PINAPLANO ng China na gawin nitong national nature reserve ang katubigan sa may Scarborough Shoal, isang teritoryo na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ayon sa mga ulat, inaprubahan ng pamahalaan ng China na gawing national nature reserve ang Scarborough Shoal at katubigan rito na may kabuuang lawak na humigit-kumulang 3,500 ektarya.
Mariing tinututulan naman ng Pilipinas ang anumang aktibidad ng dayuhang bansa sa naturang isla at nagtakda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng tinatawag nitong “red lines” na hindi dapat pangangahasang labagin ng China dahil kakailanganin ng Philippine Navy ang inihanda nitong contingency plan.
Ano ang Scarborough Shoal
Tinatawag ng mga lokal ng Zambales na Karburo ang Scarborough Shoal, na 124 nautical miles lamang ang layo sa lalawigan na pinakamalapit na lalawigan ng Pilipinas.
Tinatawag din itong Panatag Shoal at Bajo De Masinloc (BDM) ng bansa.
Sa China, tinatawag nila itong Huangyan Island o Huangyan Dao o literal na nangangahulugang dilaw na batong isla.
Tunay na dilaw, bato, at isla ang teritoryong ito dahil isa itong hugis trayanggulong islang nagmula sa coral reef sa gitna ng karagatan na may lawa sa gitna. Mayaman ang lugar na ito sa mga yamang-dagat kung kaya puntahin ito ng mga mangingisdang lokal, partikular na ng mga taga Zambales.
Matatagpuan ang Bajo De Masinloc sa karagatang dinaraanan ng mga malalaking barkong pangkalakalan at isang mainam at istratehikong lugar para sa seguridad sa rehiyon.
Apektado ang mga mangingisdang Pilipino
Sa mga nakalipas na taon, naging pagsubok sa mga lokal na mangingisda ang pagpunta sa Scarborough Shoal dahil sa pag-aangkin ng China.
Noong Setyembre 2023, nadiskubre ng Philippine Coast Guard na naglagay ng mga nakalutang na hadlang ang Chinese Coast Guard na may 300 metro ang haba sa dakong timog-silangan ng isla upang hindi makalapit dito ang mga mangingisdang Pilipino.
Nitong namang Enero ng taon nadiskubre na mayroon ding mga nakalutang na hadlang sa bunganga ng lawa ng isla.
Ginagamitan ng China ng militia vessel nito ang mga Pilipinong mangingisda upang itaboy ang mga ito palayo sa tinatawag ring Panatag Shoal.
Diplomatikong protesta
Noong Disyembre ng nakaraang taon, umabot na sa halos 200 ang note verbale o sulat na protesta ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ipinadala sa embahada ng China sa panahon lamang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa taong 2025, maraming ulit na nagkagitgitan ang mga barko ng China at ng Pilipinas hindi lamang sa dako ng Scarborough kundi maging sa iba pang pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea.
Marami nang naipadalang diplomatic protest ang DFA sa tuwing ilegal na pumapasok ang mga barkong Tsino sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas.
Pag-aangkin ng China
Mahigit siyam na taon na ang nakararaan, partikular noong Hulyo 12, 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa inihaing reklamo ng Pilipinas na kumontra sa pag-aangkin ng China sa halos buong South China Sea kabilang ang mga isla o mga shoal o atolls na naroroon.
Naninindigan ang China na kanila ang mga isla at ang buong South China Sea kahit na may bahagi dito na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Hindi kinikilala ng China ang United Nations Convention on the Law of the Seas (Unclos) na nagkabisa noon pang 1994.
Sa halip, naninindigan ang China na kanila ang lahat ng nasa South China Sea, kabilang ang Bahagi na tinatawag ng Pilipinas na West Philippine Sea base sa kanilang kasaysayan.
Hindi lamang ito sa Pilipinas nakikipag-agawan, gayundin sa Brunei, Indonesia, Malaysia, Taiwan at Vietnam.
Gayon na lamang ang kagustuhan ng China na maangkin ang buong South China Sea dahil may deposito rito ng langis at natural gas na tinatayang nasa 11 bilyong langis at 190 trilyong kubiko ng natural gas, ayon sa artikulo sa cfr.org.
Sa mga nagdaang taon, nakapagpatayo ang China sa Paracel at Spratly Islands, na inaangkin din ng Pilipinas, ng mga daungan, paliparan at military installation.
Samantala, sa Ayungin shoal, ang Pilipinas naman ay mayroong nakasadsad na nabubulok na barkong pandigma, ang BRP Sierra Madre.
Sa kabila nito, may tauhan ng Philippine Coast Guard na naka-duty dito na papalit-palit at pinapadalhan ng supplies ng gobyerno. Sa mga pagkakataong ito ng rotation and resupply mission ng PCG nagkakaroon ng girian ang PCG at ang Chinese Coast Guard.
Sa desisyon ng Unclos, pumabor ito sa Pilipinas na nagsasabing meron itong sovereign rights sa kanyang EEZ na kinabibilangan ng mga pinag-aagawang mga isla.
Upang malaman ang EEZ, may international law na pinagbabasehan ang pagtukoy sa baseline ng isang pampang, ito ang 1982 Law of the Sea Convention. Mula sa baseline o pampang, ang unang 12 nautical miles ay tinatawag na territorial waters. Ang susunod pang 12 NM ay contiguous zone. Ang EEZ naman ay 200 NM ang layo mula sa baseline ng isang bansa kung saan maaari itong pangisdaan ng kanyang mamamayan, o hukayin para maghanap at magmina ng langis at natural gas. Ang lalampas na dito na hindi nasasakop ng anumang bansa ay tinatawag na High Seas o international waters.
Sa ganitong pagsusukat ang Ayungin shoal ay 106.3 nautical miles ang layo mula sa Palawan at 617.39 NM naman mula sa China. Ang Scarborough shoal naman ay 120 nautical miles mula Luzon samantalang 594 NM mula sa Hainan province ng China.
Hindi tanggap ng China
Hindi tanggap ng China ang katotohanang ito na sinasabi ng UNCLOS dahil pinagbabasehan nito ang U-shaped na eleven-dash line na inilathala ng Taiwan noong December 1947.
Ayon sa desisyon ng Unclos, walang basehan ang claim na ito ng China dahil bagama’t binabanggit na pinapangisdaan na ng mga mangingisdang Tsino ang South China Sea, wala namang katunayan na ang inaangkin nitong mga isla o batuhan ay tinirahan din ng mga Tsino.
Para sa Unclos, tanging ang Pilipinas lamang ang may sovereign rights sa West Philippine Sea, na bahagi lamang ng kabuuan ng South China Sea.
Nangangahulugan ito na walang ibang bansa, maliban sa Pilipinas ang maaaring maghukay, magmina, o mangisda sa katubigang nasasakop ng EEZ nito.
Sa kabila nito, patuloy na nagpapakita ng pwersa at pag-aangkin ang China sa mga parteng ito ng EEZ ng Pilipinas, kabilang na nga ang Scarborough Shoal.

