BINATIKOS ni Senador Win Gatchalian ang Commission on Audit (COA) dahil sa kabiguan nitong matukoy ang pandaraya sa mga kuwestiyonableng proyekto sa flood control na lumabas na ‘ghost project’ o substandard.
Itinuro ni Gatchalian ang mga ‘red flag’ na dapat ay nakita na agad ng COA, tulad ng isang flood control project na nakasaad na 89% nang tapos 15 araw lamang matapos ang notice to proceed, at ganap nang natapos sa loob lang ng 34 araw. Isa pang proyekto ang sinabing 46% nang kumpleto sa loob lang ng dalawang araw at 89% nang tapos pagkatapos lamang ng 86 na araw. Sinabi rin niya na magkakaparehong larawan ang ginamit bilang ‘proof of progress’ ng mga proyekto.
Binigyang-diin ni Gatchalian na sapat na sana ang pagsusuri sa mga dokumento para matukoy ng COA ang pandaraya sa mga naturang proyekto sa flood control.
Bilang Chair ng Senate Committee on Finance, hinimok din ni Gatchalian ang COA na imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng resident auditor nito na nakatalaga sa Department of Public Works and Highways sa mga sinasabing ‘ghost projects’ sa flood control.
“Hindi ako naniniwala na makakalampas ito sa COA kung hindi siya kasali sa modus,” aniya, na tumutukoy sa resident auditor. “Ang gusto natin, maibalik ang tiwala sa COA,” dagdag pa niya.



