31.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Sinong may sabi ng weak leader si Bongbong?

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
CHOP SUEY lumalabas ang Trillion Peso rali noong Linggo. Pinaghalong iba’t-ibang gulay sa iisang luto.
Iyan ay kung pag-uusapan ang kiling pulitikal ng mga dumalo.
Naroroon si dating gobernador Chavit Singson, na nito lamang kagyat na nakaraan ay di-kagandahan ang ugnayan sa Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Di-kakaunti ang nang-boo kay Singson.
Isa pang pinukol ng kantyaw ng marami ay si Philip Salvador.
“Philip, umuwi ka na lang.”
Oo nga naman. Hindi ba’t sagad sa buto ang pagiging Duterte Boy nito, ano ang ginagawa niya sa isang okasyon na ang isinusulong ay ang pagkontra ng katunggali nitong si Bongbong sa korapsyon?
Sa patutsada ng marami na umuwi na lang siya, isang nagngangalit na tingin ang  ipinukol ng aktor. Parang gustong ulitin ang paboritong mura niya sa mga kumontra sa kanya noong eleksyon: “Mamatay na kayong lahat!”
Mangyari pa, maliwanag ang pakay ng aktor sa paghalo sa rali. Samantalahin ang pagkakataon na makapag-ipon ng dagdag na eksposyur sa publiko.
Sa pag-asang sa susunod na tumakbo siyang senador ay manalo na.
Tulad din ni Singson, tumakbong senador si Salvador, pero di tulad ni Singson na umatras maaga pa sa laban, si Salvador ay nagtuloy-tuloy upang pumatak na kulelat sa hanay ng dalawampung naunang kandidato.
E, labindalawa lang ang kailangan.
Olats, ika nga.
Walang duda, may balak pa ang aktor na tumakbong muli.
Malay mo, kung sa barangay, halimbawa.
Oportunidad nga naman ang makita kang kalahok sa nobleng pagbabalikwas.
Nagkalamat lang ng bahagya ang busilak na layunin ng rali ng ilang grupo ng mga terorista ay magtangkang maghasik ng kaguluhan. Nanunog sila ng isang trak at nanloob sa isang hotel, at nambalibag ng matatalas na bagay sa mga pulis.
Sa tapang at ingay, sila ang Maisug ng mga Duterte.
Di ba nga’t sila rin ang mga sumisigaw ng “Marcos resign!”
Sa kaso nina Vice Ganda, Anne Curtis, Catriona Gray at kung sinu-sino pang mga celebrity, tunay na nakaka-inspire na makita silang kabalikat ng sambayanan sa paglaban sa korapsyon. Hayaang ganun na lang iyun. Laban sila sa korapsyon at kailangang magwakas na ito. Mahirap nang maghanap pa ng ibang motibo. Sasama ang usapan.
Tanggapin nang ganyan naging nakakasulasok na sa sambayanan ang korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na kung kaya nagising na ang lahat ng mga sektor ng lipunan upang labanan na ito.
Pero isang bagay ang hindi mapasusubalian: ang kapangyarihan sa kabuhayan ay lumilikha ng kapangyarihan sa pulitika at ang kapangyarihan sa pulitika ay nagsisilbi sa kapangyarihan sa kabuhayan.
Sa simpleng salita, ang mayayaman ay nakapag-uupo ng tao upang mamahala, na siya  namang higit pang nakapagpapayaman sa mga taong nagluklok sa kanila sa puwesto.
Napaka-naïve ni Bongbong ang mag-astang inosente at hindi alam ang bagay na ito. Siya mismo ay patunay na kung hindi dahil sa yaman niya at ng mga taong sumuporta sa kanya ay hindi siya mahahalal na presidente.
Sa usapin ng ibinulgar niyang bilyung-bilyong korapsyon sa DPWH, tanong ni Bongbong, “Bakit nangyari ito?”
Sapagkat ganun nga, ang mayayaman ay lumilikha ng kapangyarihang pulitikal upang magsilbi itong higit pang pampalaki ng kanilang kayamanan.
Inamin ni Bongbong na ang kurapsyon sa DPWH ay matagal nang nangyayari. Hindi lamang sa DPWH kundi gayon din sa iba’t-iba pang ahensya ng pamahalaan na nasa ilalim ng kanyang pamamahala.
Kailangan pa ba niyang itanong kung bakit nangyayari ito?
Alam niya na ang kapangyarihan sa kabuhayan ay lumikha ng kapangyarihang pulitikal upang higit pang palaguin ang sarili.
Ito ang kalakaran mula sa mga opisyales ng kababababaang barangay, pataas sa munisipyo’t lungsod, probinsya at sa kataastaasang bansa.
Ikaw yun, Ginoong Pangulo!
Bakit magtatanong ka pa: “Bakit nangyayari ito?”
Unang-una, ang buong badyet ng pamahalaan ay pangulo ang nagpapanukala sa kongreso, na siya namang mag-aapruba rito sa pamamagitan ng General Appropriation Act (GAA).
Magkaganunman, ang GAA ay magkakabisa lamang bilang batas sa pinal na pag-apruba rito ng pangulo.
Ang pagpapatupad na ng GAA ang nasa pangangasiwa na ng Pangulo.
Oo, may kanya-kanyang puno na direktang nangangasiwa sa mga departamento ng pamahalaan, subalit dapat sinisiguro ng pangulo na mayroon siyang mekanismo na tumitiyak na para bang siya ang direktang nagpapatakbo sa mga departanento 24/7, pitong araw isang linggo.
Sa ilalim ng ganitong kalakaran, walang anomalya sa alinmang ahensya ng gobyerno ang maaaring maganap nang hindi nalalaman ng pangulo.
Biglang pasok ngayon si Bongbong: O, di ba nga’t ako ang nagbunyag sa 15 kontratistang kumukupong sa lahat ng kontrata ng DPWH?
Totoo nga naman. Ngayon lamang nalantad ang anomalya at kaagad ay umingay nang husto upang tugunan ng malawakang raling anti-korapsyon.
Sa gitna ng ingay, may lumantad na video sa social media na nagpapakita kay Dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte na nagpapahayag ng malaking korapsyon sa DPWH kaugnay ng flood control. Kung bakit walang aksyon ang naganap kaugnay ng paglalantad ay di maliwanag.
Ang maliwanag ay ito: sa pagdinig ng senado sa mga panahon na ngayon, tinanong ni Senador Bato de la Rosa si Sara Discaya kung kelan nagsimulang lumago ang kanyang construction business na tinatayang nagkakaghalaga ng P40 bilyon, at sumagot ang babae – “2016 onwards.”
2016 nagsimula ang pagiging presidente ni Digong.
Ibinulgar ni Digong na talamak ang korapsyon sa DPWH.
Wala siyang ginawa.
Lumobo ang construction business ng mga Discaya sa halagang ₱40 bilyon.
Ibinulgar ni Bongbong na 15 contractor lamang ang nagpapasasa sa mga proyekto ng DPWH.
Inamin ni Discaya na halos lahat sa 15 ay pag-aari niya. Kaya dumaan man sa bidding, panalo pa rin ang Discaya.
Ang rali noong Setyembre 21 ay rali pabor sa panawagan ni Bongbong laban sa korapsyon, na rito ay tampok ang korapsyon sa flood control project ng DPWH, na doom ay walang ginawa si Duterte.
Ang rali noong Setyembre 21 ay rali kontra korapsyon sa panahon pa ni Duterte.
Ang raling iyun na tinampukan ng lahat ng sektor ng lipunan ay kontra Duterte.
At sasabihin ni Duterte, “Bongbong is a weak leader.”
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -