UNCLE, sa opisina, pinag-uusapan ngayon ang tungkol sa “decluttering”. Sabi ng isa kong kaopisina, ang dami daw nyang mga gamit—damit, bag, sapatos at iba pa—na hindi na nya ginagamit at gusto na nyang bawasan at ipamigay o ibenta ang mga Ito. Nag-dedeclutter daw sya at mas gusto na nya ng mas tahimik na pamumuhay at mag-focus na lang sa mga totoong kailangan nyang gamit.
Tama, Juan, ang ginagawa ng kaopisina mo. Lalo na sa panahon ngayon na ang daming tukso sa paggastos. Malaki ang epekto niyan sa mental at financial health mo, bata ka man o matanda.
Ang “decluttering” ay isang proseso ng pagbawas o pagtanggal ng mga hindi na kinakailangan, hindi nagagamit, o mga nakakagulong bagay sa ating buhay. Lahat ito ay may katumbas na salapi na nalulustay sa pagbili ng mga bagay na Ito. Kaya ang decluttering ay pumupunto sa pagiging mas intensyonal sa bawat piso na pumapasok at lumalabas sa iyong bulsa.
Ano ang ibig sabihin nito para sa financial health?
Maiiwasan ang impulse buying: Kapag nakikita mo ang lahat ng pag-aari mo, mas mababa ang tsansa na bumili ka ng mga bagay na meron ka na. Halimbawa, kung alam mong mayroon ka nang limang pares ng sapatos na halos parepareho, mas mag-iisip ka bago bumili ng ika-anim. Ito ay nagtutulak sa mas matalinong paggastos.
Nagbibigay ng oportunidad na kumita: Ang mga lumang gamit na nakatambak lang sa bahay – lumang damit, appliances, libro, o furniture – ay puwedeng ibenta. Ang dagdag na pera mula rito ay puwedeng ilaan sa ipon, investments, o pambayad sa utang. Parang nagkaroon ka ng “treasure hunt” sa sarili mong bahay.
Naiiwasan ang aksayang pera: Kapag malinis at organisado ang bahay, mas madali mong makikita ang mga bagay na nagiging sanhi ng aksaya. Halimbawa, kung malinis ang iyong computer o mobile phone, mas madali mong makikita ang bill para sa mga digital subscription na hindi mo na ginagamit, at puwede mo itong i-cancel.
Magkakaroon ng matalinong pag-iisip sa pera: Parang paglilinis ng aparador, kapag inorganisa mo ang iyong kaalaman sa pananalapi, mas magiging kontrolado at kumpiyansa ka sa iyong mga desisyon. Hindi ka na manghuhula, kundi may basehan ang bawat hakbang.
Nahuhubog ang regular na financial habits: Ang paglilinis ng bahay at ang financial management ay parehong nangangailangan ng patuloy na pagpapanatili. Nagiging ugali ang regular na pagtingin sa iyong budget at sa iyong espasyo, hindi lang ito isang one-time gawain.
Mas magkakaroon ng pokes sa mas mahalagang prayoridad sa buhay: Sa pag-alis ng mga hindi kinakailangan, mas mailalaan mo ang iyong oras, enerhiya, at pera sa mga bagay na tunay na mahalaga sa iyo. Ito ay nagdudulot ng mas kaunting stress at mas may layuning buhay.
Naiintindihan ko rin ang hirap ng pagba-budget. Ang daming gustong bilhin, ang daming gustong gawin. Tapos, ang bilis din ng pera. Parang ang hirap mag-ipon. Kaya nga kailangan ng “decluttering”.
Kapag nalinis mo ang mga hindi kinakailangang gastos, mas makikita mo kung saan talaga napupunta ang pera mo. Ang perang natitipid mo sa mga impulse purchases, puwede mong ilaan sa ipon. Ang bawat piso na natitipid, kapag pinagsama-sama, malaki ang magiging ambag sa iyong ipon.
Hindi ito one-time event. Ito ay isang proseso. Ito ang magiging pundasyon ng iyong financial discipline. Kapag malinis ang iyong financial space, mas madali kang makakapag-focus sa iyong mga financial goals.
Para sa mga kabataan ngayon, ang “decluttering” ay makakatulong para hindi sila malubog sa utang at makapag-ipon para sa mga pangarap nila, tulad ng pagbili ng sarili nilang bahay o pag-invest. Hindi na sila ma-FOMO sa mga bagay na hindi naman talaga mahalaga.
Sa huli, Juan, ang “decluttering” ay hindi lang tungkol sa pagbabawas ng gastos. Ito ay tungkol sa pagbabawas ng stress, pagtaas ng kontrol, at paglikha ng isang mas malinaw na landas patungo sa financial freedom. Bata ka man o matanda, Ito ay isang hakbang tungo sa mas maginhawa at mas masaganang buhay.

