27.3 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Lacson, binanatan ang ‘Leadership Fund’ ng DPWH: Bakit pinapayagang sumawsaw ang mga mambabatas sa NEP?

- Advertisement -
- Advertisement -

KINUWESTIYON nitong Martes ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang “Leadership Fund” ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na aniya’y nagbibigay-daan sa mga mambabatas na kalikutin ang National Expenditure Program (NEP).

Nalaman ni Lacson ang tungkol sa pondo habang tinatanong si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Sa pagdinig, tinanong ni Lacson kung paano naipa-download ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang malaking halaga ng proyekto na galing pa lamang sa NEP, o budget proposal ng ehekutibo, sa Bulacan First District Engineering Office na noo’y pinamumunuan ni ngayo’y nasibak na district engineer na si Henry Alcantara.

“Ang NEP ita-transmit sa House of Representatives at kalaunan sa Senado. Bakit sa NEP, meron agad insertions? That I cannot really understand for the life of me,” ani Lacson kay Bonoan sa naturang pagdinig.

“Dapat hindi kayo nag-accommodate. Ayaw nyong tawaging insertion, tawag ninyo leadership fund. Bakit ninyo ina-accommodate?” dagdag niya.

Ani Alcantara sa pahayag na binasa niya sa simula ng pagdinig, si Bernardo — na nakilala niya noong 1997 at tumulong para maging district engineer ng Bulacan 1st DEO noong 2019 — ang nagsimulang mag-download ng pondo sa kanyang opisina noong 2022.

Isinalaysay niya na noong 2023, nag-download si Bernardo ng halagang P710 milyon na proyekto, kabilang ang P450 milyon mula sa NEP. Noong 2024, umabot sa P3.3 bilyon ang na-download sa kanyang opisina, kabilang ang P150 milyon mula sa NEP. Noong 2025, umabot sa P2.55 bilyon ang na-download, kabilang ang P1.65 bilyon mula sa NEP.

Ang mga proyektong ito umano ay para sa mga mambabatas gaya nina Sen. Joel Villanueva, Sen. Jinggoy Estrada, dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, at dating Rep. Mary Mitzi “Mitch” Cajayon-Uy.

Binanggit din ni Lacson ang pahayag ni Alcantara na humihingi si Bernardo ng advance payment na 5% hanggang 15% para sa mga proyektong galing sa NEP. Tinanong niya si Bonoan kung paano nagagawang i-download ang mga proyektong ito sa mga district office ng DPWH gayong nasa NEP pa lamang at hindi pa nagiging budget law.

“Paano naka-insert ang legislator sa budget proposal pa lang? Wala pa sa legislation phase. That’s the domain of the executive. Paano nakikialam na ang legislator sa insertion?” ani Lacson.

Sagot ni Bonoan, isinasama nila sa NEP ang hiling ng mga mambabatas, kabilang sa pamamagitan ng “leadership fund” sa Senado. Aniya, susuriin ito ng DPWH Planning Service para masiguro na tugma sa development programs ang mga proyektong isinasama.

Dagdag ni Bonoan, pinapayagan nila ang insertions sa NEP upang maiwasan ang komplikasyon sa bicameral conference committee.

“Wala pa tayo sa bicam. Bakit di nyo sabihin sa kanila, can you not wait for budget deliberations? Bakit nyo pinapayagan? Exclusive jurisdiction ng executive branch ang President’s budget. Why were you allowing it?” ani Lacson.

Sa pagdinig, ipinaalala din ni Lacson kay Bonoan ang apat na yugto ng proseso ng pagbubuo ng budget: ang budget preparation kung saan binubuo ng ehekutibo ang panukalang budget; ang authorization kung saan dinidinig at inaaprubahan ng Kongreso ang budget; ang execution kung saan ginagastos ng mga ahensya ang inaprubahang pondo; at ang accountability kung saan minomonitor ng mga oversight committee ng Kongreso at ng Commission on Audit (COA) kung paano nagastos ang pondo.

“Saan papasok ang sa budget preparation meron na agad ang legislators? Ang pakialam ng legislators authorization phase,” aniya.

Dagdag naman ni Senate President Vicente Sotto III na, “dapat sundin ang tamang proseso,” kung saan ang mga panukalang proyekto sa budget ay dapat magmula sa mga local at regional development councils.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -