay.”

Kung ang pagtatag ng nature preserve sa Bajo de Masinloc ay sa halip na unilateral na aksyon ng China ay gawing bilateral na proyekto ng China at Pilipinas, tingnan pag hindi ang mapandigmang relasyon sa pagitan ng China at Pilipinas ay di mauwi sa muling pagiging magkaibigan, magkapatid.

Sa nakaraang administrasyon, di kokonting krisis ang dinaanan ng relasyong Chino-Pilipino. Pinakamatingkad na rito ang aksidenteng pagbangga ng isang malaking barko ng China sa maliit na de kahoy na barkong pangisda ng Pilipinas. Sa bisa ng baluktot na pagbabalita ng Rappler at sa pangunguna ng bilyunaryong si Loida Nicolas Lewis, malalaking rali-protesta ang isinagawa hindi lamang sa paikut ng Pilipinas kundi maging sa mga pangunahing lungsod ng Amerika at Europa, lahat humihiyaw ng pakikipagdigma sa China. Sapagkat umiiral na noon pa ang prinsipyo ng pagpapaisantabi sa mga hidwaan at pagpapangibabaw ng kooperasyon at konsultasyon, pagkaraan ng isang linggo ng halos pagsambulat na ng hidwaan sa madugong digmaan, binasag ni Presidente Duterte ang tensyonadong pananahimik at inanunsyo na ang nangyari ay isang aksidente.

At biglang hupa ng tensyon.

Sa kasalukuyan na ang pulitika ng bansa ay sakbibi ng imbing pakana ng Estados Unidos na pakipaggiyerahin ang Pilipinas sa China upang isulong ang estratehiya nitong America’s Pacific Century, mahirap pairalin ang prinsipyo ng pagpapaisantabi ng mga hidwaan at pagpapangibabaw ng konsultasyon at kooperasyon sa pagitan ng China at Pilipinas.

Subalit kailangang ito ang gawin dahil kung hindi papatak tayo sa bitag ng Amerika.

Dalawang taon na ang lumipas, sa Fourth Manila Forum, ipinahayag ni Ambassador Huang Xilian: walang hinto ang usapan. Kahit ano pa ang mangyari, usap pa rin. Usap lang nang usap. Pasasaan ba’t gaano man kalaki ang problema, hangga’t nag-uusap, walang di pagkakasunduan ang China at Pilipinas.

Tandaan natin, ang Pilipinas ay hindi lamang si Bongbong at kanyang mga alipures.

Higit sa lahat, ang Pilipinas ay ang sambayanang Pilipino.

Kung dahil sa mga kasalukuyang pangangailangang pulitikal ay mahihirapang makipagdayalogo si Bongbong sa China, hayaang balikatin ito ng sambayanan.

Walang nagbabawal sa people-to-people na pag-uusap.

Balintuna, ito muna ang kailangang gawin upang sa partikular na halimbawa ng problema sa  Bajo de Masinloc hindi na ang legalidad ng kung sino ang may-ari nito ang paguusapan kundi na magkatuwang ang China at Pilipinas sa pagtiyak sa kaligtasan nito.

Ito ngayon ang hamon sa ACPSSI: pangunahan niya ang people-to-people na pakikipagdayalogo sa China para sa bilateral na pagtatag ng Huangyan Nature Reserve sa Bajo de Masinloc.

30

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -